Chapter CI

4.5K 822 43
                                    

Chapter CI: Same Thought

Hindi mawala-wala ang ngiti ni Finn sa habang pinanonood niya ang ginagawang pagbago ni Elvira sa hinaharap ni Meiyin. Labis na pangamba ang naramdaman niya noong malaman niya ang kahihinatnan ng kaniyang estudyante at nakababatang kapatid, pero dahil mayroon pang paraan upang mapiligan na mangyari ang nakita nila sa kanilang hinaharap, napanatag siya't natuwa dahil bukod sa mababago na ang kapalaran ng dalawa, lalaki rin ang potensyal nila bilang mga adventurer.

Alam niya na sina Poll at Meiyin ay hindi ganoon kahuhusay na mandirigma. Mayroon silang talento. Higit sila sa mga pangkaraniwang mandirigma, subalit hindi ganoon kalaki ang lamang nila. May mga pangkaraniwang miyembro pa ng New Order na higit na mas malaki ang potensyal kaysa sa kanilang dalawa, at masuwerte lang sila dahil silang dalawa ay mga espesyal na miyembro. Pero ngayon, mababago na iyon dahil sa kapangyarihan ng divine artifact ni Elvira.

May kakayahan ang Eye of Truth na baguhin ang potensyal ng isang nilalang. Isa itong pambihirang kakayahan at kung si Finn ang tatanungin, ang divine artifact nang ito ang isa sa pinakamakapangyarihang divine artifact na alam niya.

Marami siyang divine artifact, pero iba pa rin ang mga kakayahan ng Eye of Truth ni Elvira. Ganoon man, kung papipiliin siya, ang pipiliin niya pa rin ay ang Myriad World Mirror o Tower of Ascension dahil sa napakaraming pakinabang ng dalawang ito. Napakalaking tulong ng dalawang divine artifact niya para mapalakas ang New Order, at ang mga ito rin ang dahilan kaya sila malaya at ligtas na nakakapagsanay.

Samantala...

Unti-unting humupa ang malakas na aura na bumabalot sa katawan ni Meiyin. Lahat ay bumalik na sa normal, at kahit tapos na ang pagbabago ni Elvira sa hinaharap nito, walang nakikitang nagbago sa kaniyang kabuoan.

Nanatili ganoon ang kalidad aura ni Meyin. Ganoon pa rin ang kaniyang hitsura, ganoon man, malinaw na naging matagumpay si Elvira dahil bahagya itong ngumiti sa kaniya at marahang nagwika.

“Matagumpay ang pagbago sa hinaharap mo. Sigurado ring magmula ngayon ay higit nang mas malaki ang potensyal mo bilang adventurer. Madali mo nang maaabot ang Saint Rank basta magsusumikap ka, at hindi na rin imposible para sa iyo na maabot ang Demigod Rank sa loob lamang ng ilang siglo o kahit dekada. Pero siyempre, nakadepende pa rin ang lahat ng iyon sa iyong pagsusumikap at suwerte,” malumanay na saad ni Elvira. “Kung hindi ka titigil sa pagsasanay at pagpapalakas, maaabot mo ang Demigod Rank sa lalong madaling panahon.”

Agad na bumakas ang labis na kasiyahan sa mukha ni Meiyin. Sobra siyang nananabik dahil bukod sa mababago na ang nakatadhana sa kaniya, lumaki pa ang kaniyang potensiyal. Ito ang kaniyang pinaka kahinaan--ang pagkakaroon ng maliit na potensyal. Malaki ang kaniyang ambisyon, gusto niyang maging heneral ni Finn, pero sa rati niyang potensyal, para bang imposible iyon lalo na't napakaraming miyembro ng New Order na mas talentado o mas malakas kaysa sa kaniya. Ganoon man, ngayon ay mayroon na siyang pag-asa na makipagkompetensiya. Kailangan niya lang magsumikap nang sobra para maabot ang minimithi niyang posisyon sa New Order.

“Subalit, kailangan mong itatak sa iyong isipan na ligtas ka na mula sa kapahamakan, Meiyin Doria. Binago ng Eye of Truth ang iyong magiging kapalaran, pero hindi ibig sabihin noon ay hindi ka na mamamatay sa ibang pagkakataon. Kailangan mo pa ring mag-ingat at maging matalino sa iyong mga hakbang upang hindi malagay sa alanganin ang iyong buhay,” seryosong paalala ni Elvira. “Wala na akong ideya kung ano ang mangyayari sa iyong hinaharap dahil hindi na natin masisilip iyon ngayon. Basta huwag kang magpapakampante dahil lang nabago na ang hinaharap mo at malaki na ang potensyal mo. Marami pa rin ang maaaring mangyari kaya kailangan ay palagi kang handa.”

“Maraming-maraming salamat sa tulong at gabay mo, Lady Elvira! Hinding-hindi ko babalewalain ang mga pangaral mo at ipinapangako kong hindi ko babalewalain ang biyaya mong ito sa akin! Magsasanay ako para maging malakas. Aabutin ko ang Demigod Rank at tutulungan ko si Kuya Finn na maisakatuparan ang nasa propesiya!” masiglang tugon ni Meiyin.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon