Parallel 65

1K 99 9
                                    

***

Malamig na hangin ng Oktubre ang nanunuot sa kalamnan ni Faye. Hindi naman niya ito gaanong alintana ‘pagka’t nakasandig siya kay Kevin, ang lalaking katabi sa pahabang upuan sa parke ng kanilang unibersidad. Sapat na ang init ng katawan ng kasintahan upang mapag-alab ang kaniyang puso.

Napatingala siya sa romantikong buwan na sumisilip mula sa mga maninipis na ulap. Napakamapayapa ng gabi. Napakaperpekto ng sandaling ito kung 'di lang sana sa naririnig nilang pagbabangayan nina Mila at Angelo.

Ilang buwan pa lang na magkarelasyon ang dalawa, ngunit kung magsigawan ay daig pa ang mag-asawa. Hindi niya alam kung bakit ‘di pa naiisipan ng mga ito na maghiwalay. Nakakaistorbo lang kasi ang mga ito.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo na ang babaeng ‘yon ang unang lumapit?” paliwanag ni Angelo. Kitang-kita sa mukha nito ang desperasyon nang mapasabunot sa buhok.

“Huwag ka nang magkaila! Nakita ng dalawang mata ko ang pagkakangiti mo noong halikan ka ng babaeng linta na ‘yon!” bulalas ni Mila na halos labasan ng litid sa leeg dahil sa matinding pagkagalit. Saglit itong natigilan. “Ano nga bang pangalan niya? Ah, Lianne!”

"Lia," pagtatama ni Faye.

"That's not the point!" Iwinagayway ni Mila ang hintuturo.

“Paano mo ba nakita ‘yon? Eh, nakatalikod ako sa ‘yo?” Napabuga na lang sa hangin ang lalaki.

Tinulak-tulak naman ni Mil ang dibdib ng nobyo. “Ramdam ko! Babae ako, malakas ang radar namin sa mga gan’yan! Hindi ba, Faye? Alam mo ang sinasabi ko. Ngayon, naiitindihan ko na ang sinasabi mo kapag may lumalanding iba kay Kuya,” baling nito sa kaniya.

Wala namang reaksyon ang kapatid nitong nakatulala at nakasandal lang sa kinauupuan nila.

“Bakit kami nadamay? Nanahimik kami rito?” Pinanlakihan niya ng mata ang babae.

“Hayan ka na naman, Milagros, sa pagiging tamang hinala mo!” alma ni Angelo na mas lalong lumakas ang boses.

Pinamaywangan naman ito ng babae. “Hindi ba, sinabi ko na sa ‘yo, na ayaw na ayaw kong tinatawag ako sa tunay kong pangalan? Nahahawa ka na kay Kuya!”

Nangunot lamang ang noo ng nobyo nang mapasulyap sa dalawa, saka marahang napailing. Matapos niyon ay muli nitong ibinalik ang tingin sa malayong parte ng kalangitan.

Pagkagaling sa gig, dito sila dumiretso dahil may inihandang sorpresa si Angelo para sa monthsary ng mga ito, ngunit nang makarating sa lugar, ang lalaki pa ang nasorpresa sa biglaang pagseselos ni Mila.

Napabuntong-hininga na lang siya, kasunod nang paglingon kay Kevin na katabi man sa bench, pero mukhang naroon naman sa dulo ng kalawakan ang isipan. Nakita niyang dahan-dahang nagliwanag ang buwan, at dumungaw ang pagningning niyon sa mga mata nito.

“Ayos ka lang?” usisa niya sa lalaki.

Sumulyap lang ito, at bahagyang umangat ang sulok ng labi.

“Problemado ka pa rin ba kung tatanggapin mo ang pagiging varsity player o hindi?” tanong ulit ni Faye.

Matagal na nitong pangarap na maging manlalaro ng volleyball sa kanilang unibersidad. Kasabay nila itong mag-apply, pero sila lang ni Mila ang pinalad na matanggap. At noong isang linggo na nagpa-try out para sa kapalit ng isang nag-back-out na player, saka naman nakapasa ang lalaki.

Medyo atrasado nga lang ang nobyo dahil maganda na ang tinatakbo ng pagbabanda nito. Kung magtutuloy ito sa pagiging varsity player ay baka mawalan na ito ng oras sa pag-aaral.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now