Parallel 42

1K 117 7
                                    

Dahil mamaya pa makakauwi, walang problema kay Cassy kung ilang oras man niyang hintayin si Jacob. Umakyat lang siya sa ikatlong palapag ng Music and Arts Department, kung saan madalas na maglinis ang lalaki. Inaabangan niya ito habang siya'y palinga-linga sa koridor. Panay rin ang pagtingin niya sa labas ng bintana dahil mula roon ay makikita ang mga taong pumapasok.

Matatanaw rin doon ang ginintuang bolang malapit nang magtago sa kabilang panig ng mundo. Unti-unti na ring naipipinta sa kalangitan ang kadilimang sumasakop, senyales na malapit nang maggabi.

Ngunit ang lalaki, bakit kaya hindi pa rin  dumarating?

Muli kaya itong liliban o mahuhuli lamang?

Kaagad nabuhayan ang kaniyang loob nang masulyapan si Jacob sa ibaba at papasok na sa gusali. Saglit niyang nakita ang paika-ika nitong paglakad bago pa ito tuluyang maglaho sa paningin.

Napaisip naman siya.

Kaya ba nagkaroon ng ganoong kondisyon ang lalaki ay dahil sa nangyari noong isang taon?

Pero, bakit bigla itong nawala? Kung tumilapon si Jacob sanhi ng aksidente, dapat ay naospital ito.

Ano ba talagang nangyari noon?

Ilang sandali pa ang lumipas nakita na niyang naglalakad sa koridor si Jacob. Nakasukbit sa likod ng lalaki ang lumang bag at diretso lamang ang pagkakatingin patungo sa kaniyang gawi. Luma pa rin ang suot nitong t-shirt, pero nakita niyang ang sapatos na ibinigay nila ni Caleb ang gamit nito.

Pansin niya ring pinagpapawisan ang lalaki. Marahil ay may iba pa itong trabaho bukod sa pagiging tagalinis sa unibersidad. Kagaya nang madalas, nilampasan siya nito na animo’y isa siyang rebultong nakatayo sa gilid.

Sinundan niya ang lalaki papasok sa banyo kung saan ito maglilinis.

Kaagad niyang narinig ang pagrereklamo ng isang lalaking nakatayo sa tapat ng urinal. “‘Tang na loob naman, oh!” Kasabay ng mura ay itinataas nito ang zipper. Matapos niyon ay mabilis na itong lumabas nang hindi man lang naghuhugas ng kamay.

“Sorry, wala naman akong nakita, eh,” pahabol na niya, kahit sa totoo lamang ay wala siyang pakialam.

Ibinalik niya ang pansin sa lalaking nagtungo sa pinakadulo nang malawak na banyo. May binuksan itong kabinet at napatalikod na lang siya nang maghubad ang lalaki ng suot na t-shirt.

Napahawak sa mukha si Cassy nang maramdaman ang pag-iinit ng pisngi.

Inaasar yata siya ng lalaking ito, eh.

Natigilan lamang siya nang mapagtantong may kakaibang napansin sa katawan nito. Muli siyang tumingin kasabay nang mabilis na paglapit kay Jacob upang tingnan nang maigi ang tato na nakamarka sa likod nito.

“B-bakit?” Hindi siya makapaniwala sa simbolo na kaniyang nakikita. “Saan galing ‘yan? Bakit mayroon ka niyan?”

Ang nakamarka sa pabalat ng lumang libro ay naroon sa katawan ng lalaki. Hugis dyamante ‘yon at nasa gitna napapaloob ang mala-rosas na bulaklak.

Matapos makapagsuot ng malinis na damit ay inilagay nito sa kabinet ang hinubad na t-shirt, saka ‘yon padabog na isinara.

“Bakit—” Hindi niya magawang maitanong ang dapat dahil tila alon na bumugso ang panaginip niya patungkol kay Peya. Mayroon ding ganoong marka sa likod ng babae, isang palatandaan na ito ang may-ari ng lumang libro.

At hindi lang 'to basta nagkataon.

Si Jacob at si Peya, nasisiguro niyang mayroong koneksyon.

Saka naman niya muling naalala ang tungkol sa video. “Noong araw na maaksidente ako kasama ng kaibigan ko, naroon ka rin, ‘di ba?” panimula niya saka kinuha ang phone at ipinakita ang katibayan.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now