2: Start of something cold

891 16 44
                                    

KAYELA

"Dad, kulang pa ba 'yung mga alaga nating aso?" Iyon ang mga unang katagang narinig niya mula kay Jett. Bukod sa pabidang entrance niya na, "MAYROON."

Apat na taon niyang hindi nakita ang kababata, pero bakulaw pa rin talaga siya, nasabi na lang niya sa isip.

Tatayo pa sana si Sir Dominguez para sundan si Jett na nag-walk out, pero pinigilan niya na lang para hindi na magtalo ang mag-tatay. "Ako na po ang kakausap, keri ko po 'to."

"Mas okay nga iyon, Kayela. You guys need some time to catch up. And one more thing, Kayela. I know you just came, but you see I have unfinished business on the farm. As much as I want to-"

"Naku, wala pong problema. Okay lang po. Ayoko rin pong makaistorbo sa inyo" putol niya sa sinasabi ni Sir Dominguez. "Sobra-sobra na po ito para sa'kin." Ayaw niya nang mas magkautang na loob pa sa kanila. Sa ngayon ang naiisip niyang gawin ay mabuhay nang hindi nagiging pabigat sa kanila.

Hinabol niya si Jett sa labas. Tawag siya nang tawag, pero ni hindi siya nililingon nito. Hindi na rin niya namalayang naibato niya kay Jett 'yung wallet niya para lang mapatigil ang mokong sa paglalakad.

"Hoy, hoy kung saan-saan ka humahawak-" singhal ni Jett nung hilahin niya ito sa sinturunan ng pantalon niya.

Nakarating sila sa gazebo sa gilid ng pool. Walang tumatakbo sa isip niya kundi masabi kay Jett kung anong klaseng sitwasyon ang mayroon silang dalawa. Wala na siyang pakialam kahit hindi magsalita si Jett at pabor pa nga iyon sa kanya. Mas mabuti na hindi na lang pumapalag si Jett. Ayaw niya lang na tumira ulit sa puder ng mga Dominguez nang hindi nalilinaw kay Jett kung bakit ito nangyari.

"Uh..." Kaya lang, hindi pala ganoon kadali magsimula. Matagal-tagal din silang hindi nagkasama, kaya parang hindi niya na alam kung paano dapat kausapin si Jett. "Ah..." Sinusubukan niyang simulan ang usapan habang nakaupo sila pero hindi niya alam kung anong sasabihin. Natataranta rin siya dahil paunti-unti ay damang-dama niya nang nag-iinit na ang ulo ni Jett sa kanya. Daig pa 'yung aso namin kapag manganganak na.

"WHAT?" masungit na tanong ni Jett sa kanya.

"Ano..."

"Anong ano?" singit na naman ni Jett sa sinasabi niya.

"Kasi..."

Akto nang tatayo si Jett nung hindi niya pa rin masimulan ang sasabihin. Hindi niya alam kung saan nahugot 'yung kapal ng mukha para sigawan si Jett. "ETO NA, ETO NA. Magsasalita na ako." Noon din ay umupo na ulit si Jett habang hindi pa rin tumitingin sa kanya. Sa malayo lang ang tanaw nito habang nakakunot pa rin ang noo.

Gagalit ka kaagad, magsasalita na nga, eh.

"Maging mabait ka na lang, Jett."

Mabilis niyang nakita ang pagtaas ng isang kilay ni Jett. "What?" sarkastiko at nakangising tanong ni Jett sa kanya. Pero alam niyang hindi iyon ngisi ng natutuwa. Pero tinuloy niya pa rin ang gustong sabihin.

"Alam ko ayaw mo ko rito. Sorry, kung makikitira na naman ako. Pero sana naman padaliin mo na lang 'yung buhay natin pareho. Kasi sa totoo lang, hindi ko rin naman ito gusto. Kung may ibang pagpipilian lang, maniwala ka sa akin, hindi ito ang pipiliin ko. Kaya sana, magtulungan na lang tayo. Isipin mo na lang, wala ako dito... Saka ngayon lang naman ito, habang hindi pa ako nakaiisip ng paraan para makaalis dito. 'Wag na sana natin ulitin 'yung mga away natin noon kasi iba na tayo ngayon, hindi na tayo bata."

Sinasadya niyang bilisan ang pagsasalita dahil ayaw niyang bigyan ng pagkakataon si Jett na makasingit sa kanya..

"Alam ko, galit ka sa'kin. Kung alam mo lang, kung gaano ko rin kaayaw tumira dito... Kaya lang wala na talaga akong magawa. Pinilit ko namang kumbinsihin ang daddy mo, kaya lang hindi talaga siya pumapayag. Ang puwede na lang nating gawin sa ngayon, magtulungan. Tulungan mo ako! Tulungan mo akong gumawa ng paraan para hindi ko na kailangan tumira dito. Pero habang wala pang dahilan, puwede ba 'wag na lang tayong mag-away, kung puwede nga, huwag na lang tayong magpansinan."

Umaasa siya na maiintindihan siya ni Jett, dahil for sure nag-mature naman siguro ang mokong kahit papaano. Mas nakakaintindi naman na siguro ang 19-year old na Jett kumpara sa batang Jett na kaaway niya noon.

"Are you seriously asking for my help? Really. You have the guts to ask for my help?" Hindi niya mabasa kung anong tumatakbo sa isip ni Jett. "At kung ayaw ko?"

Ayaw siyang tulungan ni Jett? Pero bakit naman, samantalang pabor sa kanya kung-

"Pabor sa'kin, mag-stay ka man o hindi" sabi ni Jett sa kanya.

"Ha?" Narinig naman niya ang sinabi ni Jett pero parang hirap na hirap siyang maintindihan ito.

"Hotdog" pambabara ng mokong sa kanya. Imbes na linawin ang sinabi, inangat ni Jett 'yung wallet na ibinato niya kanina.

"Akin na iyan!" Sinubukan niyang abutin ang pitaka mula kay Jett na tumayo naman at mas itinaas pa ang kamay.

"Akala ko, nagbago ka na. Cheap ka pa rin pala." Pagkasabi nun walang pagdadalawang-isip na inihagis ni Jett ang wallet niya sa swimming pool.

Saglit siyang natigilan sa ginawa ni Jett hanggang sa hindi na nakontrol ang galit niya. Sinugod niya si Jett at kinuwelyuhan, "Wala akong pakialam kung ano pang tatak ng mga pitakang ginagamit mo, at kung gaano kalaking halaga ang laman nun! Kasi kahit anong paliwanag sa'yo, hinding-hindi mo maiintindihan 'yung halaga nun, kasi kahit kailan hindi ka pa nawalan-"

Hindi niya natapos ang sinasabi dahil sa gulat niya ay itinaboy ni Jett ang mga kamay niya. Malamig na tumingin si Jett sa mga mata niya habang inaayos ang nakusot niyang kwelyo. "You know nothing, so don't start up on me. I've changed. Hindi na ako 'yung-"

"Anong pinagsasasabi mo? Saan banda ka nagbago?" putol niya sa sinasabi ni Jett. "Ikaw pa rin si Jett, at alam mo iyon. Kasi bukod sa edad, boses at tangkad, walang nagbago sa'yo! Ikaw na ikaw pa rin 'yung Jett na nakilala ko 8 years ago! Yung Jett na makasarili at walang puso!"

Natahimik silang dalawa. Maging siya ay nagulat sa mga nasabi niya. Hindi naman talaga ganoon ang gusto niyang sabihin, pero maaaring nadala na rin siya ng galit dahil sobrang mahalaga sa kanya ang pitaka na iyon, lalo na ang retrato na nakatabi doon. Hindi na kasi niya mapapalitan pa iyon, hindi na rin mauulit. Kaya ganoon na lang niya pahalagahan.

Si Jett na ang bumasag sa katahimikan, "Partida, hindi pa ako nagsisimula."

Gusto niyang yakapin ang sarili dahil sa ginaw na nararamdaman niya. Ang lamig, paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili.

I love you but I hate youWhere stories live. Discover now