Parallel 41

1.1K 108 13
                                    

***

Napapatulala si Cassy sa labas ng kotseng bumabiyahe patungo sa unibersidad. Hindi sapat ang masiglang sikat ng araw para mapawi ang pagkalitong kaniyang nararamdaman. Sa kabila ng masayang musikang tumutugtog sa radyo, napupuno naman ng pagkatakot ang kaniyang puso.

Dahil ‘yon sa panaginip na pakiramdam niya ay may sadyang nagputol. Para kasing may impormasyon na dapat ay matutuklasan, pero bigla na lamang siyang nagising nang dahil kay Karina.

Nang mapamulat kanina, nabungaran niya itong binubuksan ang bintana. Nasasanay na yata ang babae na pumasok sa silid niya na walang ano mang pahintulot.

Lalong tumitindi ang nararamdaman niyang pagkakilabot sa tuwing makikita ito. Hindi na kasi mawala sa kaniyang isipan ang nakitang repleksyon nito mula sa salamin. Isa ‘yong malaking kumpirmasyon na totoo ang hinala niya patungkol sa babae.

Kailangan na talaga nitong umalis sa kanilang tahanan. Pero, sa kabila ng kakayahan, wala naman siyang laban sa taglay nitong kapangyarihan. Alam niyang may kung ano itong ginawa upang mapasunod ang kaniyang mga magulang.

Malinaw pa rin sa alaala ang matining na pagtawa ng babae. Sinubukan niya itong hawakan kanina, pero umalingawngaw lamang sa silid ang nakakainsulto nitong paghalakhak. Maging ang mga ibon ay tila natakot dahil narinig niya ang paglipad ng mga 'yon palayo sa bintana.

“Pasensiya na.” Tinakpan ni Karina ng kanang kamay ang bibig upang maikubli ang pagngiti. “Hindi sa akin uubra ang kapangyarihan ninyo, dahil hindi pa kayo gano’n kalakas, kagaya namin.”

"Kagaya namin?"

Kaagad na kumulo ang kaniyang dugo. Labis siyang naiinis na wala siyang mahita sa babae. “Sino ka ba talaga? Sino ba talaga kayo?”

“Kagaya mo kami, kaya wala kang dapat ipag-alala at ikatakot,” pahayag nito sa hindi nagbabagong ekspresyon.

“Kagaya ko kayo?” Hindi siya makapaniwala sa naririnig. “Kung gano’n, nabibilang ba ako sa mga nilalang sa kabilang dimensyon? Kalahating-halimaw rin ba ako? Ano!” bulyaw niyang halos dumagundong rin sa kaniyang silid.

“Huwag kang mag-alala, hindi na tayo gano’n kababa. Lumabas ka na at kumain. Dahil may katawang-tao ka, kaya kasinghina ka rin ng babaeng nagluwal sa ‘yo,” wika nitong tinalikuran na siya.

“Si Mom?” Nangunot naman ang noo niya.

Lumingon ang babae at tinitigan siya nang mariin. Muli niyang narinig ang paghalakhak nito bago nagsalita, “Naniniwala ka talagang sila ang pamilya mo?” Nakangiti pa rin ito. “Nagkakamali ka dahil kami ang pamilya mo. Dahil galing ka sa kapatid ko. Huwag ka nang mag-inarte at tanggapin ang kapalaran mo.”

Bumalik siya sa reyalidad sa kotseng sinasakyan.

Napailing siya sa sarili. Hindi man naniniwala sa pinagsasabi ng babae, ngunit ‘di naman niya maiwasang alamin kung anong klaseng nilalang ang tinutukoy nito. Alin kaya sa limang kategoryang nabasa mula sa libro ang kinabibilangan nito? Saka naman tumalon ang puso niya nang makita ang kulay-lilang liwanag mula sa bag.

Hindi!

Imposible.

Nasa attic ang mahiwagang aklat at kinandado pa niya ‘yon. Muli itong nagliwanag kaya, wala na siyang magawa kung ‘di ang tingnan at silipin.

Nang mabuksan niya, naroon na nga ang librong may matigas na pabalat na unti-unti ring nawala ang pagniningning.

Kinuha niya ‘yon at ipinatong sa ibabaw ng hita. Nang buklatin ay kaagad niyang nakita ang larawan ng nakatatakot na ‘halimaw’. Ang mukha nito ay sapat na para manindig ang kaniyang balahibo, lalo na kapag tinititigan niya ang kakaibang kulay ng mga mata nito. Lila, asul, itim, abo at kung minsan ay pula ang makikita roon.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon