Part 55

181K 3.3K 46
                                    

Napakurap si Leandro mula sa pagkakatitig sa tinakbuhang banda ni Yolly. May bigla kasing tumikhim mula sa likuran niya, at nang lingunin niya ay si Cindy pala iyon.

Nakangising nakatingin sa kanya ang dalaga habang nakahalukipkip. "What happened?" tapos ay pangkontrabidang tanong nito.

Napapikit si Leandro at napamaywang. Ngayon siya nagsisisi kung bakit nagpademonyo siya sa babaeng kaharap niya ngayon. Nakagawa tuloy siya ng ikakagulo na naman ng lahat.

"What's wrong?" pilyang tanong pa ni Cindy.

Tiningnan ni Leandro ng masama si Cindy.

"Oh, why? What kind of look is that? May ginawa ba akong mali?"

"Puwede ba, Cindy! Tantanan mo na si Yolly!"

Sarkastikong natawa si Cindy. "Wait lang, ha? Ano bang ginawa ko? Wala naman, 'di ba? Ikaw nga yata itong may ginawa riyan, eh, kaya nagwalk-out ang panget na iyon na umiiyak."

Napatiim-bagang si Leandro. Kundi lang babae si Cindy ay baka nakwelyuhan na niya ang dalaga ng wala sa oras or worse ay nasuntok pa dahil naningkit talaga ang mga mata niya at nakuyom ang mga palad niya.

"Magkuwento ka naman," tatawa-tawa pang ani Cindy. Halatang tuwang-tuwa talaga ito sa nangyari. Sinundan nito si Leandro kanina at hindi tinantanan kaya nakita nito ang amazing na nangyaring iyon. Sayang lang at hindi nito narinig ang usapan nila kanina.

"Ewan ko sa 'yo!" singhal ni Leandro at malalaking hakbang na iniwan na lang ang dalaga bago pa man siya makagawa ulit ng pagsisisihan niya.

Napahalakhak si Cindy ng malakas. Hindi man niya kasi narinig o nalaman ang totoong dahilan ng pagwalk-out ni Yolly ay sigurado naman siyang tungkol iyon kay Andy.

Well, wala siyang dapat ika-stress dahil sooner or later naman ay sigurado siya na malalaman din niya kung ano ang iniyakan na iyon at ikinagalit ni Yolly kanina. Siya pa?

Ngising-ngisi pa rin si Cindy habang may idinadayal na siya sa cellphone.

"Hello, Karen?"

"Oh, bakit?"

"I think we need to celebrate, girl."

"Ano'ng sinasabi mo?"

"I'll tell you later. Let's meet in the bar?"

"Shoot. Wala naman akong pasok bukas."

"Good dahil may ikukuwento ako sa 'yo na siguradong ikakatuwa mo rin about kay panget na Yolly."

"Ay, bet!" Tulad nang inasahan ni Cindy ay natuwa nga si Karen.

********

"ANDY?!" tawag agad ni Yolly sa pangalan ng binata, kasabay niyon ang marahas at nagmamadali niyang pagbukas ng pinto ng silid nila.

Agad namang nagtama ang tingin nila ni Andy nang makita niya ito. Pero kahindik-hindik ngayon ang mga tingin sa kanya ni Andy. Parang papatay ito kapag hahawakan o kakalabitin man lang.

Gayunman, kahit may alinlangan at may takot ay lumapit pa rin siya rito. Kahit pa dumadagundong ang matindi niyang kaba sa dibdib at kahit pa nagbabadya na naman ang pagtulo ng kanyang mga luha.

"M-magpapaliwanag ako," garalgal na lakas-loob niyang sabi.

Napasabunot sa buhok si Andy. Kitang-kita ang panginginig nito sa pigil na pigil na matinding galit. Lumalaki-laki ang butas ng ilong at nagdudugtong ang mga kilay. Tumataas-baba ang dibdib nito sa pilit na pagkontrol na sarili. Parang sasabog na ito anumang oras.

"A-Andy, h-hindi ko gusto na—" Tuluyan na ngang naiyak si Yolly. "Hindi ko gusto na ilihim 'to. Natakot lang ako."

"Tama na!" Malakas na malakas na bulyaw ni Andy sa kanya kasabay ang marahas nitong pagtayo. "Niloko mo ako! Niloko mo ako, Yolly!" at duro sa kanya.

"Hindi, Andy. Hindi kita niloko," hagulgol niya. Hindi niya alam kung paano uumpisahan ang pagpapaliwanag.

"Akala ko matino kang babae! Isa ka rin palang—" Tiim-bagang na tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa, nangkukutyang tingin. Tumaas-baba pa lalo ang dibdib nito.

