Part 11

294K 6K 265
                                    

"Oh, bote mo." Pilyong abot ni Andy sa bote ng gatorade sa kanya.

"Jeez, nakakahiya talaga!" sa loob-loob naman ni Yolly kasabay nang pahablot na pagkuha niyon. Hindi na talaga mailarawan ang kanyang mukha. Para siyang nakakain ng kalamansi o para siyang natatae na ewan ang hitsura niya. Pinagpapawisan na kasi siya ng malapot. Hindi ba talaga bubuka ang lupa nang kainan na siya? Naman, eh!

"Samahan mo ako," dikawasa'y parang wala lang kay Andy ang lahat na anito.

Napalabi siya na nayakap sa kanyang dibdib ang bote ng gatorade. "Saan tayo pupunta?"

"Kahit saan basta 'yung tahimik na lugar. Gusto kong magpakalayo-layo." Mababakas na ang lungkot sa mukha ng binata.

"Bakit ano'ng nangyari sa 'yo?"

Tumaas ang mga balikat ni Andy. "Basta I need your company now," pero ang sabi lang naman nito kasabay ng pagbaba rin ng mga balikat. "Let's go?"

Tinaasan niya ito ng isang kilay. Hindi ba nito kita na nakapantulog pa lang siya? Saka wow! Kung magyaya ay parang close na close na sila, ah?

"You'll accompany me, right?"

"Sorry pero hindi ako puwede, eh."

"Bakit naman?"

"Basta."

"Gano'n ba," dismayado ang boses ng binata.

"Bakit kasi ako ang niyayaya mo? Bakit hindi ang mga barkada mo?"

"Gusto ko ngang pumunta sa tahimik na lugar, 'di ba? Kung sila ang isasama ko, eh, di wala rin. Ang gugulo kaya ng mga iyon."

Nga naman. Napalabi siya. "Ano ba kasing nangyari at gusto mo ng tahimik na lugar?"

Matagal bago sumagot si Andy. "Sina Mommy at Daddy nag-aaway na naman. Rinding-rindi na ako sa away nila. Lagi na lang."

"Talaga?" Hindi niya alam na may ganoon pa lang issue sa buhay ng binata. Akala niya kasi ay perfect ang pamumuhay nito. Kasi naman sagana ito sa lahat ng bagay. Nasa kanya na nga yata ang lahat ng bagay sa mundo, eh. Ang totoo pa nga'y buong akala niya ay ang kaguwapuhan lang nito ang problema ng lalaking ito. Hindi pala. May kadramahan rin pa lang ganap.

Sabagay sino'ng mag-aakala? Eh, kapag may meeting naman kasi sa school at nakikita nila ang mommy at daddy ni Andy ay parang okay naman ang mga ito sa isa't isa. Karespe-respetong mga tao sila tingnan.

"Araw-araw na lang. Minsan nga ipinagdadasal ko na lang na huwag na lang silang umuwi sa bahay, eh. Mas okay pa kung kami lang ni Yaya ang nandoon. Tahimik lang kami. Tahimik ang bahay."

Napakagat-labi si Yolly. Naawa na siya kay Andy. Totoo nga talaga na kapag anak mayaman ay may mga problema talagang ganoon. Sagana nga sa pera pero kulang naman sa katahimikan ng pamilya.

"Sige na nga sasamahan na kita." Nakonsensya na talaga siya. Natakot siya na kung hindi niya ito sasamahan ay baka saan pa magpunta.

"Really? Ang bait talaga ng bago kong kaibigan." Sobrang natuwa si Andy.

Inismiran niya ito. "Nambola ka pa. Sige, magbibihis lang ako at magpapaalam kay Nanay."

Tumango si Andy.

"Pasok ka muna sa bahay?"

"Huwag na. I'll just wait for you here in the car."

"Okay."

"Hindi mo talaga itatapon 'yan?" Nagawa pa ring pansin ni Andy sa boteng yakap-yakap niya sa kanyang dibdib.

"Huwag mo na lang pansinin 'to!" Bumalik tuloy ang pamumula ng kanyang mga pisngi.

"Aanhin mo ba kasi 'yan?"

