Chapter XLII

4.6K 854 31
                                    

Chapter XLII: Confirmed!

Sinimulang ipinaliwanag ni Finn ang mga kaganapan sa Land of Origins. Inuna niyang ipinaliwanag ang sitwasyon nito kung paanong ang tinaguriang God Realm o mundo ng mga diyos ay tinatawag na lang ngayon bilang Land of Origins o mundo ng pinagmulan.

Dahil walang kaalam-alam ang mga minokawa sa pangyayaring ito, isinalaysay niya kina Horus na ang Land of Origins ay humiwalay na sa mundo ng mga adventurer, at ito na ang pangalawang pagkakataon na muli itong lumitaw sa mundo ng mga adventurer para pumili ng karapat-dapat na tanghaling magiging pinakamakapangyarihang adventurer sa hinaharap. Sinabi niya rin ang mga impormasyong nakalap niya na sa kasalukuyan, wala nang diyos ang umiiral. Bawat diyos ay namatay na sa malawakang digmaan matagal na panahon na ang nakararaan.

Ipinaliwanag niya sa mga elder ang mga nalalaman niya sa kasalukuyang Land of Origins, pero siyempre, nagkubli siya ng ilang impormasyon kagaya ng lokasyon ng mga ankur. Sinabi niya lang sa mga ito na gustong mamuhay ng tahimik at payapa ng mga ankur kaya hindi niya maaaring sabihin kung saan eksaktong matatagpuan ang mga ito.

Mula sa simula ng pagsasalaysay ni Finn, mababakas ang gulat at hindi makapaniwalang ekspresyon sa mukha ng mga elder. Paminsan-minsan silang napapakunot-noo at hindi mapigilan ng ilang elder na sumingit dahil medyo naguguluhan sila sa kanilang mga naririnig.

Hindi problema kay Finn ang paglilinaw sa ilang mga bagay. Natural lang na magtanong ang mga ito, at handa siyang linawin ang mga malalabong parte sa abot ng kaniyang makakaya.

Gusto niyang gumanda ang tingin sa kaniya ng mga elder. Hangad niyang maramdaman ng mga ito ang katotohanan sa kaniyang pagsasalaysay, at ayaw niyang maging hindi kapani-paniwala ang kaniyang mga sinasabi kaya hangga't maaari, idinedetalye niya nang maayos ang mga impormasyon na kaniyang ibinabahagi.

“Ito ang gusto ng kalangitan. Walang sinuman ang makababago ng mga kaganapan kung ito ang talagang gusto ng kalangitan,” seryosong sabi ni Nesta. “Nagalit ang kalangitan sa ginawa ng mga diyos at naming iba't ibang nilalang kaya kami pinarusahan. Lahat ng may malaking parte sa nangyaring malawakang digmaan sa pagitan ng mga diyos ay nagdudusa sa kasalukuyan,” dagdag niya.

“Iyon na marahil ang dahilan kaya humiwalay ang dating mundo ng mga diyos sa mundo ng mga adventurer. Walang sinuman ang maaaring umalis sa mundong ito dahil lahat kaming naninirahan dito ay itinuturing ng kalangitan bilang makasalanan,” taimtim na komento ni Luscinia.

“Pero, maaari naman kayong sumumpa ng katapatan sa mga tagalabas para makaalis sa mundong ito. Sa pagkakaalam ko, iyon ang tanging paraan para mawala ang restriksyon sa inyo ng mundong ito,” pagsingit ni Finn.

Umismid si Vireo at bahagya siyang umiling-iling. Tiningnan niya si Finn sa mga mata nito at malumanay na sinabing, “Iminumungkahi mo bang manumpa rin kami ng katapatan sa iyo kagaya ng ginawa ng mga centaurion, silenus, at ng iba pang naninirahan sa mundong ito?”

“Kami ay mga minokawa, Finn Silva. Wala kaming diyos na sinasamba kaya imposibleng mayroon kaming mortal na paglingkuran,” dagdag niya.

Napangiti na lang din si Finn dahil sa kaniyang mga narinig. Bahagya siyang umiling at marahang tumugon, “Tumugon lang ako sa inyong mga sinabi. Hindi ko iminungkahi na paglingkuran ninyo ako, pero... kung posible, bakit hindi? Malaking tulong ang inyong tribo sa akin sa--”

“Tama na ang usapan tungkol sa bagay na iyan. Hindi namin kailangang ikonsidera ang pagsumpa ng katapatan sa kahit na sinong tagalabas. Hindi kailanman yuyukod ang mga minokawa sa kahit na sino,” mariing sambit ni Horus para putulin ang sinasabi ni Finn.

Nagkibit-balikat na lang si Finn dahil sa pahayag ni Horus. Sumeryoso na ang kaniyang ekspresyon. Alam niyang sa mga puntong ito, dito na nagtatapos ang mahabang diskusyon patungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng Land of Origins kaya sunod niyang tinalakay ang ilan pang impormasyon na nais malaman ng mga minokawa--ang tungkol sa pagpasok ng mga tagalabas sa lugar na ito at ang mga pangkat o puwersa na kasalukuyang naririto.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now