Chapter LXXXIX

4.8K 881 47
                                    

Chapter LXXXIX: For Peace

“Narito na ang inyong mga baraha,” nakangiting sabi ni Rian habang iniaabot niya kay Finn ang anim na barahang hawak niya. “Bawat isa sa mga iyan ay naglalaman ng sampung libong gourmet points na maaari n'yong magamit sa mga gusali o tindahan sa Heavenly Gourmet Island. Kung gusto ninyong ipalit iyan pabalik sa mga soul stone o katumbas na kayamanan, sabihin n'yo lang sa akin at ako na ang bahalang mag-asikaso noon. Gayunman, ang pagpapalit ng mga puntos sa mga soul stone o katumbas na kayamanan ay mayroong karampatang bayad.”

Kinuha ni Finn ang limang baraha mula kay Rian. Bahagya siyang ngumiti at marahang sinabing, “Maraming salamat sa pag-aasikaso sa amin. Pero, mas maganda sana libre ang mga puntos sa mga barahang ito. Ako ay inyong mahalagang panauhin kaya hindi naman siguro masama kung libre na sa amin ang lahat ng mayroon dito. Lahat ng ito ay nagkakahalaga ng animnapung libong top-grade soul stone, at hindi iyon maliit na halaga lamang lalo na sa aming mundo.”

“Hindi ganiyan ang negosyo. Kung gagawin namin iyon, baka malugi kami sa inyo,” agad na tugon ni Rian. “Isa pa, ang libo-libong top-grade soul stone ay barya na lang sa iyo. Sa pagkakaalam namin, napakayaman ng iyong puwersang pinamumunuan. Marami kayong kayamanan kaya bakit kailangan mong maging matipid? Mataas na ang iyong antas at ranggo, at kung maglalaan ka ng oras, maaari ka namang gumawa ng mga soul stone gamit ang iyong enerhiya.”

Pilit na ngumiti si Finn at marahan siyang tumugon, “Pagsasayang lang iyon ng enerhiya't panahon. Totoong hindi ko na kailangan ang mga soul stone dahil hindi ko iyan mapakikinabangan sa aking pagpapataas ng antas at ranggo, gano'n man, mapakikinabangan pa rin iyan ng mga miyembrong babago pa lamang nagpapataas ng antas at ranggo gayundin ng mga propesyonal sa aming hanay.”

“Problema n'yo na iyon,” nakangiting saad ni Rian na para bang wala siyang pakialam sa mga sinabi ni Finn. “Nagnenegosyo kami rito, at sa negosyo, kailangan naming kumita. Dapat mo ring malaman na hindi sakop ng pribilehiyo mo bilang mahalagang panauhin ang makalibre sa mga gastusin dito kaya tigilan mo na ang pagsusubok mo dahil wala kang mapapala.”

Nanlumo si Finn sa katigasan ng puso ni Rian, pero hindi na siya nagpumilit pa. Tinanggap niya na lang na kailangan niyang gumastos ng animnapung libong top-grade soul stone para lang makapaglibang sa Heavenly Gourmet Island. Sa kasalukuyan, hindi ito sobrang laki kung tutuusin dahil napakayamanan na nila sa mga kayamanan. Marami silang soul stone sa kanilang imbakan, pero para sa kaniya, mas maganda pa ring maglibang nang hindi kinakailangang gumastos.

Iaabot na sana ni Finn ang mga baraha sa kaniyang mga kasama, pero may sumagi sa isip niya kaya muli niyang hinarap si Rian at nahihiwagaan siyang nagtanong.

“Sapat na ba ang tigsasampung libong gourmet points para makapaglibang kami rito?” tanong niya.

“Nakadepende iyon sa inyo. Kung sa parke lang kayo maglilibang, marahil sasapat na iyan kung mga simpleng pagkain, inumin, at serbisyo lang ang inyong bibilhin. Gayunman, kung magtutungo kayo sa mga pasugalan, kulang na kulang iyan lalo na kung gusto ninyong manalo ng malaking halaga,” paliwanag ni Rian. “Ano pa man, maaari naman kayong magpadagdag ng gourmet points kapag naubusan kayo. Hindi kayo mahihirapan dahil ako ang bahalang mag-asikaso ng tungkol sa bagay na iyon.”

“Naiintindihan ko,” ani Finn. Binigyan niya ng matamis na ngiti si Rian at pagkatapos, iniabot niya na kina Faino, Astra, Eon, Poll, at Meiyin ang limang baraha na naglalaman ng tigsasampung libong gourmet points.

Gusto niyang hayaan ang mga ito na pumili at magbayad ng kanilang gustong kainin, inumin, o bilhin sa parke. At mas madali kung sila ang hahawak ng kanilang pambayad upang hindi na kailanganin pa ng mga ito na magsabi sa kaniya kapag mayroon silang gustong bilhin.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now