Part 60

207K 3.7K 248
                                    

"Aaahhh!" malakas na sigaw ni Yolly dahil para siyang kinakatay ng buhay sa loob ng silid na iyon.

At nariring siya ni Madam Angie mula sa labas. "Okay lang ba siya, Mestisa?"

"Yes po, Madam. Don't worry dahil lahat po ng first timer ay ganyan po talaga ang mga reaction nila," sagot ng baklang suki na ni Madam Angie sa pagpapaganda.

Tumango-tango si Madam Angie. Ninerbyos ang ginang dahil parang hindi na lalabas ng buhay si Yolly sa kinaroroonan nila.

Hindi na kasi talaga nag-aksaya pa ng panahon ang mayamang ginang. Pagsapit ng gabi ay dinala niya agad si Yolly sa pinakasikat at paboritong salon and spa niya. Dinala niya agad ang dalaga roon para maayusan na bago pa man magising si Andy sa ospital. Hindi bale't nandoon naman na si Yaya Chadeng para magbantay at mag-asikaso kay Andy habang busy sila nia Yolly.

Ang plano ni Madam Angie ay magandang-maganda na si Yolly kapag nakita ulit ito ng anak niya. Sa totoo lang gusto na niya kasi si Yolly na manugang. Alam niyang magiging maayos ang buhay ni Andy sa dalaga dahil nakikita niyang magiging mabuting asawa si Yolly balang araw.

"Aaaaaaaaahhh! Ayoko naaaa!" sigaw na naman ni Yolly.

Napapangiwi na lang silang lahat kasama na ang mga staff ng salon na iyon sa ingay ni Yolly.

"Pasensya na kayo sa manugang ko." Si Madam Angie na lang ang nahihiyang naghihingi ng dispensa sa mga tao doon dahil may ilan-ilan ding customer na ang salon maliban kay Yolly at mga nabubulabog na. Gayunman ay natutuwa naman sila sa dalaga.

"Mestisa, halika!" Hila ulit ni Madam Angie sa baklang namamahala sa salon and spa na iyon. "Sigurado ka bang humihinga pa si Yolly 'pag labas niya riyan, ha?"

Natawa ang bakla. "Oo naman, Madam. Relax lang po."

"Ano na bang ginagawa sa kanya?" Napapalunok pa rin si Madam Angie. Hindi na talaga siya mapakali. Ipinangako pa naman niyang maayos at kumpleto ang katawan ni Yolly na ibabalik niya sa balae niyang si Yolanda, pero ganito naman ang nangyayari. Nakakanerbyos.

"Inaahitan po ng kilay. Binabawasan na po konti ang kilay niya," sagot ng bakla kay Madam Angie.

Napanganga ang mayamang ginang. Hindi na talaga mailarawan ang naging reaksyon ng kanyang mukha.

"Kilay?! Kilay pa lang 'yon?! Are you serious?!"

"Yes po, Madam. Kilay pa lang."

Tumabingi na talaga ang pagkakangiti ni Madam Angie, paktay na nga talaga. Kilay pa lang 'yon pero parang baka na na kinakatay si Yolly. Paano na kaya kung buhok na sa kili-kili at braso saka binti na ang tatanggalin kay Yolly? Hindi na niya ma-imagine.

"Sige, sige, kayo na'ng bahala sa kanya, ha? Aalis lang ako saglit."

"Saan ka pupunta, Madam?"

"May appointment pa pala ako. Balikan ko na lang siya rito, okay? Bye!" At tumakas na nga talaga si Madam Angie.

Ang totoo ay wala siyang appointment. Ayaw lang niyang marinig pa ang hiyaw ni Yolly. Baka atakihin na siya sa puso sa matinding nerbyos. Mahirap na.

At buti na lang talaga dahil, "Woaaahhh!" mas malalakas pa nga ang naging mga sigaw ni Yolly ang umalingawngaw nang wala na ang madam. Nagtatakip na nga ng tainga ang mga staff ng salon sa ka-OA-an ng dalaga.

"Tama na po!" iyak pa ni Yolly sa loob. Hindi iyon ka-OA-an para sa kanya. Talagang nasasaktan siya, kung hindi man ay nakikiliti. Kulang na nga lang ay tadyakan na niya ang babaeng nag-aasikaso sa kanya.

"Konting tiis na lang po, Ma'am. Matatapos na po tayo," pakiusap sa kanya ng babae.

Walang nagawa si Yolly kundi ang pumikit na lang ulit nang mariin at isinigaw na lang nang isinigaw ang bawat hapding nararamdaman. Grabeng pagpapahirap ito.

Kung ganito naman pala kahirap magpaganda ay mas pipiliin na lang niyang maging panget. Dios me!

Mabuti na lamang dahil pagkatapos niyon ay okay naman na pala ang lahat ng next procedure, hayahay na. Masarap din naman pala at nakaka-relax. At ang pinakagusto niya ay noong ini-scrub ang buong katawan niya. Para ngang nakaidlip pa yata siya.

Tapos iyon na nga, mukha na niya ang isinunod. Una ang buhok niya na inunat, ni-rebond, at kung anu-ano pa. Nagulat pa siya dahil biglang humaba ang kanyang buhok. Nilagyan daw ng extension. At in fairness bagay pala sa kanya ang mahabang buhok. She likes it.

Panghuli ay ang paglalagay ng makeup sa kanyang mukha na saktong natapos gawin ni Mestisa nang dumating na si Madam Angie.

"Wow!" ang unang naibulalas ni Madam Angie nang makita na niya ang total transformation ni Yolly. Nakanganga siyang napatitig sa repleksyon ni Yolly sa salamin. Mas hindi siya makapaniwala sa nakikita niya ngayong hitsura ng manugang.

Pangiti-ngiti lang naman si Yolly sa madam. Pero kung papansinin siyang mabuti at tititigan ay makikita sa mga gilid ng kanyang mga mata ang namumuong mga luha.

Siya man kasi ay hindi makapaniwaka sa bagong hitsura niya. Siya ba talaga ang nasa salamin? Siya ba talaga ang nakikita niya? Hindi ba siya namamalikmata lang o nananaginip lang?

Ang ganda niya pa pala. Kakapalan na niya ang kanyang mukha pero masasabi talaga niya ngayon kasi na ang ganda niya.

Matagal silang nagtitigan ng repleksyon niya sa salamin. Pagkuwa'y inalalayan na siya ni Mestisa para tumayo. Ngiting-ngiti sa kanya ang bakla. Ito man ay hindi makapaniwala sa tila ba magic na nangyari sa kanya.

'Yung pangit na naging super ganda? Sino'ng makakapaniwala?

"You look great, hija! You are so beautiful! Gorgeous! Wala akong masabi!" Maluwang na maluwang na pagkakangiti ni Madam Angie kay Yolly nang magkaharap sila. Ni hawakan siya ay parang alanganin na ang mayamang ginang.

"Salamat po," kiming sagot naman ni Yolly.

"Sinabi ko naman sa 'yo. Maganda ka," sabi pa ni Madam Angie. "Thank you so much, Mestisa. Good job," saka baling din nito sa baklang pinagkatiwalaan sa pagpapaganda.

"You're welcome, Madam," proud na sagot ng bakla.

Nang ibalik ni Madam Angie ang tingin kay Yolly ay madamdamin ulit silang nagkatinginan at nagngitian na dalawa. Hinawakan ni Madam Angie ang magkabilang balikat ni Yolly at sinipat-sipat ang hitsura.

"Kamukha ko na po ba si Shyne Sandoval?" biro ni Yolly sa ginang. Ang tinukoy niya ay ang pinakasikat na artista ngayon sa isang malaking istasyon ng TV na idol na idol niya.

"Ay, talo mo pa siya, girl. Mas maganda ka pa ro'n ngayon. Pak na pak!" Si Mestisa ang sumagot.

At nagtawanan silang lahat. Masayang-masaya sila lalo na si Madam Angie na hindi talaga nagkamali sa nakita nitong itinatagong ganda ni Yolly.

Bonus na lang kay Yolly at katuwaan na lang din nila nang tinuruan siya ni Mestisa kung paano raw lumakad ang maganda. Tawa sila nang tawa.

Hanggang nakatanggap ng tawag si Madam Angie mula kay Yaya Chadeng.

"Ano pong sabi, Tita?" kinakabahan na tanong ni Yolly sa madam.

Ginagap ni Madam Angie ang isa niyang kamay bago sumagot. "Yolly, si Andy raw gumising na."

Nakagat ni Yolly ang lower lip niya. Dumagundong ang matinding kaba sa dibdib niya.

ANG NABUNTIS KONG PANGIT (free/completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon