Parallel 23

1.2K 161 46
                                    

Nakababaliw na.

Naiinis niyang tinititigan si Sherryl mula sa kinauupuan. Kung kaya lamang makalikha ng apoy ang kaniyang mga mata, kanina pa naging abo ang babae.

Nakaupo siya sa paborito niyang puwesto sa aklatan, sa tabi ng bintana. May hawak siyang libro at dapat ay nagpapakaabala sa pag-aaral, ngunit dahil sa babae, hindi niya magawang makapagpokus. Nakapukol lamang ang kaniyang paningin at parang guwardiyang nakabantay sa bawat pagkilos nito.

Nakaupo si Sherryl sa bandang kaliwa at kasama ng mga kaklaseng seryosong kumokopya ng assignment nito.

Lalo pang sumikdo ang dugo niya ngayong nalaman ang detalye sa ginawa nitong pananakit sa kaawa-awang janitor.

Dahil kailanman ay hindi tamang pagtulungan ang mga mahihina. Ginagawa lamang 'yon ng mga taong kulang sa pagmamahal at aruga.

May sakit na nga ang tao, ngunit mas lalo pang pinalala ng mga ito.

Sandali?

Kung nagkasakit ito kaya hindi magawang makapasok sa unibersidad, ibig sabihin nagsinungaling sa kanila si Professor Black sa sinabi nitong umuwi ito ng probinsiya?

Bakit naman iyon gagawin ng propesor?

Sa kabila ng pagtataka, muling nabalik ang atensyon niya sa babae. Napansin niyang panay ang pagtingin sa suot nitong relo na halata namang peke.

Nabasa rin niya ang iniisip ng nakikipagplastikang babae sa mga kasamang 'BFF'. "Ang tagal namang mangopya ng mga boobita na 'to. Mala-late na ako sa part-time ko, eh!"

So. Nagpa-part-time pala ito?

Napangiti siya sa naisip.

Kailangang matuto ng leksiyon ng isang kagaya nitong mapagpanggap na mayaman, pero nagtatagong iskolar ng unibersidad, hindi dahil sa talino, bagkus ay dahil lang sa charity.

At siya ang magtuturo niyon.




Sa tulong ni Kuya Peter, nakasunod sila kay Sherryl kahit saan man ito magpunta. Kanina pa nangungulit ang drayber at paulit-ulit na nagtatanong, pero hindi ito sinasagot nang diretso ni Cassy. Kasi hindi naman niya malaman kung saan talaga sila magpupunta. Ang tanging nabasa lang sa babae ay may pupuntahan itong part-time job, ang kaso hindi niya malaman kung saan.

Nakasakay ito sa isang Mercedez Benz, at ilang minuto na rin nilang sinusundan, pero hindi pa rin siya sigurado kung saan ba talaga ito magtutungo. Medyo matrapik at makailang-ulit niyang naririnig ang pagbusina ng mga sasakyan sa kalsadang tinatahak.

"Hindi ba, may klase ka pa? Pagagalitan ako ni Caleb nito, eh?" wika ni Kuya Peter na nasa harap ng manibela. Mababanaag sa tinig nito ang pag-aalala, dahil sa totoo lang, mas natatakot ito sa kakambal kaysa sa kanilang ama.

"Mamaya ka na lang magtanong, puwede ba? Siguraduhin mong hindi mawawala sa paningin mo ang kotseng 'yon."

Kung paanong mayroong ganoong klaseng kotse ang babae samantalang iskolar lang ng unibersidad ay hindi niya mabatid.

Napapreno na lang si Kuya Peter nang mapansin pumasok ang Mercedez Benz sa isang kilalang motel. "Miss Cassy, sino ba kasi 'yang sinusundan mo? Wala ka namang asawa, ah? Kahit boyfriend? Kaninong kabit 'yan?" tanong nito patungkol sa hinala. "OMG! Sa Dad mo?" bulalas nito na kaagad siyang nilingon.

"Sira! Hindi 'yon magagawa ng Dad ko," bulalas niyang kumuha sa bag ng facemask at isinuot.

"Eh, sino nga 'yan? Puwede ba na bumalik na lang tayo sa university. Kapag nalaman ito ni Caleb, lagot talaga ako." Parang nagmamakaawa na ang drayber ngunit hindi niya ito inintindi.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now