"Gagawin kong alkansya," palusot niya at mabilis nang pumasok ng bahay.

Hindi nagtagal ay sakay na sila ng sasakyang magara ni Andy. Buti na lang at hindi motor ang dinala ng binata. At aaminin niyang enjoy na enjoy siya sa pagsakay sa kotse ni Andy. Ang ganda at ang astig kasi.

"Saan ba tayo pupunta? Parang kanina pa tayo paikot-ikot, ah?" pero hindi nagtagal ay puna na niya nang parang walang direksyon ang minamaneho ng binata.

Napakamot-ulo si Andy. "Actually, I don't know. I'm still thinking."

"Naku naman!" Natampal niya ang sariling noo. Komportable na siya konti sa binata. Friends na sila, eh.

"How about you? Do you have any suggestions?" Natatawang nilinga siya ng binata na natatawa.

"Sa heaven na lang kaya?" biro niya rito.

"Good idea. Tara!" Pinaspasan ni Andy ang takbo ng kotse. 'Yung heaven kasi ay pilyong iba ang naging meaning niyon dito. Literal.

"Hoy! Ano ka ba?! Sineryoso mo naman! Ikaw na lang mauna ang umakyat sa heaven!" nahintakutan si Yolly. Wala pa nga siyang nagiging boyfriend heaven agad? Ayaw pa niyang makita si San Pedro! Myghad!

"Sabi mo heaven?"

"Biro ko lang 'yon, oy!" Hinila-hila niya ang manggas ng damit ng binata.

Natawa si Andy. Binagalan ulit nito ang takbo ng sasakyan. "Madali lang kasi akong kausap."

"Sira-ulo!" Umayos ulit siya ng upo. Panay ang irap niya sa binata. Buti na lang at guwapo! Kung hindi ay naku! Hindi man lang mabiro, eh!

Mayamaya lang ay may naisip na siyang ideya kung saan sila pupunta. "Ikanan mo."

Napatingin sa kanya si Andy. "May alam ka na?"

"Oo. Tahimik doon. Walang iistorbo sa 'yo. Makakapag-isip ka ro'n nang maayos at may mahihingan ka pa ng tulong sa problema mo."

"Good." Mabilis nga na pinaikot ni Andy ang manibela sa kanan.

Saglit lang ay narating na nga nila ang lugar na sinasabi ni Yolly. Subalit ang mukha ni Andy habang papasok doon ay hindi na maipipinta siguro kahit ng mga batikang pintor.

"Wait, Yolly," pigil ni Andy sa kamay ng dalaga.

"Bakit?" mahinang tanong ni Yolly.

"Dito talaga? Sigurado ka?" Ngiwing-ngiwi si Andy. Ang natatandaan kasi niya ay huling pasok niya sa lugar na ganoon ay noong namatay ang lola niya. Noong inihatid nila ito sa huling hantungan.

"Oo nga. Hindi ba't ang tahimik? Ta's ang gaan sa pakiramdam?" Kabaliktaran ang mukha ni Yolly sa mukha ni Andy dahil napakaaliwalas ng mukha ng dalaga.

Napangiwi si Andy tapos napalunok. May magagawa pa ba siya? Nandito na sila, eh.

Ginaya na lang niya si Yolly na nag-sign of the cross. Sapagkat nandoon lang naman sila sa simbahan. Oo, sa isang simbahan. Muntik na niyang masambit ang ekspresyon niyang, 'What the f*ck!'

Sabagay tahimik nga naman talaga ang lugar. Wala nga naman talagang makakatalo sa katahimikan. Saka mabuti na iyon kaysa sa sementeryo pa siya dinala ni Yolly.

Ang kaso, sa tulad niya kasing hindi nagsisimba ay parang nakakatindig balahibo. Pakiramdam nga niya ay parang tatamaan siya ng kidlat anumang oras. Yay!

"I'm sorry if it's only now that I've come to visit you again," madamdaming usal na lang niya habang nakatingin sa altar. Nahihiya siya kay Lord. Kung hindi pa siya dinala kasi ni Yolly roon ay hindi niya talaga maiisip na magtungo sa simbahan.

ANG NABUNTIS KONG PANGIT (free/completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon