Parallel 58

941 95 0
                                    


Mula sa kinatatayuan ni Cassy, naririnig niya ang pagtunog ng mga aparatu sa paligid ng lalaki, senyales na hindi nito kayang huminga nang mag-isa. Halos sumasabay ‘yon sa tibok ng puso na labis nasasaktan. Kahit natatakpan ng kumot, batid niyang mayroon itong bandage sa bandang sikmura, at alam niyang dahil ‘yon sa balisong na itinarak nito sa sarili gamit ang mga kaniyang kamay.

Naramdaman na lang niya ang pangingilid ng luha dahil sa nasasaksihan. Napakahirap para sa kaniya na makita ang sitwasyon nito. Para siyang paulit-ulit  tinutusok ng patalim na tumatagos hanggang sa kaniyang kaluluwa.

Hindi dapat ito naranasan ng lalaki kung hindi lamang dahil sa propesiya. Pero, ang puno’t dulo nito ay ang ‘halimaw’ na ama. Kung 'di nito ginamit si Jake, hindi mangyayari ang lahat ng ito.

Saka naman niya naisip ang isang pambihirang ideya. Napatingin siya sa kaniyang mga kamay.

Posible nga kaya?

Walang ibang paraan kung hindi ang subukan.

Sa kabila ng bawal pumasok sa ICU lalo at hindi nakasuot ng mask at isolation gown, binuksan niya ang nakasarang pinto. Pinigilan siya ni Mrs. Enriquez, pero sa isang iglap ay napako na lang ang ginang sa kinatatayuan at tila nawala sa sarili.

Nang maglakad siya papasok, kaagad humarang ang mga umaasikaso sa lalaki, pero dahil sa kakayahan, parang wala lang na bumalik sa kaniya-kaniyang ginagawa ang mga tauhan ng ospital, na tila ba hindi na siya nakikita sa loob ng ICU.

Walang kahirap-hirap siyang humakbang kasabay nang malakas na pagkabog ng dibdib. Nang tuluyang makalapit sa kinahihigaan ng katawan ni Jacob, iniangat niya ang kamay sa tapat ng sikmura nito para subukang pagalingin, katulad ng nakita niyang ginawa ni Peya, ng kaniyang sarili, doon sa panaginip.

Ilang sandali siyang nasa ganoong posisyon. Ilang minuto ang kaniyang hinintay, ngunit laking pagtataka niya na walang nangyayari.

Bakit hindi gumagana ang isinumpang kakayahan niya?

Dahil ba ang katawan ni Jacob ay hindi pangkaraniwan? Dahil ba may dugo rin ito ng mga imortal na taga-kabilang dimensiyon, at higit na mas makapangyarihan kaysa sa kaniya?

Lalong naglandas ang kaniyang mga luha. Patuloy ang pag-agos nito mula sa pisngi, na halos hindi na niya mapigilan pa. Napahawak na lamang siya sa dibdib at saka ito marahang pinukpok. Para siyang bulkan na gusto nang sumabog sapagka’t wala siyang magawa sa pagkakataong ito. Wala siyang magawa para kay Jake.

Hindi niya alam kung bakit kailangang mangyari pa ito sa lalaking matagal nang mahalaga sa kaniya, kahit pa nawala 'yon sa alaala nang dahil sa pagpunta nila sa mundong ito.

Lumabas siya ng ICU bitbit ang luhaang puso at mabigat na damdaming punong-puno ng pag-aalala at pagkatakot sa maaaring mangyari sa lalaki.

Tumabi si Cassy sa inakalang ina at nang magising ang ginang mula sa pagkatulala, lumingon ito upang bigyan siya nang mainit na yakap. Mas lalo siyang napahagulgol ngayong muling naalala na ang babaeng nakayakap ay hindi niya totoong ina.

“Don't worry, Dear, everything will be fine,” pahayag nitong tinapik-tapik ang kaniyang likod.

Nang bumitiw ay marahang pinunasan ni Mrs. Enriquez ang kaniyang mga luha gamit ang hawak na panyo. Saka nito itinuon ang paningin sa lalaking naghihingalo sa loob ng silid at nahaharangan ng bintanang salamin.

“Nagulat ako nang maka-receive ng tawag galing kay Caleb na naospital ka. Pagdating ko rito, the police is asking your brother kung anong nangyari, at kung bakit kasama mo ang batang ‘yan na may saksak at duguan.”

“May possiblity silang sinasabi, pero hindi ako naniniwala sa kanila, dahil hindi mo magagawa ‘yon,” pahayag ng sopistikadang ginang.

Wala naman siyang maisagot.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Kde žijí příběhy. Začni objevovat