Parallel 67

965 93 1
                                    

Ipinatong nito sa nakaumbok na tiyan ng ginang ang kamay at mula roon ay dumaloy ang maningning nitong kapangyarihang may dalisay na kulay puti at lila.

Ang pagsasaling ito ang paraang naisip ng reyna upang malinlang ang asawa, at para mas maging kapani-paniwala, nagdagdag din ito ng maliit na porsiyento ng itim na kapangyarihang nakuha naman mula sa buhok ng sentauro.

Nang matapos ang buong proseso, ay mabilis ding bumalik ang reyna sa kaharian nito. Kahit batid ng makapangyarihang babae na sa gabing 'yon papaslangin ng pinakamamahal, nagtungo ito sa malawak na silid-pahingahan at payapang nahiga. Tahimik itong naghintay at nahimbing sapagka’t alam nitong sa loob ng panaginip aatake ang mapanlinlang.

Walang kaalam-alam ang sentauro na nabunyag na ang lihim nito, at inakala lamang na gumagana na sa reyna ang makapangyarihang likidong ipinaiinom nito.

Buong pananabik itong lumapit sa kinahihinggaan ng pinakamakapangyarihan sa kaharian, ngunit siyang pinakamahinang bihag ng pagmamahal. Dala ang Zerreitug na ninakaw sa silid ng dating hari, pumasok ito sa kamalayan ng reyna, at sa loob niyon ay hindi nag-atubiling itarak sa dibdib ng babae ang mahiwagang sandata.

Nang maitusok ng halimaw sa asawa ang mahiwagang sandata, nilamon nang matinding liwanag ang buong silid at ito ay naglaho. Ang buong akala ng sentauro ay nagtagumpay na itong mapaslang ang reyna, ngunit ang totoo ay nakulong lamang ito sa loob niyon. Hinding-hindi gagana ang sandata, bagkus ay ito pa mismo ang promotekta sa reyna, dahil ang Zerreitug ay pagmamay-ari ng mga Katharóaima.

Nang sandaling makulong ang pinakamakapanyarihang nilalang sa loob ng mahiwagang sandata, ay siya namang pagkakasilang kay Peya, ang mortal na balang-araw ay nakatakdang tumapos ng buhay ng halimaw.

Kaya’t noong gabing paslangin niya ang halimaw, ay naging isa sila ng espada. Naging isa sila ng Inang Reyna na naroon sa loob ng sandata. At siya, na pinaglagakan lamang ng kapangyarihan nito, ang naging dahilan upang makalaya ito.

“Matiyaga akong naghintay sapagka’t batid kong sa loob ng panaginip din kami muling magkakaharap.” Narinig niyang pahayag ng inang reyna. “Masakit sa akin ang kaniyang kinahantungan, ngunit kailangan kong pumili kung ano ang paiiralin ko, ang puso o ang aking isipan. Ang aking huwad na kaligayahan o ang kaligtasan ng aming kaharian.”

Mainit na yakap ang nagbalik sa kaniya sa loob ng palasyong kinaroroonan. Nang magmulat ng mata, dalawang pamilyar na tao ang natanaw niyang nakatayo sa kaniyang harapan. Ang isa ay ginoong may tindig at kasuotang hindi naiiba sa suot ng batang bersyon ni Professor Black. Nakapinta sa pisngi nito ang walang pagsidlang saya sa kabila ng maluha-luhang mga mata.

At tulad nito, mamasa-masa rin ang mukha ng matandang panay ang pagpunas niyon gamit ang kamay. Kusang umagos ang luha niya nang makita ang taong sa kaniya'y nagpalaki at labis niyang pinananabikan.

“Lola Rosa?” Napabukas ang kaniyang bibig dahil sa pagkamanghang nakikita ang mga ito. Sa isang iglap, ang lahat ng bigat na kaniyang nararamdaman ay bigla na lamang tinangay palayo.

Nang bumitiw ang babaeng nakayakap, napatitig siya sa pamilyar nitong mga mata, ang bilugang mata na kawangis ng nakikita niya sa tuwing tumitingin sa salamin.

“M-Mama…?”

“Peya.” Dagling dumaloy sa pisngi ng babae ang mala-perlas nitong luha. Hindi maikakaila sa mukha nito ang pagkasabik na siya’y makita.

Lumapit din ang kaniyang tunay na ama, maging si Lola Rosa na parehong kinulong siya sa bisig. Higit pa sa kasayahan ang kaniyang nararamdaman. Daig pa niya ang nasa himpapawid at lumilipad kasama ng mga ulap. Ang kanilang mga yakap ang nag-alis sa lahat ng takot at kalungkutang nararamdaman. Ang muli silang makita ngayon ay nagbigay sa kaniya ng seguridad at pag-asang magiging maayos din ang lahat.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now