Parallel 45

1K 107 13
                                    

Masigla ang kulay ng kalangitang niyayakap ng malalambot na ulap. Nang sumakay si Cassy sa kotse, tila bumabati ang mga umaawit na ibon na payapang nakadapo sa mga sanga. Parang eksena mula sa pelikula ang pagdaloy sa kaniyang isipan ng isa sa mga panaginip patungkol kay Jake. Natutuwa siya sa tuwing maaalala ang pakikipagkompetensiya nito sa paghuni ng mga mumunting likha ng langit.

Sa kabilang banda siya'y nalulungkot dahil hindi ‘yon totoo. Hindi ‘yon totoo sapagka’t ‘di naman ‘yon ang kaniyang reyalidad. Ang reyalidad niya ngayon ay punong-puno ng mga bagay na kaniyang pinangangambahan. Kahit pa marami siyang gustong matuklasan, mas ninanais niyang sumuko na lang muna. Dahil malakas ang kaniyang kutob na ang katotohana maaaring matuklasan ay hindi niya magustuhan.

Wala pa ang kakambal, samantalang si Kuya Peter naman ay abala sa pagpupunas ng kotse.

Magbubuklat sana siya ng libro nang dumako ang paningin sa hardin na alaga ng kanilang ina. Naggagandahan ang mga bulaklak ng orchids na naroon, maging ang mga bonsai na maliliit man, ngunit may tinataglay na gilas.

Natigilan lang siya nang may unti-unting mapagtanto.

Bumaba siya ng sasakyan upang tingnang maigi ang kabuuan ng labas ng kanilang tahanan. Sinuyod niya ang bawat sulok nito hanggang sa huminto ang paningin sa puting fountain na nasa gitna mismo ng hardin.

Nagkataon lang ba ito?

Bakit sa panaginip, ito ang bahay ni Jake?

Anong ibig sabihin nito?

Nakakainis na may mga parte siyang hindi maalala sa mga ‘yon.

Alam niyang malinaw ang mga detalye ng panaginip, ngunit kapag nagigising na siya, nabubura na ang ilang bahagi nito. Hindi niya masiguro kung nakakalimutan lang niya o may sadyang nagpapalimot ng mga bagay na ‘yon.

“Cassy.” Napalingon siya sa tinig ng kakambal.

Nakita niyang nakatuon ang pansin nito sa bagay na naroon sa loob ng kotse.

Bahagya namang nanlaki ang kaniyang mata nang masilip kung ano iyon. “Kuya Peter? Bakit nandiyan ‘yan?” tanong niya sa driver na may hawak na basahan.

Napalinga ito at sinilip sa loob kung ano ang tinutukoy niya. “Ah, ‘yang pusang stuffed toy? Inilagay ni Karina ‘yan. Noong tinanong ko, ngumiti lang sa akin. Akala ko, ipinalagay mo? Hindi ba mahilig kang mangolekta ng stuffed toy sa claw machine?”

Naiinis niyang binuksan ang kotse at para kunin sana ‘yon, pero nagsalita si Caleb, “Ayos lang. Hayaan na lang natin.” Sumakay na ito sa loob at naupo roon.

Tumabi na rin siya sa kapatid at narinig niyang nagsimula nang maglakbay sa malayo ang isipan nito.







Maingay sa cafeteria dahil sa mga estudyante na hindi lang naroon para kumain, bagkus ay para makakuwentuhan ang mga kaibigan at kaklase. Nakatatakam ang mga binili nilang pagkain na bukod sa nakakabusog sa pang-amoy, ay masarap din sa paningin. Ganadong-ganado sa pagkain sina Lianne at Marky. Payat man ang lalaki ay kasinglakas lang din itong kumain ng kasintahan.

Hindi sumabay si Caleb sa pagkain, at palagay niya ay naroon sa music room at nag-eensayo. Malamang napupuno ng isipan nito si Ice. Gusto niya itong madamayan, ngunit batid niyang wala siyang magagawa. Labis na lungkot ang nararamdaman ng kakambal dahil nalalapit na ang anibersaryo ng pagkamatay ng  pinakamamahal.

Mabilis ang naging pagkain nila. Halos hindi niya namalayan sapagka’t napatulala na lang siya sa tempura na in-order. Dahil wala siyang gana, si Lianne na ang umubos niyon.

Nauna na ngang umalis si Marky dahil makikipag-usap ito sa mga kagrupo para sa presentasyon ng isa sa mga asignatura. Ang kaibigan naman ay kailangan pang magtungo sa opisina ng student council. Humihingi raw ng kasi ng interview ang mga ito para sa university magazine.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now