"Binibining walang galang, sakaling gutom kana ay maaari mong kainin itong saging habang hinahantay nating maluto ang isda," pasumablit ni Leonardo. Hindi naman siya sinagot ni Olivia, bagkus ay nakuha pa siya nitong tarayan.

"Huwag kang pakasasanay na tawagin akong Binibini. Baka ikaw ay malingat at may makarinig sa iyo," masungit na turan ng dalaga. Subalit, ang mga kamay nito ay pa-simpleng pumipitas nang saging na nakahain doon. Nangingising pinanuod lamang ni Leonardo ang ginagawa ng dalaga.

"Bukod sa dahilang kaya ikaw ay nagpapanggap na lalaki ay dahil pinaghahahanap ka noon ng Gobernador ng San Ignacio. Naisip ko lang, ano pa ang iyong dahilan kung bakit iyong ipinagpapatuloy ang pagbabalat-kayo?" Doon na natigilan si Olivia. Naikuyom niya ang sariling kamao bago matalim na kinatitigan ang binata.

"Kung gayon ay bukod sa alam mong isa akong babae. Alam mo rin pala kung bakit ko iyon ginagawa?" Hindi nasindak ang binata sa aktong iyon ni Olivia. Bagkus ay iniikot lang nito ang mga isda nang mapansing luto na ang isang bahagi ng mga ito.

"Hindi mo na dapat iyon kinatatakhan pa, Olivia. Normal lamang sa isang taong makaaalam ng pagbabalat-kayo mo ang alamin din ang dahilan kung bakit mas pinipili mo iyan." Hindi nagawang sagutin ni Olivia ang pahayag nito dahil ganoon din naman ang ginawa ni Agnes nang malaman nito ang totoong pagkatao ni Ramiro Laong.

Subalit, pumasok sa isip ni Olivia ang tanong ni Leonardo. Ano pa nga ba ang dahilan niya? Wala na dapat siyang maging ibang dahilan pa at kung sakali man ay pwede na siyang magpakababae ulit. Napakatagal na panahon na rin ang dumaan at tiyak na wala nang maghihinala pang siya si Olivia Cartello Ignacio. Napangiti siya nang maalala ang nag-i-isang dahilan niya. Hindi niya iyon napansin subalit napansin iyon ni Leonardo. "Tila yata kay ganda ng iyong ngiti? Mukhang may maganda kang dahilan kaya't ipinagpapatuloy mo iyan." Nagulat man ay napabungisngis na lamang si Olivia tsaka siya sumagot.

"Ang totoo niyan Ginoo, akin lamang hinihintay ang aking mapapang-asawa." Nakagat pa ng dalaga ang sariling labi. Tila ba ay kinikilig pa ito. Nawala ang ngisi ni Leonardo at iyon ay napalitan ng pangungunot ng noo.

"Mapapang-asawa?"

"Hmm.. ganoon na nga. Ang  malaking problema ay hindi ko talaga siya kilala. Alam mo kasi Ginoo, noong gabing pumanaw ang mga magulang ko sa kamay ng aking lolo. May isang misteryosong Ginoo ang tumulong sa akin. Noong gabi ring iyon, ipinangako ko sa sarili ko na walang ibang tao akong pakakasalan kung hindi siya lamang," masayang pagku-kwento ni Olivia. Ang hindi niya alam na ang taong tinutukoy niya ay nasa harap na niya.

Palihim na napangiti si Leonardo. Inakala pa naman niya ay kung sinong Poncho Pilato iyon, siya lamang din pala. Nakahinga siya ng maluwag.

"Sa paanong paraan mo siya pakakasalan kung gayong wala ka namang ideya kung sino siya?" Sa tanong na iyon ng binata ay biglang nalungkot si Olivia.

"Hindi ko rin alam. Pero alam kong pasasaan pa ay makikilala ko siya. Darating siya, nararamdaman ko at siya mismo ang magpapakilala sa akin ng sarili niya." Mababakas ang kompyansa sa mga binigkas ng dalaga. Nangisi nalang muli tuloy ang binata.

"Luto na, kainin mo na lamang iyan Olivia. Gutom lamang iyan." Muling pambubuska niya sabay abot dito ng lutong isda. Ngangingiwing tinanggap iyon ni Olivia.

"Ang iyo na lamang sabihin Ginoo ay naiinggit ka lamang dahil ako ay may belobed (beloved) at ikaw ay wala." Bumalik ang pangungunot noo ng Ginoo.

"Belobed? Ano naman iyon? Anong lenggwahe iyon? May ganoon bang lenggwahe?" ngingisi-ngising tumingin si Olivia rito.

"Belobed ay isang salitang Ingles na ang ibig sabihin ay minamahal, sinisinta, at iniirog," mayabang na pagpapaliwanag ng dalaga.

"Hindi kaya ang iyong pinupunto ay ang salitang beloved na mula pa sa wikang Ingles?" Biglang kuminang ang mga mata ni Olivia sa narinig mula kay Leonardo.

"Oo, tama ka iyon nga iyon. Ang galing mo! Sa paanong paraan mo naman iyon nalaman?"

"Ganoon talaga kapag maganda kang lalaki, Olivia," napasimangot ito.

"Maayos na sana ang lahat, iyo lamang hinaluan ng kayabangan," nangiwi na lamang si Leonardo at sinimulan ng kainin ang isda. "Mabalik ako sa usapan. Ikaw ba Ginoo, wala ka bang sinisinta?" Doon natigilan si Leonardo at napalingon kay Olivia. Nagsalubong ang mga mata nila at muli na naman silang nagkatitigan. Titigang sinabayan ng mahinang pag-ihip ng hangin. Seryoso lang ang mukha ni Leonardo at ganon din naman si Olivia.

"Wala pa siguro."

"Wala pa naman," sabay nilang sagot kaya't sabay rin silang nagulat at natawa.

"Kumain kana nga lamang, binibini," utos nito. Hindi na lamang muling umimik pa si Olivia at kumain na lang.

"Lumalalim na ang gabi, makabubuting umakyat kana at magpahinga, binibini," turan ni Leonardo. Subalit, laking gulat niya nang sagutin siya nito ng isang malakas na dighay.

Natawa siya sa inasal ng dalaga. Napapahiyang napataklob ng kaniyang labi naman si Olivia. "Sige na't umakyat kana Olivia, ikaw ay magpahinga na."

"Subalit, paano ka naman Ginoo? Saan ka matutulog?" Biglaang tanong ng Binibini.

"Susunod ako sa iyo sa itaas," natatawang tugon sa kaniya ng binata. Nanlaki ang mata niya.

"Sa itaas ka rin magpapahinga?" tahasang tanong muli nito, bakas ang gulat. Nangunot ang noo ni Leonardo.

"At saan mo naman ako patutulugin kung hindi sa itaas din binibini?"

"Subalit, hindi maaari iyon. Alam mong labag iyan sa mata ng tao at sa Diyos. Kasalanan iyon at—" histerikal na sinabi ni Olivia subalit natigil na lang siya nang biglang higitin siya ni Leonardo at takpan ang bibig.

'Anong katahasan ang ginagawa niya?'  gulat na naitanong ni Olivia iyon sa sarili. Agad siyang nagpumiglas subalit walang nangyari. Gayunpaman alam niyang may hindi tama at nang ipaliwanag na nga ng Ginoo ang nangyayari ay agad  din naman siya nitong pinakawalan.

T E N

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now