Chapter CXXI

4.5K 779 27
                                    

Chapter CXXI: New Plans for the Future

“Kanina pa pinag-aaralan ni Kuya Finn ang librong iyon. Ngayon ko lang din nakita na ganiyan siya kaseryoso magbasa. Ano kaya ang librong iyon para gawin siyang ganiyan kaseryoso?” hindi maiwasang maibulalas ni Meiyin habang tinatanaw niya si Finn sa hindi kalayuan. Gustong-gusto niya itong lapitan dahil nahihiwagaan siya kung ano ang ginagawa nito, ganoon man, naalala niya ang paalala nito na huwag siyang aabalahin kung hindi kailangang-kailangan dahil mayroon siyang kailangang pag-aralan.

Hindi binanggit ni Finn sa kanila kung ano iyon dahil basta na lang itong lumayo matapos nitong makausap ang mga water celestial patungkol sa repormasyon ng Divisions of Imperial Armies at pagtatalaga ng mga bagong heneral. Sa kasalukuyan, nasa ikasiyamnapung palapag sila kasama ang mga water celestial, pero nakalayo sila dahil ayaw magpaabala ni Finn sa kahit na sino.

Dahil dito, maging sina Eon, Poll, at Meiyin ay ilang metro ang layo kay Finn. Hindi rin nila marinig ang mga salitang binibigkas nito dahil nababalutan ito ng Sound Concealing Skill.

“Siguradong sobrang halaga noon kaya hindi kayo hinayaan ni Master na makisawsaw,” sambit ni Eon at malapad siyang ngumisi.

Magkasabay na bumaling sina Meiyin at Poll kay Eon. Kumunot ang kanilang noo at hindi napigilan ni Poll na tumugon sa sinabi nito. “Iniisip siguro ni Guro na makakagulo ka lang kaysa makakatulong dahil masyado kang mahilig makialam. Alam na alam ni Guro na madalas kang magsimula ng gulo kaya para maituon niya ang kaniyang konsentrasyon sa kaniyang gagawin, inatasan niya tayo na huwag sumunod sa kaniya. Nadamay lang kami ni Meiyin dahil ayaw niyang masaktan ang damdamin mo.”

Agad ba bumakas ang matinding inis sa mukha Eon. Napabalikwas siya at ikinuyom niya ang kaniyang kamao na para bang gigil na gigil siya, pero pinilit niya pa ring kumalma. Pinagkrus niya muli ang kaniyang mga braso sa kaniyang dibdib at mariing sinabing, “Mas lalo pang tumatalas ang tabas ng dila mo. Alam ko namang hanggang ngayon ay naiinggit ka pa rin sa akin dahil sa alok ni Master. Ikaw marahil ang estudyante niya, pero mas may tiwala siya sa akin kaysa sa iyo kaya mas mataas na posisyon ang ibinigay niya sa akin.”

“Dapat lang na mainggit ka dahil mas mataas na ako. Kapag pormal na akong itinalaga, may kakayahan na akong utos-utusan ka kaya humanda ka,” mayabang niyang hayag.

Umismid si Poll. Tila ba hindi siya naapektuhan sa mga pagbabanta ni Eon. Nanatili lang siyang kalmado at makaraan ang ilang sandali, marahan siyang nagwika. “Kapag inabuso mo ang posisyong ibibigay sa iyo ni Guro, siguradong hindi iyon magtatagal sa iyo. Maraming naghahangad sa posisyon na 'yon, at kapag nasilip ng ibang miyembro na hindi mo iyon pinahahalagahan, magsisimula silang magreklamo at magsumbong kay Guro. Mapapagtanto ni Guro na hindi ka pa handa kaya sa halip na pagbantaan mo ako, bakit hindi mo na lang isipin kung paano mo mapapanatili ang posisyong iyon sa oras na maibigay na sa iyo iyon?” mapaglaro niyang sabi.

Sumeryoso ang ekspresyon ni Eon. Nawala ang nagmamalaki niyang ngiti at agad iyong napalitan ng simangot. Hindi niya sinubukan na makipagtalo dahil napagtanto niya na tama ang lahat ng sinabi ni Poll. Kilala niya si Finn, ang kaniyang master. Napaalalahanan na siya nito tungkol sa pag-abuso ng posisyon, at mariin nitong ipinaintindi sa kaniya na kapag gumawa siya ng kalokohan, hindi ito magdadalawang-isip na bawiin sa kaniya ang mataas na posisyon na ibinigay sa kaniya.

“Puwede bang tumigil na kayong dalawa sa walang pahinga n'yong pagtatalo? Kaya tayo ayaw na makasama ni Kuya Finn sa mga ganitong sitwasyon ay dahil lagi kayong nagtatalong dalawa. Para sa kaalaman ninyo, pareho kayong nakakaabala kaya kung gusto ninyong magtalong dalawa, pakiusap lang, lumayo kayo at maghanap ng lugar kung saan wala kayong mapeperwisyo,” nakasimangot na sabi ni Meiyin habang binibigyan ng masamang tingin sina Eon at Poll.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon