Parallel 52

980 97 2
                                    

Nagimbal siya dahil sa narinig. “Ano pong sinasabi n’yo?” Hawak ang tsaa ay naramdaman niya ang panginginig.

“Hindi mo pa rin ba maintindihan?” Matalim ang pagkakatingin ng mga mata nito na animo’y diretsong nakatuon sa kaniyang kaluluwa.

“H-hindi ko alaala ang lahat ng ‘yon?” tanong niyang bigla na lamang nanghina kaya nabitiwan niya ang tasa.

Hindi ‘yon bumagsak sa sahig dahil nakalutang na ‘yon sa ere, maging ang tsaa na tumapon mula roon ay nakahinto. Kinuha ‘yon ni Ms. Lucielle at sa pamamagitan niyon ay tinipon nito ang likidong dapat ay nasa lapag na.

Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil sa nasaksihan.

“Bibigyan kita ng panibagong takdang-aralin,” wika nitong ipinatong sa mesa ang tasa. “Isulat mo ang lahat ng nakita mo, at pagsamasamahin mo ang lahat ng ‘yon sa nilalaman ng isa pang kuwaderno na hindi mo dinala rito. Isipin mong mabuti, kung sinong mga kaibigan ang itinuturing ng ‘alaala’ na nagpapakita sa ‘yo. Pakaisipin mo rin kung talaga bang isa lamang siyang ‘alaala’.”

“Si Mira ba ang tinutukoy n’yo?”

Tumayo na ito, ngunit nasa kaniya pa rin ang paningin. “Naroon na ang ibang kasagutan na hinahanap mo.”

Pagkatapos ay naglakad na ito patungo sa pinto. Saglit lang nitong nilingon ang gramopon, at kasunod ng kusang paghinto ng musika ay lumabas na ito ng silid.



Patakbo siyang nagtungo sa kuwarto ng kapatid. Halos liparin na niya ang baitang ng hagdan. Napakalakas ng pagkabog ng puso na tila ano mang oras ay kakawala na mula sa kaniya. Nanginginig ang buong katawan niya nang makarating sa tapat ng pinto ni Caleb, ngunit pinilit niyang ayusin ang sarili.

Huminga siya nang malalim kasunod ng pagbuga. Dala ang papel na naglalaman ng kaniyang medical history ay binuksan niya ang pinto. Bumungad naman ang kapatid na may hawak na dalawang bagong damit.

“Oh, tamang-tama, halika rito.” Sinenyasan siya ng kakambal na lumapit. “Tingin mo, alin ang mas bagay rito?”

Ang isa sa tinutukoy nito ay itim na polo na may asul na detalye sa gitna, maging sa kuwelyo at manggas. Ang isang damit naman ay puting longsleeve na may itim na detalye sa pagitan ng mga butones, ganoon din ang kulay ng ang bulsa sa kaliwang bahagi nito.

“Pareho namang maganda, pero, mas gusto ko ang black na polo,” tugon niya sa kabila ng nararamdamang pagkabalisa.

“Kung gano’n, itong white longsleeve na lang ang isusuot ko,” pahayag nitong saka naalala. “Teka, tapos na kaagad kayo ni Ms. Lucielle?” Inilapag nito sa kama ang dalawang damit at natuon ang pansin sa kaniya. “Bakit?”

Hindi na siya nag-atubili pa. “Caleb, may heart condition ba ako noon? Alam mo bang naoperahan ako noong bata ako?”

“That’s news to me.” Nangunot ang noo nito. “Talaga? Sino’ng may sabi sa ‘yo?”

“H-hindi mo alam?” Napamaang siya, saka nito napansin ang papeles na hawak niya.

“Ano ‘yan?” Kinuha nito ang bagay na ‘yon. Binaliktad pa at tiningnan ang ibang pahina. “Bakit ka may dalang naka-file na bond papers? Akala ko naman nag-take notes ka sa mga sinabi sa ‘yo ni Ms. Lucielle.”

Walang nakasulat doon?

Kaagad niya ‘yong hinablot at nang makitang blanko ang papeles ay tumakbo na palabas. Dumiretso siya sa kuwarto at mabilis isinarado ang pinto.
Nang mapasandal doon ay kaagad niyang tiningnan ang papel, ngunit wala na ngang ano mang makikita roon.

Tinakbo niya ang mesang malapit sa bintanang nakabukas at doon ay hinanap ang isa pang notebook na pinagsulatan. Nangangatal niyang kinuha ang bolpen para simulang isulat ang lahat ng mga nakita kanina. Dahil nakatatak na ‘yon sa kaniyang isipan ay magkakasunod niya ‘yong nailahad.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin