Chapter XII

4.7K 815 63
                                    

Chapter XII: Relocation

“Natural na sa aming mga warwolf ang sumaklolo sa aming kaibigan, Finn Silva. Isang malaking kahihiyan kung ipagpapasawalang-kibo namin ang nangyayari gayong alam naming mayroong puwersa ang umaapi sa inyo. Hindi gayon ang ugali naming mga warwolf, hindi kami magbubulag-bulagan sa nangyayari dahil lang makapangyarihang puwersa ang umaapi sa aming kaibigan,” nagmamalaking sabi ni Keanu. “Marahil malalakas ang mga forsaken, subalit hindi sila gayon karami at hindi ako naniniwalang hindi natin sila kakayanin sa oras na laban natin sila nang sama-sama.”

Sandaling binigyan ng tingin ni Caesia si Keanu. Hindi siya nagpakita ng kahit anong emosyon, pero noong bumaling siya muli kay Finn, bahagya siyang ngumiti at marahang sinabing, “Ang Creation Palace ay karaniwang walang pinapanigan at hindi na nakikialam sa gulo ng iba. Hindi kami pangkat na nakikidigma sa iba, kami ay mga propesyonal na ang tanging layunin lamang ay paunlarin ang mga produkto ng alchemy, inscription, formation, at pagpapanday. Gayunpaman, naisipan naming gumawa ng eksepsyon sa pagkakataong ito dahil ikaw iyan, Finn Silva.”

Bumuntong-hininga siya at nagpatuloy sa pagsasalita, “Napakalaki ng pag-unlad namin mula nang makipagtransaksyon ka sa amin. Ikaw ang aming bituin na nagbigay sa amin ng liwanag sa kalagitnaan ng dilim. Marahil hindi ka bahagi ng Creation Palace, subalit ang iyong kontribusyon gayon din ang kontribusyon ng iyong mga kapitan at bise kapitan ay hindi matatawaran at tatatak na sa kasaysayan ng aming palasyo. At dahil sa napakalaking tulong mo, hindi ka namin hahayaang mapahamak kung mayroon kaming magagawa para tulungan ka.”

Sandaling natigilan si Finn matapos niyang marinig ang mga pahayag nina Caesia at Keanu. Nang makabawi siya, umarko ang kaniyang labi at binigyan niya ng matamis na ngiti ang mga kaharap niya. Ibinuka niya rin ang kaniyang bibig at malumanay na tumugon, “Nakakataba ng puso ang inyong mga sinabi't ginawa. Kulang ang salitang salamat para pasalamatan kayo sa inyong pagsaklolo, gano'n man, ako at ang buong New Order ay nagpapasalamat sa inyo dahil kung hindi kayo dumating, baka kung ano na ang ginawa sa amin ng mga forsaken na 'yon.”

“Ang aming pangkat ay hindi pa gano'n kalakas. Hindi pa namin kayang makipagsabayan sa mga kagaya ninyong malalakas at makakapangyarihan. Sa kabila nito, gusto naming makipagsapalaran at magkaroon ng magandang karanasan dito. Handa kaming humarap sa mga panganib dahil ang magandang panulak ang mga panganib para umunlad pa kami,” lahad ni Finn. Seryoso niyang binalingan ng tingin ang mga hari at reyna ng Creation Palace ganoon din ang mag-asawang namumuno sa Warwolf Clan. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at muli siyang nagpatuloy sa pagsasalita, “Napakabata pa ng New Order. Hindi kami maikukumpara sa mga puwersa ninyo na may napakatibay na pundasyon at may nakamamanghang kasaysayan. Hindi pa kami ganoon kalakas at kailangan pa namin ng panahon at mayamang karanasan para maging makapangyarihan at maimpluwensiya kagaya ng Creation Palace at ng Warwolf Clan.”

Umismid si Iseranni at pinagkrus niya ang kaniyang mga braso sa kaniyang dibdib. Binigyan niya ng makahulugang ngiti si Finn at marahan na nagsalita. “Masyado kang mapagkumbaba. Sa pamamagitan ng iyong pamumuno, hindi ako naniniwalang hindi kayo magiging matagumpay. Darating ang panahon na malalampasan n'yo kami. Masyadong malaki ang iyong potensyal, Finn Silva, at dinala mo iyon maging sa iyong pinamumunuang puwersa. Mas mayaman kayo sa kaalaman kaysa sa amin kung iba't ibang larangan ang pag-uusapan, at naniniwala ako na mayroon pa kayong mga sikretong itinatago.”

“Pero, hindi na namin iyon uungkatin pa. Kontento na kami sa mga bagay at kaalaman na nakuha namin sa iyo. Gayunpaman, nagtataka lang ako,” ibinaling ni Iseranni ang kaniyang tingin sa mga kapitan at bise kapitan na kasama ni Finn. Kumunot ang kaniyang noo at bumakas ang pagkalito sa kaniyang mukha. “Bakit wala sa inyong hanay ang iyong estudyanteng si Poll Murayon? Napansin ko rin na sina Morris, Alicia, at ang iba pang mahuhusay na propesyonal ay hindi n'yo kasama,” tanong niya.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now