Parallel 10

1.6K 220 222
                                    


***

Napabalikwas siya nang may tumapik sa kaniya.

Isang babae ang nakangiti at naroon na nakatayo sa gilid ng kama. Lumapit ito sa may bintana at binuksan ang nakasarang kurtina. Bigla namang sumambulat sa silid na kinaroroonan ang liwanag mula sa labas. Mukhang mataas na ang sikat ng haring araw.

"Hindi ba, sabi mo, sasama ka sa amin? Bakit tulog ka pa?" tanong ng ginang gamit ang malambing na tinig. Morena ito, kulot ang buhok at marahil ay nasa edad kuwarenta pataas.

Napatitig siya sa babaeng may balingkinitang katawan at saglit na napaisip kung sino ito.

"Halika na nang makapag-almusal ka. Nagluto ako ng masarap na agahan para sa atin." Hindi pa rin nawawala ang matamis na ngiti sa labi. "Tara na, Peya," paanyaya pa nito saka nagtungo sa pinto at lumabas ng silid.

Inilibot niya ang mga mata sa paligid. Simpleng mga kagamitan lamang ang naroon at kombinasyon ng mga walang kasigla-siglang kulay tulad ng itim, puti at abo ang makikita sa kabuuan nito. Sa kabila niyon, nararamdaman niyang doon siya pinakakomportable.

Kinusot-kusot niya ang mga mata upang magising. Kailangan niyang makasunod sa ibaba para matulungang maghain ang tiyahin. Kaagad na siyang tumayo para kahit papaano ay maiayos ang sarili.

Naupo siya sa harap ng tokador na may katamtamang laki ng salamin. Saglit siyang tumingin sa repleksiyon ng babaeng mayroong kayumangging balat at pangkaraniwang mukha. Kinuha niya sa drawer ang pantali at maiging itinali ang kulot at maalong buhok na halos umabot na sa kaniyang baywang. Hindi n'ya kailangang suklayin pa ito dahil wala namang maitutulong at baka magtagal lamang siya.

Mayamaya pa ay tinahak na niya ang hagdan para makababa. Napatingin siya sa mga larawang nakasabit dahil naroon na ang litratong kinuha ni Auntie Sabel kamakailan. Doon ay makikita ang blanko niyang ekspresyon habang nakatayo sa hardin suot ang puting blusa at masikip na pantalong binili nito.

Paniguradong kapag nakita iyon ng pinsan ay mag-iinit na naman ang ulo nito.

Nang makarating sa hapag-kainan, nadatnan niya ang tiyahin na naghahain sa babasaging mesa. Maaliwalas ang paligid dahil sa malalaking bintana na binubuksan sa tuwing umaga. Kapansin-pansin din ang mga halamang nasa paso at nakasabit sa kisame bilang palamuti.

Ngumiti si Auntie Sabel nang siya'y mapansing nakatayo sa pinto ng hapag-kainan. "Halika at maupo ka na rito, Peya."

Tumango siya, pero nakita niyang wala pang mga plato at kubyertos kaya nagkusa na siyang kumuha doon sa kabinet. Pagkakuha ay maingat niya itong inilagay sa ibabaw ng bilugang mesa. Naroon na nakahain ang sinangag, hotdog at itlog na iniluto ng tiyahin para sa agahan. Medyo nahiya siyang nahuli ng gising at hindi man lang ito natulungan sa paghahanda.

Saka niya nakitang dumating ang pinsan na naupo sa tapat ng lamesa. Kagaya rin ng mga estudyante sa kanilang unibersidad ang babae. Maganda ito, kahit hindi maputi, mapostura, palaging bago ang damit at may kakatuwang kilos at pananalita o baka naman sadyang kakaiba lamang sa paningin.

Ni hindi ito nag-atubiling tapunan siya ng tingin nang maupo sa bandang kanan nito. Sanay naman na s'ya.

Saglit siyang napatingin sa pinsan nang muling makita ang nasa ngipin nito. Kakaiba talaga ang mga tagalungsod, pati ang ngipin ay may nakakabit na kung ano. Kaagad siyang nag-iwas ng tingin nang mapansin nito ang pagtitig niya.

Hindi na siya nito inintindi at kinausap ang ina na nakaupo na rin sa hapag-kainan. "Ma, hindi ako makakapunta sa church, may group project kami," wika nito sa karaniwang pananalita ng mga kolehiyala sa lungsod. "Kailangan ko ng two thousand," dagdag pa nitong nakuha pang tingnan sa mata ang ina.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now