Chapter CLII

4.6K 918 75
                                    

Chapter CLII: Selflessness (Part 3)

Binawi ng Genie ang kaniyang kapangyarihan. Binigyan niya ng nagtatakang tingin si Finn, at halata sa kaniyang ekspresyon na sobra siyang naguguluhan sa gusto nitong mangyari. Hindi niya maunawaan kung bakit, sa ikalawang pagkakataong, sa huli nitong kahilingan ay pipiliin pa rin nito ang kapakanan ng iba sa halip na ang sariling pag-unlad. Nagbigay na siya ng mga mungkahi na maaaring magbigay ng benepisyo rito at sa pinamumunuan nitong puwersa, ganoon man, wala sa mga iminungkahi niya ang gusto nito.

“Bakit?” Tanong ng Genie. “Ito na ang iyong ikalawang hiling--ang iyong huling kahilingan kaya, bakit?” dagdag niya pang tanong.

Napakunot ang noo ni Finn. Binigyan niya nang nagtatakang tingin ang Genie at ibinalik niya rito ang tanong. “Anong bakit? Ang ibig kong sabihin ay, bakit hindi? Imposible ba ang hiling ko..?”

Nag-aalangan si Finn dahil sa naging reaksyon ng Genie. Wala siyang naisip na ibang kahilingan kung hindi iyon lamang. Disidido na siya rito kaya labis na pangamba ang nararamdaman niya sa kasalukuyan dahil kagaya ng mga nauna niyang hiling, baka hindi rin nito kayang isakatuparan ang gusto niyang mangyari.

Umiling-iling ang ulo at kamay ng Genie. Bigla na lang ding bumakas ang komplikadong ekspresyon sa kaniyang mukha at kaagad siyang nagwika. “Ang iyong hinihiling ay hindi imposible... pero, pag-isipan mo munang mabuti ang iyong ikalawang hiling dahil iyon na ang iyong huling maaaring hilingin sa akin, Finn Silva! Kapag ginamit mo iyon para sa iba, hindi mo matatamasa ang pabuyang nakalaan dapat para sa iyo!”

Huminga ang Genie. Pinilit niyang kumalma at malumanay siyang nagpatuloy sa pagsasalita. “Ang iyong unang hiling ay makabuluhan pa dahil kasama sa mga nabuhay ang iyong mga tauhan at ang mga itinuturing mong kapamilya, subalit ang iyong ikalawang hiling... magbebenepisyo ka ba roon? May makukuha ka ba sa pagpapalaya mo sa kanila mula sa sumpa ng kalangitan?” seryosong tanong niya.

Sa lahat ng sinabi ng Genie, ang naging reaksyon lang ni Finn ay para bang nakahinga siya ng maluwag at animo'y nanabik nang sobra ang kaniyang ekspresyon. Tumamis ang kaniyang ngiti at masigla siyang nagwika.

“Kung gano'n, posible ang aking gustong mangyari? Posibleng mapalaya sa sumpa ang mga nilalang na sinumpa ng kalangitan?!” nananabik at tila ba umaasang tanong ni Finn.

“Kaya ko, pero...” hindi na naituloy ng Genie ang kaniyang sasabihin. Napahinga na lang siya ng malalim at hindi niya napigilan na pagmasdang mabuti si Finn. “Hindi dapat ako nakikialam dahil ang trabaho ko lang ay ibigay kung anoman ang hilingin mo, subalit hindi ko mapigilan na mahiwagaan. Maaari ko bang malaman kung ano ang dahilan bakit gusto mo silang palayain? Dahil ba umaasa kang susumpa sila sa iyo ng katapatan kapag pinalaya mo sila mula sa sumpa ng kalangitan? Iyon ba, Finn Silva?”

Pinakalma ni Finn ang kaniyang sarili. Bahagya niyang isinantabi ang labis na pananabik na kaniyang nararamdaman at binigyan niya ng bahagyang ngiti ang Genie. Marahan niyang iniling ang kaniyang ulo at malumanay siyang tumugon sa mga tanong nito.

“Ipagpapasalamat ko nang sobra kung sakali mang piliin nilang sumama sa akin para isakatuparan ang layunin ng New Order na maging pinakamalakas at mapuksa ng tuluyan ang mga diyablo, gano'n man, hindi iyon ang intensyon ko kaya gano'n ang hinihiling ko sa iyo,” mahinahong tugon ni Finn. Bumuntong-hininga siya at tumingin sa kawalan. Inilagay niya sa likod ng kaniyang ulo ang kaniyang mga kamay at nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Tapat sila sa kanilang sinasambang diyos kaya wala akong balak na pilitin sila na maglingkod o sumama sa akin. Ang tanging gusto ko lang kaya ko hinihiling sa iyo ang kanilang kalayaan ay dahil gusto kong matapos na ang kanilang mahabang panahong pagdurusa. Siguro naman ay napagbayaran na nila ang kanilang mga kasalanan. Sobrang tagal na panahon na mula nang mangyari ang digmaan sa pagitan ng mga diyos... at sobrang tagal na rin nilang nagdurusa kaya hangad ko na guminhawa na ang buhay nila at magkamit na sila ng kalayaan na kagaya ng mayroon ako.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now