Chapter LIX

4.2K 900 55
                                    

Chapter LIX: The Only Possible Way

Lapastangan!

Ito ang salitang gustong isigaw ng bawat axvian na naroroon. Gustong-gusto na nilang tumayo at sugurin si Kiden dahil sa mga binitawan nitong salita. Nais nilang ipaintindi rito na isang malaking kahangalan ang iminumungkahi nito, subalit hindi nila magawa dahil natatakot pa rin sila sa presensya ni Varus. Nanggagalaiti sila sa galit, ganooon man, kailangan nilang magpigil dahil kung bigla silang magwawala habang nasa harap nila si Varus, para na rin silang nagpakita ng kawalang respeto rito.

Kahit si Finn ay hindi inaasahan na mangangahas si Kiden na magmungkahi ng ganito. Oo, naiisip niya rin ang tungkol sa bagay na ito at gustong-gusto niya ring mapabilang sa New Order ang mga axvian dahil siguradong magiging malaking tulong sila sa hinaharap na pakikidigma sa mga diyablo, pero ibang usapan na ang mga ito dahil ang mga ito ay matindi ang pananampalataya sa kanilang diyos, sa Rage God.

Isa pa, hindi hamak na mas mahirap makipagkasundo sa mga axvian. Masyadong marahas ang mga ito. Mas pinaiiral ng mga ito ang kanilang emosyon sa pag-iisip at pagtugon kaya kung basta-basta na lang magsasalita sina Finn at Kiden ng mga bagay-bagay na maaaring maging dahilan para magalit ang mga ito, siguradong mas magiging komplikado ang sitwasyon na maaari pang humantong sa isang gulo.

Binalingan ng tingin ni Varus si Kiden. Hindi nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang ekspresyon. Nanatili lang itong blangko habang ang kaniyang mga mata ay hindi makikitaan ng kahit anong emosyon.

“Hahayaan ko kayong mag-usap tungkol sa mga bagay na inyong naiisip. Hindi ako makikialam sa inyong mga desisyon, subalit dahil ipinaubaya sa akin ni Oulixes ang pangangalaga sa inyo, hindi ko kayo maaaring hayaan na magpatayan. Walang sinuman ang maaaring magsimula ng gulo. Kailangan ninyo iyang pag-usapan sa maayos na paraan nang hindi kinakailangang magkasakitan,” lahad ni Varus. “Maaari ninyong ipaalam ang inyong mga intensyon. Hindi ko rin kayo pipigilang magmungkahi ng mga paraan para iyon ay maisakatuparan, subalit kailangang irespeto ng bawat isa sa inyo ang desisyon ng isa't isa dahil walang magandang maidudulot ang pagpilit sa mga bagay-bagay na ayaw gawin ng isa.”

“Maaari na kayong tumayo upang makausap ninyo ng maayos sina Kiden at Finn Silva, Eulises,” dagdag niya pa bago siya humakbang patungo sa isang tabi.

Dahil mayroon nang permiso ni Varus, tumayo na ang mga axvian. Kalmado ang bawat isa sa kanila, subalit kapansin-pansin ang matalim na ibinibigay nilang tingin kay Kiden.

“Hindi namin babalewalain ang iyong gabay, Panginoong Varus. Pinahahalagahan namin ang iyong pangangalaga sa aming tribo nang higit sa maraming bagay kaya asahan mong pananatilihin naming maayos ang usapang ito bilang malaking respeto namin sa iyo,” ani Eulises at magalang siyang yumuko sa direksyon ni Varus.

Hindi tumugon si Varus sa pagbibigay-pugay sa kaniya ni Eulises. Nanatili lang siyang nakatinding sa isang tabi at animo'y isa siyang estatwa dahil hindi siya kumikibo kanit na kaunti.

Itinuon na ni Eulises ang kaniyang atensyon kay Kiden. Agad na nanlamig ang kaniyang ekspresyon nang bumaling siya rito, at hindi niya itinago ang panghahamak sa kaniyang mga mata habang tinitingnan niya ito. Hayagan niyang ipinakita ang kaniyang hindi nasisiyahang reaksyon sa dalawa.

“Unang-una, susundin namin ang gabay ni Panginoong Varus at hindi ka na namin pipilitin na manatili rito. Maaari mo nang gawin ang nais mong gawin. Malaya ka nang umalis dito kasama si Finn Silva at hindi ka na namin susubukang pigilan pa,” panimula ni Eulises. “Gayunman... sa oras na piliin mo ang mga tagalabas kaysa sa amin, hindi ka na namin kikilalanin bilang aming kalahi. Tuluyan ka nang mawawalan ng karapatan sa tribong ito, at lahat ng mungkahi mo ay hindi namin pakikinggan o ikokonsidera. Ikaw ang pumili na lumisan, at ang aming tugon ay tuluyan kang tanggalan ng karapatan sa tribo. Iyon ang aming desisyon na kailangan mong irespeto kagaya ng gagawin naming pagrespeto sa magiging desisyon mo.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Kde žijí příběhy. Začni objevovat