Parallel 21

1.2K 158 60
                                    

***

Malakas at nakabibinging pagtili ang pinakawalan ng pinsan. Nakahawak si Sherryl sa magkabilang tainga at halos mabaliw nang makaharap ang babaeng nakaupo kanina sa tapat ng tokador, at sa isang iglap ay parang usok na bigla na lamang naglaho.

"Sino 'yon, ha? Doppelganger ba 'yon?" sigaw nitong nangibabaw sa kaniyang pandinig. "Weird ka talaga, may sapi, aswang! Huwag na huwag ka nang lalapit sa akin, ha!" sabi pa nito saka tumakbo palabas ng silid.

Naiwang napapaisip si Peya.

Sino ba talaga ang babaeng 'yon?

Sa kaniyang pagkakaalala, noong nakaraan ay may nagtanong kung may kakambal ba siyang maganda. May naghahanap daw kasi sa kaniya na kamukhang-kamukha niya. Sinabi niyang imposible 'yon at pinagtawanan lang siya ng mga ito. Imposible nga raw kasi na may kalahi siyang maganda.

Sa bagay, hindi naman alam ng mga ito na pinsan niya si Sherryl, dahil ayaw ng babae na malaman ng iba.

Kung sino man ang babaeng 'yon, malamang ay isa sa mga 'di-magandang pangitaing ginagamit ng 'halimaw' para siya'y guluhin.

Natuon ang kaniyang pansin sa cellphone na nakapatong sa ibabaw ng tokador. Alam niyang hindi niya kailangan ang bagay na 'yon, pero binili pa rin iyon ng tiyahin para daw makontak siya. Gamit 'yon ay maari din siyang makinig ng musika. Sinabi ni Auntie Sabel na pag-uwi nito ay tuturuan siya kung paano 'yon gamitin.

Napagdesisyunan niyang lumabas na muna nang maalalang kailangan niya palang bumili ng polder. Para iyon sa kaniyang proyekto.

Siya ang napiling lider ng propesor para sa kanilang grupo, ngunit ni isa sa mga kaklase, 'di-makapaniwalang kaya niyang gampanan ang tungkuling 'yon. Baka magulat ang mga ito kapag nalamang may pambihira din siyang talino.

Hindi sa pagyayabang pero 'yon lang ang mayroon siya na maaari niyang maipagmalaki. Madali sa kaniya ang pag-aaral, ngunit nahihirapan siya sa unibersidad dahil sa mga estudyanteng minamaliit at hinuhusgahan ang kaniyang pagkatao.

Sapagka't kakaiba siya sa kanila. Tinutuya ng mga ito at pinagtatawanan ang luma niyang mga damit, ang mala-kahoy na kulay ng kayumangging balat, maging ang kaniyang pananalita. Wala naman siyang magagawa dahil sadyang ganito siya. Kailangan niyang magtiis hanggang makapagtapos.

Ilang kanto lang ang layo ng convenience store mula sa bahay nila. Sa kaniyang paglalakad patungo roon ay napansin niya ang magandang panahon. Hindi ganoon kainit dahil sa makapal na ulap na tila itinatago ang araw sa kalangitan. Sinasalubong ng hangin ang kulot at nakalugay niyang buhok. Katulad nang madalas ay simple lamang ang suot niyang maluwang na t-shirt at jogging pants na parehong pinaglumaan ni Sherryl.

Natigilan si Peya sa paghakbang nang marinig ang pagtunog ng cellphone sa bulsa. Kinuha niya 'yon at saglit na napatitig sa nagliwanag na screen. Nakita niyang may numero at sa ibaba ay mayroong berde at pulang hugis telepono. Dahil ang berde ay para sa 'go', 'yon ang kaniyang pinindot, saka ito itinapat sa tainga.

"Hello?" bungad ng bruskong tinig ng isang lalaki. "Sino ito?"

"Kayo ho ang tumawag, bakit ako po ang tinatanong ninyo?" tugon niya.

Nangibabaw sa kabilang linya ang pagtawa nito, ngunit may halo 'yong pagkainis. "Miss, actually, ikaw ang unang tumawag kanina lang. Hindi ka nga nagsalita, kaya nag-callback lang ako. Sino ka ba?"

"Hindi ko ho kayo tinawagan, baka nagkamali lang ho kayo." At binabaan na niya ito.

Nagtataka man sa tawag, hindi na lang niya inintindi at ibinalik na sa bulsa ang cellphone. Walang pasensiya niyang hinaplos ang maalong buhok na hanggang baywang. Dahil sa pagkairita, bahagya yatang tumaas ang kaniyang temperatura kaya napagdesisyunan niyang itali na lang ito patungo sa kaniyang likod.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now