"Pero Olivia hindi ba at may sarili kayong gulayan sa Hacienda? Hindi natin kailangang bumili at mag-aksaya ng salapi para riyan." Doon na ako natigilan at halos kurutin ang sarili sa walang kwentang idinahilan.

Nangiwi na lang ako nang magsimula nang tumawa si Carlos. "Hindi ko alam na marunong ka rin palang magbiro. Pinapatawa mo ako, mukhang napalaki kita nang maayos, Olivia." Tumawa nang tumawa si Carlos na para bang kailangan niyang gawin iyon at obligado siya para hindi ako mapahiya. Pero lahat nang iyon ay gumuho nang mauna nang maglakad si Leonardo at mag-iwan ng salita.

"Hindi siya nagpapatawa, hunghang. Ang katotohanan ay nasisiraan na siya ng bait, tsk!" Naiwang nakaawang ang labi naming tatlo nang dahil doon. Subalit, pakiramdam ko ay iyong akin ang tumagal. Nang maka-recover iyong dalawa ay agad nila akong binalingan nang may naaawang tingin.

Teka nga lang, on process pa sa isip ko ang sinabi ng Leonardo na iyon. Hindi pa iyon ma-copy ng isip ko.

"Yah!" Napasigaw ako sa inis nang tuluyan ko na iyong ma-diggest. Tuloy ay pinaglilingunan na ako ng mga tao. Pero si Leonardo ay ni hindi man lang nag-abalang lingunin ako. Bwiset talaga!

"Binibini, pinaaalalahanan lamang kita na ikaw ay naka-saya ngayon. Hindi magandang makitang sumisigaw ka ng ganiyan. Hindi na ikaw si Ramiro. Hindi kana isang lalaki, umakto ka sa kung ano ang naaayon." Napalingon ako kay Carlos nang seryoso niya iyong sabihin habang may nakapaskil na ngiti sa kaniyang mga labi. Napaka-creepy niyon subalit tagos sa buto ang pagkakaintindi ko.

Wala sa sariling nailabas ko ang abaniko at mabilis na itinabing ito sa aking mukha.

Tama si Carlos, kailangan kong umakto sa kung ano ang naaayon. Laveinna, nasa 1869 ka ngayon, please umayos ka.

"Halika na." Naramdaman ko na lang ang pag-abresa sa akin ni Agnes kaya naman nagpatianod na lamang ako sa kaniya. Hindi nagtagal ay sabay-sabay na muli kaming naglalakad. Magkatabi kami ni Agnes habang nasa magkabilang gilid namin si Leonardo at Carlos. Masaya kaming nagtingin-tingin sa paligid. Mukhang nasa pamilihan kami ngayon, pero in fairness, masarap palang mag-window shopping sa panahon na ito.

Nahinto kami sa paglalakad nang madaanan namin ang isang tindahan ng mga pluma at kwaderno. Ang gaganda ng mga ito.

"Ang ganda nito Oli—Mira." Nabigla subalit nakabawing turan ni Agnes na napapatingin pa sa tinderang Tsinay habang hawak ang isang kwaderno na kulay lila ang harapan. Naiintindihan ko ang biglaang pagpapalit ng tangguni niya sa akin.

"Tama ka, Agnes." Kinuha ko mula sa kaniya iyon at akmang katititigan ko ito subalit nakuha ng isang kayumangging kwaderno ang paningin ko. Nangunot ang noo ko nang mamukhaan ito.

Ibinalik ko kay Agnes ang kwadernong kinahihiligan niya at akmang kukunin ko ang pamilyar na kwaderno nang biglang magsalita si Carlos sa gilid ko.

"Gusto mo ba niyan? Maaari mo iyang gawing iyong sariling talaarawan. Ang mga binibini sa ngayon ay nahuhumaling sa pagsusulat ng kanilang pang araw-araw na gawain. Bakit hindi mo rin subukan?" Kinuha niya ang kwaderno matapos ay bahagya niya muna iyong pinagpagan bago ibigay sa akin. Nang tanggapin ko ito, doon biglang bumalik sa alaala ko ang eksena kung saan huli kong nakita si Peter Einstein dala ang ganitong notebook.

Doon na nanlaki ang mata ko. Hindi ako pwedeng magkamali, ito iyong makalumang notebook na may nakasulat na 'Desde 1870' na nakita ko.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon