Parallel 59

900 93 1
                                    

Dagling dumagundong ang puso ni Cassy, kasunod nang paggapang ng kakaibang boltahe sa kaniyang sistema. Saglit niyang napigil ang hininga ngayong tinititigan ang nangungusap na mata ng lalaki.

“Paanong mamamatay si Milagros?” tanong ni Jake na nasa mukha ang pagkabigla. “Bakit siya mamamatay? Pati ang Auntie ni Peya? Wala ‘yon sa usapan.”

Kaagad naman siyang nakabawi. “Baliw ka ba? Hindi mo ba alam kung kanino ka nakikipagkasundo? Hindi siya magiging patas sa lahat. Gagamitin ka lang niya kaya tigilan mo na ang binabalak mo para walang masayang na buhay ngayong gabi!” bulalas niya sa iritableng tinig.

Napatingin ang lalaki sa kawalan kasabay ng paghawak sa ulo. “Nasaan si Peya?” usisa nito nang muling mapatingin sa kaniya. “Sabi ng kumausap sa akin, kapag hindi ako nakapagdesisyon, kukunin ngayong gabi si Peya at dadalhin sa sinasabing ‘kaharian’ nila. Kaya nga pumayag ako, dahil ayaw kong mangyari ‘yon.”

Siya naman ang nagimbal sa narinig. “Anong…sinabi mo?”

Muli niyang naalala ang tungkol sa huling panaginip.

Tama, sa mundong ito ay kaarawan niya, at dahil nawala na ang proteksyong ibinigay ng reyna, may kukuha sa kaniya upang maisakatuparan ang propesiya. At kabilang doon ang pakikipagpalit niya sa babaeng may kasalungat niyang katauhan.

Kaya kung may kukuha kay Peya ngayong gabi, ‘yon ay upang madala ito sa kabilang mundo, sa mundo ng tunay na Cassy. Dahil ‘yon ang nangyari kaya siya napunta roon. Kailangan niyang mapigilan si Jake para wala nang madamay na ibang tao.

Napailing siya, saka nagsalita, “Kahit na ano’ng mangyari, huwag ka nang pumayag. Bawiin mo ang sinabi mo sa kaniya.” Natigilan siya at saglit na tinimbang ang sitwasyon. Kung tutuusin ay walang magagawa si Jake kung ito pa ang haharap sa nilalang.

“Hindi. Ako na lang ang kakausap sa kaniya. Huwag ka nang mag-alala. Ngayon, makinig ka sa akin, palipasin mo ang gabi na ito, dumito ka lang muna. At si Milagros, huwag na huwag kang didikit sa kaniya para hindi siya mapahamak,” bilin pa ni Cassy at kaagad  nang nagmadaling tumakbo patungo sa pinakamalaking opisina sa Administration Building, dahil batid niyang naroon ngayon ang kaniyang ama.






***

Panay ang pag-agos ng luha ni Lianne ngayong naglalakad papasok ng ospital kasama ang kasintahan. Halos malaglag ang puso nito nang mabalitaan sa ibang mga estudyante ng unibersidad ang nangyari. Parang napakaimposible naman kasing may maganap na ganoong bagay sa Horizon University, lalo at nadamay pa roon ang pinakamatalik na kaibigan.

Sakay ng elevator patungo sa VIP room ni Cassy, kung ano-ano na ang naiisip ng babae. May hinala nga si Lianne na may kinalaman sa nangyayari ang mga werdong napapanaginipan ng kaibigan. Dahil sa totoo lamang, maging ito ay makailang-ulit na binangungot patungkol sa kung ano-anong nilalang.

Nang makarating sa silid, hindi naman nito nadatnan doon si Cassy. Ang sinabi lang ni Caleb ay umalis ang kapatid ng ospital.

“Bakit ka pumayag?” usisa ni Lianne sa pataas na tono. Nakapamaywang ang babae at kapansin-pansin sa nakakurbang kilay nito ang matinding pag-aalala.

“Saan daw ba siya pupunta?” wika naman ni Marky na hinawakan ang kamay ng babae.

Walang maisagot ang kakambal ni Cassy at kaagad nag-iwas ng tingin. Siguradong may alam ito sa nangyayari pero, mukhang hindi nito puwedeng sabihin.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon