Parallel 5

2.8K 277 566
                                    

Napuno ng tawanan at kuwentuhan ang koridor nang matapos ang karamihan sa mga klase. Kapansin-pansin sa ibang estudyante ang pagmamadaling makauwi, samantalang ang iba naman ay may kasunod pang mga klase.

Katatapos lamang ng huling asignatura ni Cassy, pero mayamaya pa sila uuwi ng kakambal dahil nakikipagpulong pa ito kay Professor Black.

Narito siya sa ikatlong palapag
ng kanilang departamento at bababa na sana para puntahan si Lianne. Nagpadala kasi ng mensahe ang kaibigan na naroon pa ito sa computer laboratory kasama ang nobyo.

Ilang silid pa ang kaniyang madaraanan bago makarating sa hagdanan. Alas-tres pa lang ng hapon kaya nakasisilaw pa ang sinag ng araw. Nakikita niyang tumatagos 'yon sa bintana ng koridor, at tumatama ang liwanag nito sa makintab na sahig na nilalakaran.

Naging normal ang buong araw niya, ngunit sa tuwing maalala ang nangyari kahapon, dagli namang nag-iinit ang kaniyang ulo dahil sa pagkainis.

Hindi siya makapaniwalang tumatanggi talaga ng babae, gayong ang mga pinagsasabi niyon ay nakasulat mismo sa libro. Dapat sa maarteng 'yon ay maturuan ng leksyon. Kapag napagawi siya sa silid ng drama club ay ipagtatanong niya kung hindi nga ito miyembro. Magpapasa na rin siya ng reklamo sa presidente ng student council.

Kailangang matigil na ang mga ganoong klaseng pampa-prank ng mga estudyante, taga-club man o hindi.

Dahil sa babae ay muling tumaas ang kaniyang temperatura. Saglit niyang iniayos ang buhok pagilid sa balikat. Hinaplos niya pa ito patungo sa kaniyang baywang, saka bahagyang natigilan.

Hindi niya alam kung bakit madalas itong gawin samantalang, kung tutuusin ay lampas lang sa dibdib ang haba nito. Napagdesisyunan na lang niyang itali ang buhok pataas sa likod.

Ipagpapatuloy na sana niya ang paglalakad, ngunit natigilan siya nang makitang nakabukas ang isa sa mga bintanang salamin. Nakapagtatakang nakaawang 'yon dahil sa kaniyang pagkakaalam ay hindi dapat iyon nabubuksan. Lumapit siya para tingnan nang maigi, pero nanlaki lang ang mga mata nang may mapansin doon.

Isang babaeng nakatitig gamit ang nanlilisik na mata ang naaninagan niya mula sa bintanang salamin, dahilan kaya agad siyang napalingon. Ngunit, nangunot lang ang kaniyang noo sapagka't wala namang ibang tao sa likuran.

Inilibot niya ang mata sa paligid at saka napailing. Mukhang pinaglalaruan na naman siya ng kaniyang paningin.

Muli siyang sumulyap sa bintana at bahagyang napatitig. Hindi na kasi ito nakabukas. Kinapa niya ang gilid nito at naghanap ng maaaring maging hawakan para mabuksan, pero wala siyang matagpuan.

Dahil fixed na glass panel na ang naroon. Ibang-iba sa bintana na nakita niyang nakaawang kanina.

Namalikmata lang ba siya?

Napatingin siya sa buong koridor, saka naman sumiklab sa kaniyang sistema ang kakaibang pagkakilabot. Nagmadali na siyang maglakad patungo sa hagdanan habang pilit kinukumbinsi ang sarili na guniguni lamang ang nangyari.

Nang makarating doon ay mabilis na siyang bumaba. Ngunit hindi maalis sa kaniya ang labis na pagkabalisa. Kumakabog nang malakas ang kaniyang puso habang tinatahak ang baitang pababa.

Mabilis ang kaniyang paghakbang sa kabila ng paghabol sa sariling paghinga.
Nang makalahati ang hagdan, saka naman siya nakarinig ng malutong na pagtunog nang mataas na takong. Mabagal ang paghakbang nito. Parang nasa bandang likuran lamang at sumasabay sa kaniya.

Saglit siyang huminto para lumingon, pero wala namang ibang taong nakita.

Lalo tuloy lumakas ang pagtibok ng dibdib. Naramdaman na rin niya ang pagtagaktak nang malamig na pawis. Patuloy siya sa pagbaba sa kabila ng hindi pa rin nawawala ang kakaibang pakiramdam. Na para bang may nakatingin sa kaniya.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu