Parallel 15

1.5K 191 114
                                    

Malamig ang hanging dumarampi sa kaniyang balat. Sa tulong ng malaking teleskopyo na nakatayo rito sa balkonahe, mas napagmamasdang maigi ni Cassy ang mga bituin sa kalangitan. Dahil sa mga 'yon ay naalala niya ang isa sa mga nabasa sa lumang libro, ang weird na bagay na ayon kay Lianne ay hindi naman daw nito mabasa.

Sa gabing maliwanag
Iiyak at magsasaya ang mga makasalanan

Sa gabing maliwanag
Ang asul na araw ang mangingibabaw

Sa gabing maliwanag
Iiyak ang makasalanan
At magsasaya ang mga mangingibabaw

Ano kaya ang ibig sabihin ng tulang 'yon? At bakit sa tuwing maaalala 'yon, may nakikita siyang iba't ibang mga imahe na hindi naman niya alam kung saan nanggaling? Mayroong malabo at mayroon ding malinaw.

Marami pa itong kasunod na mga grupo ng salitang napaghihiwalay ng iba't ibang saknong, pero gaya ng nauna, wala naman siyang ideya kung ano ang nais nitong ipahiwatig. Hindi niya nga rin masiguro kung tula pa rin ba ang mga 'yon.

Napailing na lamang siya at muling sumilip sa teleskopyo upang hanapin ang constellation na kapangalan. Natagpuan niya ito sa hilagang bahagi ng kalangitan. Ang 'Alpha Cassiopeiae' ang pinakapaborito niya sa lahat ng bituin sa konstelasyon. Ito kasi ang pinakamakinang doon. Iyon din ang paborito ng ina, kaya nga doon nanggaling ang kaniyang pangalan.

Dati-rati, gumagaan ang pakiramdam niya sa tuwing tinititigan ang grupo ng mga bituin. Ngayon ay hindi. Sa dami ng bumabagabag sa kaniya, hindi na siguro sasapat ang magagandang tanawin na makikita sa kalangitan para maging masaya. Nakababahala ang kaniyang nalaman mula sa ina. Itinikom man nito ang bibig, ngunit malinaw naman niyang narinig sa isipan nito ang pahapyaw na detalye patungkol sa nangyari kay Manang Tessy.

Mayamaya ay pinuntahan siya ng ina sa balkonahe. Malungkot itong lumapit at yumakap muna bago nito sabihin ang masamang balita. Kahit batid na ang nangyari kay Manang Tessy, hindi pa rin niya mapigilang mapaiyak nang makumpirma ito.

Ang kaso, ibang istorya ang narinig nito mula sa asawa ng dating kasambahay. Nagpakamatay raw si Manang Tessy dahil sa sama ng loob sa pagkawala ng anak. Batid niyang hindi 'yon totoo, pero may nakita raw na suicide note sa tabi ng katawan nito.

Sobrang bigat ng pakiramdam niya ngayon. Patuloy ang pag-agos ng luha at naiinis siya sa sarili na wala siyang kahit na anong magawa. Hindi niya lubos-maisip kung ano talaga ang nangyari, at kung sino ang puwedeng sisihin. Dapat ay makausap niya mismo ang asawa ng dating kasambahay nila. Itatanong na rin niya mula rito ang tungkol kay Roda.

Si Karina ang ipinalit ng agency. Dalawampu't-walong taong lang daw ito, ngunit marami nang naging trabaho. Nakapagsilbi na rin ito sa isang prominenteng pamilya sa kabilang subdibisyion. Mukha pa itong bata kaya inakala niyang kaedad lang, pero hindi talaga niya gusto ang pagkakangiti nito kanina.

Nakakabahala rin ang suot nitong uniporme na tila isang sekretarya, samantalang ang totoo ay isa itong kasambahay.

Saka naman siya may napagtanto.

Sa pagkakaalala niya ay nagtama ang kanilang paningin kanina, pero bakit hindi niya ito nabasa?

Dahil sa pagtataka, sinadya niyang bumaba sa kusina para muli itong makaharap. Nang makarating roon, hinanap niya ang babae, pero hindi naman ito natagpuan.

"Miss Cassy, may kailangan po ba kayo?"

Lumundag ang kaniyang puso dahil sa pagsulpot ng malambing na tinig mula sa likuran.

Kaagad niya itong nilingon.

"Kukuha sana ako ng...gatas," sagot niyang pilit na binasa ang babae, pero wala siyang kahit na anong marinig mula sa isipan nito.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now