"I will never forgive you!" Pagkasabi ni Andy niyon ay nilampasan na siya nito at iniwan na siya.

Nanghina ang pakiramdam ni Yolly nang marinig niya ang padabog na pagsara ng pinto ng silid. Napapikit pa siya sa sobrang lakas.

Wala siyang magawa kundi ang umiyak na lang. Napatitig na lang siya roon sa cellphone niya sa sahig. Malamang iyon ang gamit ni Andy kanina habang pinapakinggan sila ni Leandro na nag-uusap.

"Yolly, may nangyayari ba na hindi ko alam?" Humahangos na pumasok ang nanay niya sa silid.

Napalingon siya sa nanay niya.

"Ano 'yon? Ba't nagmamadaling umalis si Andy at parang galit na galit? Tinanong ko kung saan siya pupunta pero hindi niya ako sinagot."

"Nanay..."

"May nangyayari nga sa inyo? Ano'ng problema niyo? Sabihin mo sa akin, Anak."

Napayakap na siya sa nanay niya. Doon na niya naramdaman ang mas matinding sakit sa kanyang dibdib at kirot sa kanyang puso. Parang bata siyang nagsumbong sa gitna ng pag-iyak. "Nanay, si Andy po. Wala na. Iiwan na niya ako."

"Huh?!" Napakunot ng noo si Aling Yolanda. Naguluhan ang ginang. Para kasing sa tono ng anak ay hindi na babalik si Andy sa bahay nila.

"'Nay, galit na galit sa 'kin si Andy. Sobrang galit siya sa akin at hindi na raw niya ako mapapatawad."

"Te-teka lang. Teka lang." Inilayo muna ni Aling Yolanda ang anak mula sa pagkakayakap. Mukha kasing malalim na problema ang tinutukoy nito kaya iginiya nito muna si Yolly sa kama at ipinaupo sa gilid niyon. "Yolly, sabihin mo sa 'kin kung ano ang nangyayari upang maunawaan ko."

Umiyak lang nang umiyak muna si Yolly bago niya sinagot ang ina. "'Nay, nagsinungaling kasi ako sa kanya at nalaman na niya."

Lalong naguluhan si Aling Yolanda. "A-anong nagsinungaling? Ano 'yon?"

"Kasi, 'Nay, hindi po totoong—" Sisigok-sigok niyang sagot sana pero hindi niya naituloy ang pag-amin sa ina sa katotohanan dahil biglang nagbukas ang pinto ng silid. Pumasok doon si Andy.

"Andy..." Lumaki ang mga mata niya at napatayo bigla. Nagbalik si Andy.

"Oh, bumalik ka na pala, 'Nak. Akala yata ni Yolly ay iniwan mo na siya kaya iyak nang iyak," sabi ni Aling Yolanda sa binata.

Galit ang mukhang tumitig lang sa kanya si Andy. Sinalubong niya iyon pero saglit lamang ay napayuko rin siya ng ulo dahil hindi niya kayang tingnan ng matagal ang binata.

"May problema ba kayo, Andy, ha? Mag-usap kayo." Si Aling Yolanda ulit na napamaywang. Palipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa.

"Aalis din po ako. Nakalimutan ko lang po ang susi." Kahit paano ay mababa naman ang boses ni Andy kay Aling Yolanda. Kumilos na ito at parang wala lang na nilagpasan siya nito. Sinadya pa nitong binangga ang braso niya na siyang lalong nagpaiyak sa kanya.

"Andy, sa tingin ko dapat kayong mag-usap ni Yolly," habol na sabi ni Aling Yolanda.

Yumukod lang bilang paggalang si Andy sa ginang at umalis na nang walang paalam.

"Andy!" Hahayaan na lang sana niya ito pero hindi niya kaya. Hinabol niya si Andy.

"Andy, mag-usap naman tayo, oh? Magpapaliwanag ako," sumamo niya rito nang mahabol niya sa nakabukas nilang gate. Hinawakan niya ang isang braso ni Andy para pigilan itong umalis pero tiningnan nang masama ng binata ang kamay niya.

Napabitiw rin siya agad dahil nakita niya sa mga mata ni Andy ang nagpipigil na galit. Para siyang napaso sa braso ni Andy.

Napayuko na lang ulit siya ng ulo at hinayaan na lang si Andy na umalis. Idinaan na lang ulit niya sa pag-iyak ang sama ng loob. Lalo na nang marinig niyang paharurot na umandar na paalis ang kotse ni Andy.

ANG NABUNTIS KONG PANGIT (free/completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon