Part 33

226K 4.2K 197
                                    

Naalimpungatan si Yolly mula sa mababaw pa niyang pagkakatulog dahil sa mga boses na naririnig niya. Boses ng kanyang ina at isang hindi niya kilalang boses ng babae. At parang nag-aaway ang dalawa.

"Imposible na mabuntis ng anak ko ang anak mo! Alam ko na ang mga bagay na ganyan! If I know sinasabi niyo lang na ang anak ko ang nakabuntis sa anak mo pero ang totoo ay ibang lalaki ang nakabuntis sa kanya! Ang tawag 'don ay pamimikot!" malakas na boses ng babae. Pasigaw at halatang galit na galit.

"Ang kapal naman ng mukha mong sabihan 'yan sa anak ko! Ang sabihin mo ay g*go 'yang anak mo! Kung ayaw niyang panagutan ang anak ko! Dapat ay hindi niya ginalaw ang anak ko!" malakas na boses din ng kanyang nanay.

Sa pagkakataong iyon ay kinabahan na si Yolly. Bumalikwas siya nang bangon. Agad sinuot ang salamin niya at dumadagundong ang puso niya sa matinding kaba na lumabas sa kanyang silid. Doon ay nakita niyang tama nga ang naisip niya. Para siyang naparalisa sa kanyang nakita.

Ang nanay niya kasi at ang mommy ni Andy! Nag-aaway! Oh, eh, geh!

"Mom, stop it. Umuwi na tayo," awat ni Andy sa bihis mayamang ina nito.

"No! Mag-uusap pa kami para matauhan 'yang ambisyosang babae na 'yan! Dahil kung hindi sila titigil na pilitin kang panagutan ang anak niya ay idedemanda ko sila!"

Napasinghap sa hangin si Aling Yolanda. "Eh, g*ga ka pala, eh! Hindi namin pinilit ang anak mo, oy! Siya ang nagkusang magsabi na pananagutan niya ang anak ko! Magdedemanda ka?! Pwes, idedemanda ko rin 'yang anak mo! Magdemandahan tayo!"

"I don't believe you! Pinipikot niyo lang ang anak ko!" Muntik ng mahablot ng mayamang ginang si Aling Yolanda.

"Mom, ano ba! I said let's go!" Mabuti na lang at mabilis na pumagitna sa dalawa si Andy.

"Nanay!" Hindi na rin nakatiis si Yolly. Tumakbo siya sa nanay niya para protektahan din ito. "Andy, umalis na kayo. Sinabi ko naman kasi sa 'yong huwag na, eh," saka sisi niya kay Andy.

"Yolly, saka na lang tayo mag-usap," sabi ni Andy sa kanya. "Mom, let's go! Please!" saka hila nito sa ina.

Natigilan naman ang mommy ni Andy nang makita ang hitsura ni Yolly. Ang dalagang hindi naman kagandahan. Ang tingin nito kay Yolly ay pataas-pababa.

Sa kabila ng lahat ay sinubukan pa ring ngumiti ni Yolly sa mayamang ginang.

"Mom, ano ba! Tara na kasi!" Hila pa rin ni Andy sa ina.

"Wait! Siya ba ang sinasabi mong nabuntis mo, Andy?" Hindi makapaniwala ang mayamang ginang na turo nito kay Yolly.

Hindi umimik si Andy bagkus ay makahulugang tumingin ito kay Yolly, tingin na humihingi ng dispensa.

"Are you out of your mind, Son?! Paano mo mapapanagutan ang babaeng tulad niyan?! Oh my, God! No! Hindi ako papayag!" parang mahihimatay na saad pa ng mayamang ginang.

"Mom!" Alalay agad ni Andy sa ina.

"Ang mabuti pa, Andy, ay iuwi mo na 'yang matapobre mong ina! At huwag na kayong babalik kahit kailan dito! Hindi kayo kailangan ng magiging apo ko!" Galit na duro naman ni Aling Yolanda kay Andy. Hindi ito galit sa binata pero dahil sa tabas ng dila ng ina nito ay galit na rin si Aling Yolanda rito.

Muling napatingin si Andy kay Yolly. Malungkot ang mukha ni Andy. Habang si Yolly ay nagyuko na lamang ng ulo niya.

Sa tingin ni Yolly ay tama ang nanay niya. Sa nangyari ay mas mabuti pang hindi na sila magkita dahil ngayon pa lang ay ipinakita na ng mommy nito ang hindi pagkagusto sa kanya.

"Babalik po ako," matatag na sabi pa rin ni Andy bago tuluyang iniuwi nito ang ina.

Pagkaalis ng mag-ina ay parang naubusan ng lakas sina Aling Yolanda at Yolly na napaupo sa sopa. Wala muna sila naging imikan na mag-ina ng ilang minuto. Na-trauma sila sa nangyari.

"Okay lang 'yan, Anak. Kaya nating palakihin ang anak mo kahit wala ang Andy na 'yon," mayamaya ay hinagud-hagod ni Aling Yolanda ang anak.

"Sorry, 'Nay. Nadamay ka pa."

"Huwag mong isipin 'yon. Nanay mo ako at ipagtatanggol kita kahit sa patayan pa."

Malungkot na tumango siya sa nanay niya saka inihilig ang ulo niya sa balikat nito. Naiiyak siya sa nangyayari at nahihiya siya sa nanay niya. Hindi mailarawan ang nararamdaman niya ngayon. Basta ang alam lang niya ay may tumubong matinding galit sa dibdib niya para kay Andy. Sabi na nga niya kasi na huwag na lang, eh, nagpumilit pa kasi. Ganito tuloy ang nangyari. Pati nanay niya napagsabihan ng masasamang salita.

Masama. Masama na talaga ang loob niya kay Andy. Sana lang ay hindi na talaga iyon magpapakita pa sa kanila, dahil masasampal lang niya siguro.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata para pigilan ang luhang gustong lumabas sa kanyang mga mata. Ayaw niyang iyakan ang mga ganoong tao.

"Yolly, wake up. Hoy, Yolly." Nang bigla ay narinig niyang boses ni Andy.

Takang-taka na nagmulat siya ng mga mata at ang guwapo na mukha ni Andy nga ang nabungaran ng kanyang mga paningin. Ang kapal talaga ng mukha nito at bumalik pa talaga!

Awtomatiko na naningkit ang kanyang mga mata at dahil gigil siya sa nangyari kanina ay walang anumang sinampal nga niya ng pagkalutong-lutong ito.

"Aw!" Napatutop agad si Andy sa pisnging agad namula. Napaatras din ito. Pakiramdam ng binata ay tumabingi ang panga nito sa lakas niyon. Na-dislocate na 'ata ang guwapo niyang mukha. Sh*t!

Kahit si Aling Yolanda ay nagulat sa ginawa ni Yolly na nasa likod pala ni Andy. "Anak, ba't mo naman sinampal si Andy?"

Bumangon sa kanyang kinahihigaan si Yolly. "Bumalik ka pa talaga! Ang kapal mo! Sana do'n ka na lang sa mommy mo na masama ang ugali!" At gigil na bulyaw niya kay Andy.

Nagkatinginan sina aling Yolanda at Andy. Takang-taka ang mga ito.

"What are you talking about?" tanong ni Andy na nakatakip pa rin sa pisngi ang dalawang kamay. Masakit talaga 'yung sampal ni Yolly, parang kumapal ang mukha niya sa pakiramdam niya.

"Oo nga, 'Nak! Anong mommy niya na sinasabi mo?" tanong rin ni Aling Yolanda.

Sa sandaling iyon ay napansin na ni Yolly na nasa kuwarto siya. Bakit naroon sila? Hindi ba kanina ay nasa salas silang mag-ina?

"Kadarating lang niya, eh. Pero bakit mo naman siya sinampal, Anak?"

Siya naman ang napatutop sa kanyang bunganga kasabay ng panlalaki ng kanyang mga mata. Oh, no! Panaginip lang ba 'yun?

"Teka nanaginip ka ba, Anak?" tanong pa sa kanya ng ina.

Napangiwi siya at hindi na maipinta ang mukha na tumingin kay Andy. Panaginip nga yata? Hala ka!

"Sorry..." paghingi na niya ng dispensa sa binatang tutop pa rin ang pisngi sa nasampal niya.

"Ay, Diyos ko! Patawarin!" Natampal naman ni Aling Yolanda ang sarili nitong noo at iiling-iling na iniwan na ang dalawa. Kaya na ni Yolly na lusutan ang ginawa.

Napakagaan na ang dibdib ng ginang na pumasok sa sarili niyang silid. Wala na siyang ikinakabahala dahil tinupad naman ni Andy ang sinabi. Pasalamat si Yolly at matinong lalaki ang nakadisgrasya rito. Guwapo pa.

Kinilig ang ginang. Sigurado maiinggit ang mga kaibigan niya kapag nakita ang guwapong manugang niya.

Habang ang dalawa sa kuwarto ay parehas tutop ang mga mukha. Si Yolly sa kanyang bunganga at si Andy sa pisngi nito.

"Sorry," hingi ulit ni Yolly ng paumanhin sa binata.

"Grabe ka," sagot ni Andy na hindi pa rin matanggal-tanggal ang mga kamay sa pisngi.

"Sorry na nga. Huwag ka kasing manggigising basta-basta ng tulog."

"Grabe ka," pero 'yon lang pa rin ang nasabi ni Andy.

Natawa na nang tuluyan si Yolly. Binato niya ng unan ang binata. "Huwag kang ngang OA. Sampal lang 'yon, oy!" 

ANG NABUNTIS KONG PANGIT (free/completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon