Chapter XC

4.9K 845 63
                                    

Chapter XC: An Alliance

“Tungkol sa pagpuksa sa mga diyablo?” ulit ni Finn. Mas lalo siyang naging interesado sa paksa matapos marinig ang sinabi ni Sheen. Pakiramdam niya ay maganda ang kanilang mapag-uusapan kaya kaagad niyang sinundan ang kaniyang tanong ng isa pang tanong. “Ano'ng mensahe sa akin ng Peace Emperor tungkol sa paksang ito? Magagandang bagay ang naririnig ko sa Peacer Emperor kaya sa tingin ko ay napakaganda ng mensahe niya sa akin patungkol sa pagpuksa sa mga diyablo.”

“Gustong makipagtulungan ng aming kamahalan sa iyo patungkol sa pagpuksa sa mga diyablo. Kung hindi mo alam, kami rin ay may hangarin na tuluyang wakasan ang kasamaan ng mga mapangwasak na diyablo. Hindi na gustong maulit ng kamahalan ang nangyari noon kaya hanggang sa kasalukuyan, gumagawa siya ng paraan para hindi na muling magkaroon ng pagkakataon ang mga diyablo na lumitaw at umiral sa ating mundong ginagalawan,” paliwanag ni Sheen. “Ang aming kamahalan ang pinakamatagal na emperador kasama ang Blood Demon Emperor. Naroroon sila noong maganap ang malawakang digmaan sa pagitan ng iba't ibang lahi laban sa mga diyablo... at alam niya ang bangungot na dulot ng digmaang iyon sa sanlibutan kaya nangako siyang hindi niya na hahayaan pang maulit iyon sa kasalukuyan.”

Bahagyang tumango si Finn at makahulugan siyang ngumiti. “Gaya ng inaasahan. Hindi ako nagkamali ng mga nababalitaan tungkol sa kaniya. Talaga ngang napakabuti ng Peace Emperor, at sa tingin ko, siya lang sa lahat ng kasalukuyang emperador at emperatris ang may pakialam sa banta ng mga diyablo. Siya lang ang may malasakit sa sanlibutan habang ang ibang emperador at emperatris ay nakatuon lamang sa pagpapalawak ng kanilang mga nasasakupan at pagpapalakas ng kanilang pinamumunuang puwersa.”

“Masyado silang abala sa pakikidigma sa mga kapwa nila emperador at emperatris gano'ng ang totoong kalaban ay marahil naghihintay lamang ng tamang pagkakataon para sumalakay,” dagdag niya.

Naging seryoso pa lalo ang ekspresyon ni Sheen. Lumalim ang kaniyang mga mata at taimtim siyang nagwika. “Ang tanging gusto lang nila ay kung saan sila lalakas at magbebenepisyo. Hangga't hindi sila naaapektuhan, hindi sila kikilos. Gayon ang mundo, gayon ang utak ng karamihan sa mga adventurer.”

“At kung kailang apektado na sila, doon nila mapapagtanto na huli na ang lahat. Malaki na ang pinsala at hindi na nila iyon kayang solusyunan,” dagdag ni Finn. “Iyon ang nangyari noon, at hindi malabong mangyari ulit iyon ngayon kung walang kikilos para mapag-isa ang mga adventurer na labanan ang mga diyablo.”

“Pero, paano, Finn Silva? Sinubukan na ng kamahalan na gawin iyan. Sinubukan niya nang kumbinsihin ang mga emperador at emperatris na tulungan siya na mahanap ang mga natitirang bakas ng diyablo, subalit lahat sila ay hindi nagbigay ng tugon na may kasiguraduhan. Kailangan mong malaman na ang Peace Emperor na ang pinakamaimpluwensyang emperador sa lahat dahil marami siyang kakampi kaysa kaaway, gayunman, bigo pa rin siyang makahanap ng makakatulong dahil walang pakialam ang iba sa kaniyang mga plano,” paliwanag ni Sheen.

Ngumiti si Finn kay Sheen. Mayroon siyang naiisip na dahilan kung bakit hindi kayang magtagumpay ng Peace Emperor, ganoon man, mas pinili niyang hindi ito sabihin dahil nangangamba siyang baka masamain nito ang kaniyang opinyon. Sa halip, iba na lang ang kaniyang sinabi.

“Marahil mayroong kulang. Gano'n man, ano pa man ang kulang na ito, kailangan iyong mapunan. Hindi natin maaaring sukuan ang sanlibutan dahil kung mananalo ang mga diyablo laban sa atin, mamamatay ang mga nilalang na pinahahalagahan natin. Iyon ang hindi ko gustong mangyari kaya gagawin ko ang lahat para masigurong mapupuksa namin ang mga diyablo. At kung may ibang paraan para iyon ay maisakatuparan, handa akong gawin ang paraan na iyon,” aniya.

Hindi maiwasang mapatitig ni Sheen kay Finn. Pinag-aralan niya ang ekspresyon nito at hindi niya mapigilan na makaramdam ng kakaiba. Naiilang siya. Hindi siya komportable dahil para bang may iba itong pinaplano para maisakatuparan ang kaniyang gusto. Gusto niya sanang usisain ang tungkol dito, subalit hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataon dahil bigla itong nagtanong.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now