Chapter LXXXVII

4.4K 838 37
                                    

Chapter LXXXVII: The Island of Soul Chefs (Part 2)

Tumingin sa ibang direksyon si Faino at palihim siyang umismid matapos ang naging pahayag ni Edmund. Sa loob-loob niya ay nasisiyahan siya dahil sigurado niya nang muli na silang makakapunta sa lungsod ng isla. Absuwelto na siya sa kaniyang nagawang kasalanan, at iyon ay dahil sa impluwensiya ng kaniyang katuwang na adventurer--ni Finn.Tungkol kay Astra, agad na nagliwanag ang ekspresyon nito dahil sa magandang takbo ng pangyayari. Kapansin-pansin din ang pag-arko ng mga labi nito. Pumorma ang mga ito bilang napakatamis na ngiti, at kung kanina ay inis na inis siya dahil sa pagiging magulo ni Faino, ngayon ay tuluyan nang nawala ang inis niya rito.

Samantala, kung sina Faino at Astra ay pasimpleng nagdiriwang dahil sa desisyon ng organisasyong namamahala sa Heavenly Gourmet Island, karamihan sa mga manonood ay mababakasan ng hindi makapaniwalang ekspresyon. Ang mga lokal ng Land of Origins ay gulat na gulat na dahil sa pahayag ni Edmund na tinatanggap nila bilang mahalagang panauhin si Finn, ganoon man, ibang usapan na ang pag-absuwelto ng mga ito kina Astra at Faino na napalayas na sa isla dahil lumabag sila sa batas at alituntunin ng organisasyon.

Sa karaniwang pagkakataon, hindi maaaring maabsuwelto ang isang indibidwal sa batas na umiiral sa Heavenly Gourmet Island. Kahit ang mga tanyag o makapangyarihang indibidwal ay hindi ligtas sa batas ng isla. Subalit sa pagkakataong ito, nagkaroon ng eksepsyon, at iyon ay dahil kay Finn.

Dahil sa pangyayaring ito, nagsimula ang diskusyon sa pagitan ng mga adventurer na nakikiusyoso sa kasalukuyang nangyayari.

“Talagang napaka-espesyal ni Finn Silva para makatanggap siya ng ganitong pagtrato mula sa Heavenly Gourmet Island. Sa tagal-tagal kong nabubuhay sa mundong ito at bumibisita rito, siya lang ang kilala kong tatanggapin ng isla bilang napakahalagang panauhin. Bago ito sa akin, at sa totoo lang, naiinggit ako sa pribilehiyong tinatamasa niya dahil maging ang lider ng organisasyong namamalakad dito ay interesado sa kaniya,” ani ng isang babaeng planthora.

“Ngayon ko lang din nalaman na tumatanggap ng mahalagang panauhin ang Heavenly Gourmet Island. Higit pa roon, ito rin ang unang pagkakataon na narinig kong mayroong inabsuwelto ang isla. Nagbigay sila ng eksepsyon, at ito ang talagang kainggit-inggit dahil dito mo makikita ang labis na pagpapahalaga nila kay Finn Silva,” sambit ng katabi niya. “Alam naman ng lahat na napakarami nang adventurer ang pinagbawalan na makatapak muli rito sa isla, at isang halimbawa na riyan ang kasalukuyang pinuno ng mga darkiyan--si Goyle. Isa siyang Demigod Rank, pero dahil nag-amok siya noon dito sa islang ito, puwersahan siyang napalayas at wala siyang nagawa kung hindi lunukin ang kahihiyan na iyon.”

“Makapangyarihan siya at ang pinamumunuan niyang lahi, pero kumpara sa organisasyong nangangalaga sa isla gayundin sa mga indibidwal at puwersa na sumusuporta rito, walang-wala siya at ang lahi niya,” dagdag pa nito.

Bahagyang tumango ang babaeng planthora at malumanay siyang tumugon, “Ibig sabihin, ang impluwensiya ni Finn Silva ay higit pa sa isang Demigod Rank. Siya lang ang bukod-tanging nakatanggap ng ganitong pagtrato sa Heavenly Gourmet Island, at kapag kumalat ang balitang ito, siguradong mas dadami pa ang mamamangha sa kaniya.”

“Hindi ko pa siya nakitang aktuwal na nakipaglaban o lumikha ng mga pambihirang kayamanan. Naririnig ko lang ang mga katangi-tangi niyang napagtagumpayan, pero ang personal na masaksihang tinanggap siya ng Heavenly Gourmet Island bilang napakahalagang panauhin, masasabi kong napaka-espesyal nga talaga niya. Si Edmund pa mismo ang sumalubong sa kaniya,” lahad niya pa.

“Marahil ganito kainit ang pagtanggap sa kaniya ng nakararami dahil nagtataglay siya ng blue-green alchemy flame. Kahit na bali-balita na hindi siya ang kasalukuyang alchemy god, taglay niya pa rin ang maalamat na alchemy flame, at sapat na ito para kaibiganin siya ng halos lahat,” komento ng kausap niya.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now