Part 4

414K 7.7K 589
                                    

Pagpasok ni Yolly sa silid-aralan nila ay upuan agad ni Andy ang tiningnan niya, at syempre bakante pa rin iyon dahil maaga pa.

Ang aga niyang pumasok dahil ayaw niyang pumasok na naman na maraming estudyante. Siguradong ibu-bully na naman kasi siya. Umiiwas siya sa gulo.

Napapabuntong-hininga siya nang umupo siya sa kanyang upuan pagkuwa'y napalingon na naman sa upuan ni Andy. Pangatlong araw na na absent ang binata kung hindi na naman papasok ito ngayon. At guilting-guilty na siya.

Hindi kaya totoo na ikinahihiya ni Andy ang picture nila kaya hindi ito pumapasok?

Nakakakonsenya naman.

Kasalanan niya talaga ang nangyayari. Sana pala ay hindi na lang niya hiniling na mag-selfie silang dalawa noong araw na 'yon. Wala sanang problema na ganito. Sana hindi mag-a-absent si Andy. Tuloy ay napapabayaan na ni Andy ang pag-aaral dahil sa kahihiyan, dahil sa kagagahan niya.

"Hindi ka kasi nag-iisip, Yolly. Kainis ka talaga," paninisi niya pa sa kanyang sarili. Natampal-tampal niya ang kanyang noo.

Ilang minuto siyang nakukonsensiyang mag-isa sa classroom nila. Nag-iisip. What if puntahan niya na lang si Andy? What if kakausapin niya na pumasok na, na gagawa na lang siya ng paraan para mawala sa isip ng mga kapwa nila estudyante ang nakakahiyang picture nilang iyon?

"Tama." Tiwala sa sariling napatayo siya sa pagkakaupo. "Kakausapin ko siya. Pupuntahan ko siya sa bahay nila. Magsu-sorry ako sa kanya."

Muli niyang isinukbit ang bag niya at kinipkip ang kanyang mga libro nang mapagdesisyunan ang gagawin. Akmang aalis na siya.

"Ay, multo! Este guwapo pala! Este ano!" Subalit para siyang nakakita ng multo nang makita niya si Andy na nakatayo sa may pintuan. Nagkabulol-bulol tuloy siya sa gulat. Paano'y ang seryoso nang pagkakatingin sa kanya ng binata habang nakapamulsa ang dalawang kamay.

"A-Andy?" Humigpit ang pagkakayakap niya sa kanyang mga libro.

Oh, Lord, huwag naman sana siyang kainin ng buhay ni Andy. Hindi siya masarap. Promise!

Kumurap ang guwapong binata. Ang sama pa rin ng tingin sa kanya. Hanggang sa maangas na humakbang palapit sa kanya.

"Iyong picture, delete it," at saka kaswal nitong sabi sa kanya.

"H—hindi ako ang... ang nag-upload niyon. M—maniwala ka," nanginginig niyang sabi. Ang lakas ng tibok ng kanyang puso niya. Ngani-ngani ay atakihin na siya't maglupasay sa sahig.

"I know. Pakisabi na lang sa nag-upload na si Cristine na burahin na niya 'yon. Hindi kamo nakakatuwa." Pagkasabi niyon ay tumalikod na ang binata. Tinungo na ang upuan nitong ilang araw ring bakante.

"Sorry sa nangyari. Hindi ka tuloy nakapasok ng ilang araw," natigilan man at natatakot ay senserong paghingi niya pa rin ng paumanhin sa binata.

Ang kaso ay hindi na siya pinansin ni Andy. Umupo na ito at hindi na umimik pa. Naging busy na sa pagge-games sa cellphone nito.

Napapalabi na lang si Yolly na bumalik na rin sa kanyang upuan. Panaka-naka ay napapalingon siya sa binatang suplado. Lihim na nagpapasalamat siya dahil pumasok na ito. Kahit paano ay gumaan na ang bigat na dinadala niya sa dibdib gawa ng guilt.

At ilang minuto rin na sila lang dalawa ang nasa loob ng classroom. Ang daming gusto niyang sabihin o itanong sa binata ngunit nauunahan siya ng hiya kaya pinipigil niya ang sarili. Bandang huli, nakontento na lang siya sa paglingon-lingon dito.

"What?" Kaya lang ay nahuli siya ni Andy nang minsan pa ay lingunin niya ulit ito.

"Ah, eh, wala. Nagtataka lang ako bakit ang aga mo." Alam niyang nag-blush siya. Sh*t, nakakahiya.

ANG NABUNTIS KONG PANGIT (free/completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon