Parallel 60

985 98 1
                                    


“Mahina,” pahayag ni Cassy na diretsong tinitigan ang mga mata ng mapagpanggap na mortal. “Nakakatawang mahina ang isang ‘gaya mong hari? Sa bagay, kung tutuusin ay naging hari ka lang naman ng sinasabi mong kaharian, dahil sa pagpaslang mo sa tunay na reyna.”

“Kaya nga marami na ngayon ang gustong pumatay sa ‘yo?” bulalas niya at kaagad nakita ang pag-igting ng panga nito. “Sinabi mong hindi ko na mababago ang lahat ng nangyari? Pero, ikaw mismo ay may gustong baguhin sa nakaraan? Nais mong paslangin ang lahat ng kumakalaban sa ’yo, sa panahon sanggol pa lamang sila, mura pa ang isip at hindi pa gano’n kalakas ang kapangyarihan para maipagtanggol ang kanilang mga sarili.”

Ngayon ay mas lalo pang tumaginting ang paghalakhak niya. Nang kumalma ay saka siya muling nagsalita, “Hindi kaya ang bagay na ‘yon ay maiisip lamang ng isang kagaya mong hari na duwag at mahina?”

Asar na asar namang nakatitig sa kaniya ang ama. Makikita sa nangangalit nitong mga mata ang pagkainsulto dahil sa sinabi niya.
“Paano?” Kagya't niyang nabasa ang pagtataka nito na kaniyang nababatid ang lahat ng hangarin nito. Hangaring pilit nitong itinatago sa ilalim ng tinataglay nitong kapangyarihan.

“Paanong nababasa ko ang kaibuturan nang maitim mong puso?” wika niyang may panunuya. “Hindi ka na dapat magtaka, dahil mukhang mas malakas na ako sa ‘yo. Alam mo ba kung bakit?”

Mas lumapit pa siya sa balikat nito para bumulong, “Hindi kasi ako isang duwag na kagaya mo.”

Nagpilit ito ng tawa para mabahala siya, at muli na naman ‘yong dumagundong sa silid. Pero hindi ito nagtagumpay dahil alam na niya ang lahat ng ninanais nito.

Muli siyang nagsalita, “Hindi ko mababago ang lahat ng mangyayari? Puwes! Tingnan natin kung mababago ko nga o hindi ang mga magaganap! Pero, nasisiguro ko sa ‘yo na hindi magtatagumpay ang pinaplano mo.” Matapang ang kaniyang tinig at mababanaag ang paninindigan.

Halos hindi naman niya namalayan ang puwersang dumaan at sa isang iglap ay may mahigpit nang nakasakal sa kaniyang leeg. Napatingala siya at kitang-kita niya ang mga mata ng ama na nagpupuyos sa galit. Kapansin-pansin ang pagpapalit ng kulay niyon mula sa asul, lila, itim at abo.

Katulad ng kaniyang nakita sa mahiwagang libro.

Saka naman lumitaw sa balintataw ang tunay nitong anyo bilang isang halimaw. Ang nangungulubot nitong balat na itim at may pagkapula, ang itim at matutulis na ngipin, maging ang sungay nitong pakurba. Ganoon din ang larawang nasa libro, pero hindi naisiwalat doon ang lahat.

Dahil ang halimaw na nasa harapan ay nakikita niyang may mga biyas ng kabayo.

Isa itong ‘kéntavros’?

Iyon ang salitang may nagbabala sa kaniya na huwag niyang hanapin noon. Ngayon, alam na niya ang ibig nitong sabihin.

Ngunit, may iba pang dumaan sa kaniyang isipan. Sa ibang panahon, sa mas naunang kabanata ng buhay nito. Noon pa man ay may kaakit-akit na itong itsura. Matipuno at tunay na kaibig-ibig ang nilalang kaya hindi nakapagtatakang nagustuhan ito ng ikalawang prinsesa sa kaharian ng mga imortal.

Pero, dahil sa isang propesiya, naglabas ng kautusan ang amang hari kung saan nagkaroon ng mga kategorya ang iba't ibang nilalang. At dahil isa lamang itong ‘YPERAPISTIS’, na may katangian ng pagiging kalahating-halimaw, hinadlangan ng lahat ang pag-iibigan ng mga ito.

Nasasaad sa naturang kautusan na hindi maaaring magsama ang dalawang magkaibang lahi, sapagka't magdudulot 'yon ng pagguho ng pundasyon sa kanilang kaharian. Nang dahil doon ay sinubukan ng mga ito na makatakas at kagyat na nagtungo sa mundo ng mga tao.

Ngunit, kaagad ding nahanap ng mga tauhan ng amang hari ang magkasintahan. Naparusahan ang sentauro na makulong ng panghabang-buhay, samantalang ang prinsesa na isang Katharóaima, nang dahil sa pagmamatigas ay piniling maglaho na lamang sa Lawa ng Kawalan.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora