Chapter XXIX

6.2K 924 139
                                    

Chapter XXIX: Lending a hand

Matapos makita ang reaksyon ng bagong dating, doon nakumpirma ni Finn na mayroong mangyayari. Nahalata niyang kakilala ng mga bagong dating si Deronia, at napagtanto niyang kagaya nina Lefira at Chronum, may koneksyon din ang mga ito rito. Kaagad niyang sinulyapan ang kaniyang mga kasama. Sinenyasan niya ang mga ito at siniguro niya na alerto sina Reden, Heren, at Ysir sa anomang posibleng mangyari.

Daan-daang 9th Level Heavenly Supreme Rank ang nasa kabilang panig. Marahil walang nasa Immortal Rank dito, ganoon man, ramdam ni Finn na hindi pangkaraniwang hukbo lang ang mga ito dahil kakaibang tindi ng aura ang nararamdaman niya mula sa dalawang babaeng demonyo na nangunguna sa mga ito.

Kung sila ay nasa perpektong kondisyon, hindi problema kina Finn ang kalaban dahil nakasisiguro sila na kakayanin pa rin nila ang daan-daang 9th Level Heavenly Supreme Rank, pero hindi pa sila nakakapagpahinga mula sa katatapos lang na kaguluhan. Hindi pa nila nababawi ang enerhiyang nakonsumo nila at ang ilan pa sa kanila ay sugatan.

Kahit pa may tulong ng Four Guardians Killing Formation, Mirror of Power, Numbing Inscription, o Multi-explosive Poisonous Pill, hindi sila tiwala na magagawa nilang mapaslang ang lahat ng kalaban.

Samantala, naramdaman nina Hannibal at Deronia ang malaking pagbabago sa paligid. Orihinal na nawalan na sila ng pag-asa, pero nang bumaling sila sa kinatatayuan ng mga bagong dating at nang makita nila ang dalawang babaeng demonyo kasama ang daan-daang adventurer, agad na nagliwanag ang ekpresyon nila at bigla silang nabuhayan. Bumakas ang umaasang ekspresyon sa kanilang mukha. Para bang nagkaroon sila ng lakas, subalit bago pa man sila makatayo, naramdaman nila na nagbabanta ang tingin sa kanila ng mga soul puppet ni Finn.

“Kasalukuyang may nagaganap na gulo sa lugar na ito. Kung hindi ninyo mamasamain, iminumungkahi ko na lumayo kayo rito para hindi namin isipin na naparito rin kayo para makigulo,” kalmadong sambit ni Finn. Inilahad niya ang kaniyang kamay at matamis siyang ngumiti sa dalawang babaeng diyablo. Bahagya niyang ibinuka ang kaniyang bibig at nagpatuloy sa pagsasalita, “Hindi namin hangad na makagirian ang grupong walang kinalaman sa gulong ito. Hindi ko kayo kilala at walang dahilan para lumapit kayo sa lugar na ito. Abala pa kami sa pag-aasikaso ng katapusan ng labanan kaya kung maaari sana, umalis na kayo rito at magkunwari na lang kayong walang nakitang kahit ano rito.”

Napabaling ang dalawang babaeng demonyo kay Finn. Nanlamig ang kanilang ekspresyon at bumakas ang panghahamak mula sa kanilang mga mata.

“Nakita ka namin noon sa taas ng bangin. Ang mga impormasyon patungkol sa iyo ay kalat na sa mundong ito. Itinuturing kang makasaysayan ng karamihan dahil sa iyong pagtataglay ng mga pambihirang kakayahan, gayunman, wala ka sa posisyon para kami ay utusan, Finn Silva. Wala kang karapatang sabihin sa amin, sa dalawang heneral ng Demonic Ice Empress kung ano ang dapat naming gawin,” malamig na sambit ng isa sa dalawang babaeng demonyo.

Sa mga sinabing ito ng babaeng demonyo, doon nakumpirma ni Finn kung saang hukbo kabilang ang mga adventurer na ito. Malamig siyang ngumiti. Taimtim niyang pinagmasdan ang dalawang babaeng demonyo at kaagad niyang naalala ang mga ikinuwento sa kaniya ni Firuzeh.

‘Kung gano'n, ang dalawang namumuno pala sa hukbong ito ay ang dalawa sa anim na heneral ni Morana, ng Demonic Ice Empress. Mas lalo pang nagiging magulo ang mga pangyayari, at sa tono ng pananalita ng babaeng iyon, halatang hindi nila balak na umalis na lang,’ sa isip ni Finn.

Samantala, dahil sa malamig na pakikitungo ng dalawang babang demonyo kay Finn, biglang nagkaroon ng lakas ng loob si Hannibal na magsalita.

“Fixie, Dezqi, tulungan n'yo ako, pakiusap! Iligtas n'yo ako mula sa kan--”

“Binabalaan kita: sa susunod na magbigkas ka ng kahit anong salita, sisiguraduhin ko na iyon na rin ang huli mong salitang bibigkasin,” putol ni Finn sa sinasabi ni Hannibal. “Gano'n din sa iyo, Deronia. Kayong dalawa ay bihag ng New Order at isang maling kilos n'yo lang, ipapaputol ko sa aking mga soul puppet ang inyong mga ulo.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant