Chapter XCI

4.2K 883 82
                                    

Chapter XCI: Too Arrogant

Isang mainit na pagtatalo sa pagitan ni Rian at ng isang soul chef ang bumungad kay Finn matapos niyang matagpuan ang kinaroroonan ng kaniyang mga kasama. Sina Astra, Faino, Meiyin, Eon, at Poll ay nasa isang lugar ilang metro ang layo sa tindahan ng soul chef na kausap ni Rian. Nahiwagaan siya sa nangyayari at noong makabawi siya, kinain at ininom niya muna ang mga pagkain at inumin na kaniyang dala bago siya dahan-dahang lumapit kina Astra.

Narinig niya ang isinigaw ng matandang soul chef. Nagkaroon na rin siya ng ideya sa nangyayari, pero gusto niyang makumpirma ito mula sa bibig ng kaniyang mga kasama.

“Ano'ng nangyayari? Bakit nakikipagtalo si Lady Rian sa soul chef na iyon?” tanong ni Finn.

“Ang taong iyon ang nakagirian ni Faino na naging dahilan para mapatalsik kami sa lugar na ito,” tugon ni Astra at makikita ang malungkot na ekspresyon sa kaniyang mukha. “Nakita niya kaming naglilibot sa parke, at hindi niya gusto na naririto kami kaya pinapakiusapan niya si Rian na palayasin kami sa isla.”

Bahagyang tumango si Finn matapos niyang makumpirma kung ano ang nangyayari. Binalingan niya ng tingin sina Rian at ang matandang soul chef na hanggang ngayon ay nagtatalo pa rin. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at pabulong na sinabing, “Kung gano'n, kaya pala nanggagalaiti sa galit ang soul chef na iyon.”

Muli niyang itinuon ang kaniyang tingin kina Astra at Faino. Seryoso niyang tiningnan ang dalawa at marahan siyang nagwika. “Ayoko na sanang ungkatin o itanong sa inyo kung ano ang dahilan kung bakit kayo napalayas dito, gano'n man, mukhang kailangan ko iyong alamin para maintindihan ko ng lubusan ang nangyayari.”

“Galit na galit ang soul chef na nakagirian ni Faino, at mukhang ayaw niyang magpaawat hangga't hindi niya kayo napapaalis sa islang ito. Halata rin na kahit si Lady Rian ay nahihirapan siyang paamuhin kaya sa tingin ko, hindi maganda ang sitwasyong kinalalagyan ninyong dalawa,” dagdag niya.

“Dapat ba kaming matuwa sa napagtanto mo?” pasinghal na tanong ni Faino. “Sumusobra na ang matandang iyon! Kung wala lang pumipigil sa akin, tuturuan ko siya ng leksyon. Sobra-sobrang pagtitimpi na ang ginawa ko, pero sobra-sobra na rin ang kapangahasan niya!”

Minasahe ni Astra ang kaniyang sintido. Siya rin ay naiinis sa kasalukuyan nilang sitwasyon, subalit pilit niyang humihinahon dahil alam niyang ang dahilan lang kaya sila naabswelto sa kanilang ginawang paglabag sa batas at alituntunin ng isla ay si Finn. Hindi niya na gustong mapalayas sa pangalawang pagkakataon kaya seryoso niyang tiningnan si Faino at mariin siyang nagwika, “Huwag mo nang palalain ang sitwasyon. Hindi mo ba nakikita na gusto tayong tulungan ni Finn? Sa halip na siya ang awayin mo, bakit hindi ka na lang magpakumbaba at humingi ng tawad sa soul chef na iyon? Baka sakaling tumigil na siya sa pang-iipit sa atin kapag humingi ka ng paumanhin sa kaniya.”

“Ako? Hihingi ng paumanhin sa lapastangang iyon? Kailanman ay hinding-hindi ko iyon gagawin! Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa humingi ng paumanhin sa isang kagaya niya! Hindi ako ang nagsimula ng gulo. Siya ang mapagmalaki at akala mo kung sino kaya hinding-hindi ako magpapakumbaba sa kaniya,” mariing tugon ni Faino. “Mahal kita, Astra. Gusto kong gawin ang mga bagay na ikasasaya mo, subalit hindi sa pagkakataong ito. Higit na iyan sa kahihiyang kaya kong lunukin kaya nakikiusap ako sa iyo na sana ay huwag sa pagkakataong ito. Hindi ko talaga masisikmura na humingi ng paumanhin sa kaniya gayong hindi naman ako ang nauna at wala naman talaga akong ginawang kasalanan.”

Matapos marinig ang sinabi ni Faino, napabuntong-hininga na lang si Astra. Sandali siyang napaisip. Nagkaroon siya ng kalinawan at makaraan ang ilang sandali, pilit siyang ngumiti.

Napagtanto niyang sobra ang hinihingi niya kay Faino. Kilala niya ito, at malinaw sa kaniya na imposibleng mapahingi niya ito ng paumanhin sa matandang soul chef. Mayroon din itong pinanghahawakang dignidad, at bilang kaniyang kasintahan, dapat ay siya ang nakakaintindi ng lubos dito.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Onde histórias criam vida. Descubra agora