Chapter CXVIII

4.8K 836 48
                                    

Chapter CXVIII: Back on Track

“Sigurado ka na ba sa iyong desisyon, Aokin? Oportunidad na ito para sa iyo upang mas maipakita mo kay Auberon na ibang-iba ka na kaysa noon, na malaki na ang iyong ipinagbago at maganda na ang hangarin mo,” seryosong sabi ni Finn habang nakatitig siya sa mga mata ni Aokin. “Kung inaalala mo si Auberon, sigurado naman ako na susuportahan niya ang desisyon ko na iluklok ka bilang isa sa mga kapitan ng Divisions of Imperial Armies.”

Huminga ng malalim si Aokin. Bahagya siyang yumuko kay Finn at magalang na tumugon. “Paumanhin, subalit buo na ang loob ko. Isang malaking oportunidad na mabigyan ng mataas na posisyon sa New Order, pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin napapatawad ang sarili ko sa ginawa kong pagtalikod at pagtatraydor sa Order of the Holy Light. Hindi ako karapat-dapat sa mataas na puwesto, at ayokong maging dahilan pa iyon para mag-iba ang tingin sa iyo ng ibang miyembro. Isa nang malaking pasasalamat na buhay pa ako ngayon at napagbabayaran ko ang mga kasalanan ko kaya malaking kalabisan na kung tatanggapin ko pa ang alok mo, Pinunong Finn.”

Binigyan ni Finn ng seryosong tingin si Aokin. Hindi niya maitatangging dismayado siya sa loob-loob niya dahil tinatanggihan nito ang kaniyang alok. Isa ito sa mga nagpakita ng malaking pag-unlad sa kabuoan ng New Order, at ayon kay Firuzeh, talagang determinado ito sa mga nakalipas na taon kaya nito naabot ang antas at ranggong Abyssal Immortal Rank.

Marahil hindi ito ganoon kataas kumpara sa ibang miyembro ng New Order. Marami nang Saint Rank sa kanilang hanay, subalit dapat malaman na si Aokin noon ay isa lamang Heavenly Supreme Rank na may mahinang pundasyon. Isa lang din itong pangkaraniwang miyembro na hindi gaanong binibigyan ng pribilehiyo dahil sa kagustuhan ni Auberon. Ganoon man, dahil sa pagpupursigi, naabot pa rin nito ang mataas na antas at ranggo sa kabila ng kakulangan sa suporta ng New Order.

Ito ang dahilan kaya gustong gawing kapitan ni Finn si Aokin, subalit determinado ito sa pagtanggi kaya wala siyang magawa kung hindi tanggapin na lang ang desisyon nito.

Matapos ang kanilang pag-uusap, agad na ring nagpaalam si Aokin upang bumalik sa kaniyang mga kasama. At nang makaalis siya, bumuntong-hininga na lang si Finn at marahang napailing.

“Hindi ko lubos-akalain na may mga tatanggi sa inaalok kong mataas na posisyon. Makatwiran naman ang kanilang mga dahilan, at naiintindihan ko kung mas gusto nilang manatili na lang sa kanilang posisyon, ganoon man, mas maganda sana kung tatanggapin nila ang aking inaalok na posisyon...” pabulong na sambit ni Finn. “Mas maipapakita pa sana nila ang kanilang husay kung mabibigyan sila ng mataas na posisyon, pero... wala na akong magagawa. Kailangan kong irespeto ang kanilang desisyon.”

Dismayado siya dahil may ilan sa kaniyang mga inalok ang tumanggi sa kaniyang inaalok na posisyon. Nakausap niya na ng personal ang karamihan sa mga miyembro na nakikitaan niya ng potensyal na maging heneral o kapitan, at may ilan na hindi tinanggap ang kaniyang alok dahil sa iba't ibang dahilan.

Isa na si Aokin sa mga tumanggi sa kaniya, at ang dahilan nito ay dahil iniisip nitong hindi siya karapat-dapat sa mataas na posisyon dahil hindi niya pa rin pinapatawad ang kaniyang sarili sa ginawa niyang pagtalikod at pagtatraydor noon sa Order of the Holy Light.

Wala nang kaso kay Finn ang tungkol sa bagay na ito dahil naniniwala siyang nagbago na si Aokin at tiwala siyang ang katapatan nito ay nasa New Order, pero talagang ayaw pa rin nitong maging isa sa mga kapitan kaya hindi niya na iyon ipinagpilitan.

“Kailangan ko nang magpatuloy. Marahil hindi pa nga talaga ito ang tamang oras para bigyan sila ng mataas na posisyon. Naniniwala naman akong darating ang tamang panahon na maiisipan nilang karapat-dapat silang mapunta sa ganoong posisyon dahil mas kailangan sila roon,” marahang sambit ni Finn. “Sa ngayon, ipagpapatuloy ko na muna ang pagkausap sa mga miyembro ng New Order na nagpamalas ng malaking pag-unlad sa mga nakalipas na taon.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant