Parallel 63

985 94 0
                                    

Saka naman ito nagbago ng anyo.

Nanlaki ang kaniyang mata, kasabay ng mas lalong pagtambol ng puso nang tuluyan itong makilala.

Naroon ang kaniyang ama, na ngayon ay nasa katauhan ni Dean Fuentebelo.

Batid niyang magpapakita ito, pero hindi niya naisip na ngayong gabi.

Kasunod ng pagdating nito ang kusang pagkawala ng mga kamay at braso na nakapulupot kaya ngayon ay nagagawa na niyang makagalaw. Kaagad siyang humugot nang malalim na paghinga upang bawiin ang hanging nawala sa kaniya.

Ngayon ay mas nagiging malinaw ang kulay lilang liwanag na bumabalot sa buong paligid.

“Mahal kong anak. Dumating na ang araw na pinakahihintay ko,” pahayag ng baritono nitong tinig. “Maibabalik na rin kita sa ating kaharian. Maisasakatuparan mo na rin ang ‘yong tungkulin bilang aking tagapagmana.”

Bahagya siyang napailing, kasunod ng panginginig ng tuhod kaya’t muntikan na siyang matumba. Mabuti at nagawa niyang makakapit sa pinakamalapit na silya. Nagsimula na naman siyang malunod sa kaniyang mga luha na mapasulyap kay Jake. Hindi siya makapaniwalang sinapit ito ng lalaki nang dahil sa kaniya.

“Bakit kailangan pa nilang madamay?” usisa niya sa mahinang tinig. Halos panghinaan na siya ng loob sa kanilang sitwasyon. “Hindi ba puwedeng ako na lang ang pahirapan mo? Huwag mo na silang isali rito.”

“Alam mong hindi puwede,” pagkanta nito, at mababanaag din sa mukha ang mapang-asar na ngiti. “Nakasaad ang lahat ng ito sa propesiya. Ang propesiyang sa kasamaang palad, ay nagawa kong baguhin upang umayon sa akin.” At muli na namang nangibabaw ang paghalakhak nito sa bawat sulok ng kinaroroonan nila.

“Kahit ang mga traydor ay hinding-hindi ako malilinlang, dahil ako mismo ang nakagawa niyon sa kanila!” Hawak ang tiyan, tuwang-tuwa ito at halos mauubusan na rin ng hininga.

Nang kumalma ay muli itong nagsalita, “Siya mismo ang pumatay sa kaniyang sarili sa pag-aakalang maliligtas ka niya?” Mariin ang pagkakasabi nito kasabay ng pandidilat ng mata.

“Mamatay man ang katawan niya o hindi, pag-aari ko naman na ang kaniyang kaluluwa. Isasama natin siya sa ating kaharian, at ang tunay na Jacob ay babalik lang ding kasama natin dahil doon naman siya nagmula.”

Napahinto ang ama at napatitig sa mukha ng lalaking nakahiga. Nagliyab ang matinding galit sa kaniyang puso nang haplusin ng nilalang ang pisngi ni Jake gamit ang mahahaba nitong mga kuko. “Nakapanghihinayang na ipinanganak na mortal ang lalaking pinakamamahal mo. Naaalala ko ang aking sarili sa kaniya at gusto ko ang pagiging matapat niya.”

“Huwag kang mag-alala, kahit mamatay ang taong yan ay makakasama mo pa rin siya. Maaari mo siyang maging tagasunod kung gugustuhin mo?” wika nitong humarap sa kaniya. “Ano’ng masasabi mo?”

Awtomatikong naglaho ang pagkakangiti nito nang makita ang matulis na bagay na nakatutok sa kaniyang leeg. Nakalutang ‘yon sa ere at nagagawa niyang mamanipula gamit ang kakayahan. Kaya’t ang kaligayahan ng halimaw ay mabilis napalitan ng nangangalit nitong ekspresyon.

Siya naman ang sarkastikong napangiti. “Wala namang magiging saysay ang lahat! Gagamitin mo lang ang kakayahan ko para sa pansarili mong kagustuhan.” Marahan siyang tumango-tango saka nagpatuloy, “Mas maigi kung mamatay na lang din ako!”

Nakita niyang makailang-ulit nitong iginalaw ang kamay upang kontrolin ang patalim, pero hindi naman gumagana ang kapangyarihan nito. Nangunot ang noo ng kaniyang ama dahil sa labis na pagtatakang hindi nito magawa ang simpleng bagay na ‘yon.

Mukhang napagtanto na rin ng nilalang na hindi na siya magawang mabasa pa nito.

Samantalang, alam na alam niya ang tumatakbo sa isipan nito. Nag-iisip ang ama kung paano siya makukumbinsi. Hindi nito hahayaang siya'y mawala, sapagka’t masisira ang matagal na nitong plano. Ang makuha ang lahat ng kakayahang minana sa ina, pati na rin ang kapangyarihan at katayuan niya, bilang anak ng inang reyna sa kabilang dimensyon, ang kahariang may daanan sa pagitan ng langit at lupa.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now