Parallel 62

1K 99 0
                                    


Mabagal ang kaniyang paghakbang habang sumusunod sa propesor. Punong-puno ng hindi maipaliwanag na pangamba ang kaniyang puso. Sa kabila ng mga taong nakakasalubong na abala at may pagmamadali, para siyang naglalakad sa gitna ng kawalan. Animo’y mas mabilis na tumatakbo ang oras, at ngayon, alam niyang halos wala nang nalalabi para sa kanila.

Hindi niya maintindihan ang sinabi nina Mira at Professor Black patungkol sa kahihinatnan ng gabing ito.

Malaking bagay na nakatulong siya upang mailigtas si Auntie Sabel, ngunit ano pa nga kaya ang maaaring mangyari sa kabilang mundo?

Bago pa siya makarating sa pintuan ng ICU ay mayroon nang humarang sa kaniya.

Mugto ang nangangalit na mga mata ng babaeng nakatingin sa kaniya. “Ano’ng ginawa mo sa pinsan ko!” May diin sa bawat salitang binitiwan nito.

“Sherryl?” Bigla na lamang nitong tinulak-tulak ang balikat niya, dahilan para mapaatras siya sa kinatatayuan.

“Anong karapatan mong saktan siya? Ako lang ang may karapatang manakit sa kaniya!” Katamtaman lamang ang tinig nito, ngunit sapat na ‘yon para mapalingon ang ibang tao sa kanila.

“Sherryl, wala akong—” Natigilan siya at napatingin sa lapag. Wala namang mali sa sinabi nito. Ano’t ano pa man, batid niyang isa siya sa may kasalanan sa nangyari.

“Paanong hindi ka nakulong, samantalang malinaw na ikaw ang sumaksak sa kaniya?” wika nitong napahikbi. “Dahil ba mayaman kayo? Dahil ba makapangyarihan kayo, may karapatan na kayong gawin ‘to?” Nakita niyang pumatak ang luha nito, kaya’t tumagilid ang babae upang mapunasan ‘yon.

“Oo, aminado akong naging masama akong pinsan, pero kahit kailan, hindi ko hinangad na mamatay siya!”

“Cassy?” bulalas ni Lianne na patakbong lumapit sa kanila. Kasunod nito sina Marky Caleb at Kuya Peter.

Napatingin lamang ang mga ito kay Sherryl na luhaan sa kaniyang harapan.

Pero, siya pa rin ang inintindi ni Caleb, ang kapatid ng babaeng hiniraman niya ng katauhan. “Ayos ka lang ba?” Hinawakan pa nito ang magkabilang balikat niya at tiningnan ang kaniyang kabuuan. Matapos niyon ay bigla na lamang siya nitong niyakap.







Saglit niyang nakausap si Sherryl at wala siyang nagawa kung hindi ang gamitan ito ng kakayahan upang mapakalma. Naiwan ito sa ICU na punong-puno ng pag-aalala para sa pinsan.

Hindi man nito ipinapakita noon, mahalaga si Jacob para sa babae dahil kahit papaano ay magkapamilya pa rin ang mga ito. Kung ‘di lamang dahil sa pambubuyo ng nilalang kay Sherryl, hindi naman nito magagawang masaktan ang lalaki, ganoon din ang Sherryl na pinsan niya sa kabilang mundo.

Pinasamahan niya ito kay Kuya Peter at sinabihan na ihatid ang babae sa condo niya. Hindi ito puwedeng manatili sa bahay ng dean dahil naroon ang halimaw na ama.

Balisa ang kinilala niyang kakambal nang makabalik sila sa VIP room. Pinagmamadali rin siya nitong magpalit ng damit pampasyente, bago pa bumalik sina Mr. and Mrs. Enriquez. Pareho kasing bumaba ang magulang nito para maihatid sa labas ang mga kasamahan sa simbahan.

Matapos siyang makapagpalit, kaagad siyang hinila ng mga ito patungo sa sopa para makausap. Ngayon, pakiramdam niya ay ginigisa siya ng tatlo na nakaupo sa kaniyang harapan, at mariing nakatitig sa kaniya.

Iniiwas niya ang tingin kaya’t saglit niyang napagmasdan ang silid na kinaroroonan. Ang VIP room ay mayroong mala-hotel na atmospera, hindi lamang dahil sa estilo, kung hindi dahil sa kumpletong kagamitan. Nakita niyang sumilip sa bintanang salamin ang malamlam na buwan. Bahagya nitong napagaan ang nagwawala niyang kalooban.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant