Chapter LI

5K 799 52
                                    

Chapter LI: Bitter

Hindi mawala-wala ang simangot ni Muriel sa kaniyang mukha habang nasasaksihan niya ang sagupaan sa pagitan nina Yotaro at Eon. Hindi niya lubos-akalain na hahantong sa ganito katinding laban ang duwelo ng dalawa. Buong akala niya ay madaling maipapanalo ni Yotaro ang tunggalian, subalit nagkamali siya; masyadong mahusay si Eon sa pakikipaglaban at ang determinasyon nitong manalo ay higit sa kagustuhan ni Yotaro.

Nagkamali siya ng kalkulasyon. Masyado siyang nakampante dahil si Yotaro ay isang Chaos Saint Rank habang si Eon ay puwersahan lang na naabot ang Abyssal Immortal Rank. Buong akala niya ay napakalaki ng kalamangan nila sa duwelong ito, ganoon man, malinaw na hindi ito ang kaso. Hindi langit at lupa ang pagitan ng lakas ng dalawa. Dikit lang ang kanilang laban at habang tumatagal, si Eon pa ang nakalalamang.

Dahil sa tagal ng kanilang pagkakakulong sa lugar na ito, at dahil palaging kalahi lang nila ang kanilang nakakalaban, nasanay sila na kung sino ang may mas mataas na antas at ranggo ay siya ang nagwawagi. Iisang istilo lang ang ginagamit nila sa pakikipaglaban dahil iyon lang ang istilo na nagpasa-pasa sa bawat henerasyon ng kanilang tribo. Dahil dito, nagkakatalo na lang talaga sila sa taas ng antas at ranggo.

Pero ngayong may ibang katunggali ang isa sa kanila, doon na nila napagtanto na sa laban, hindi palaging kung sino ang may mataas na antas at ranggo ang mananalo--maaari ring ang mas mayaman sa karanasan o ang mas determinadong manalo ang magwagi sa huli.

At sa kasalukuyan, aktuwal nilang nasasaksihan ang pangyayaring iyon kung saan ang isa sa kalahi nila ay natatalo na ng katunggali nito sa kabila ng kalamangan nito sa antas at ranggo.

--

ROAR!!!

Kasabay ng pag-atungal ni Eon ay ang pagbuga niya ng napakarahas na enerhiya. Pinatama niya ito sa pakpak ni Yotaro at dahil hindi agad ito nakakilos para umiwas o dumepensa, direkta itong tinamaan at tumilapon ang katawan nito sa hindi kalayuan.

Habang tumitilapon si Yotaro, agad pinagaspas ni Eon ang kaniyang mga pakpak para sumunod dito. Hindi pa siya tapos sa kaniyang pag-atake. Napakaganda na nitong oportunidad para wakasan ang laban kaya sa pagkakataong ito, balak niya nang ibigay ang lahat ng kaniyang makakaya para maipanalo ang laban habang nasa anyo siyang dragon.

Sinabayan niya ang tumitilapon na katawan ni Yotaro. Umikot siya sa ere at pagkatapos, buong lakas niyang inihampas dito ang kaniyang malaking buntot.

BANG!!!

CHIRRRP!!!

Bumulusok sa lupa ang katawan ni Yotaro habang ito ay namimilipit sa sakit. Duguan ang katawan nito at mahahalata na ang napakaraming pinsala nito sa katawan. Bukod pa roon, bali-bali na ang mga pakpak nito at dahil sa labis na pinsalang kaniyang tinamo, hindi na makayanan ng kaniyang kakayahan na magpagaling ng sarili na pagalingin ang kaniyang mga pinsala.

Hindi pa sila ganoon katagal na naglalaban, pero dahil sa tindi ng palitan nila ng mga atake ni Eon, nanghihina na siya at malaking bahagi na ng kaniyang enerhiya ang kaniyang nakonsumo. Dahil sa paggamit niya ng kapangyarihan ng espasyo, mas mabilis na nakokonsumo ang kaniyang enerhiya. Subalit, wala siyang pagpipilian dahil ito lang ang paraan para mapuruhan niya nang malubha ang kaniyang kalaban.

Naguguluhan siya sa nangyayayari. Hindi niya lubos na maunawaan kung bakit siya natatalo sa tunggalian ganoong lamang siya sa antas at ranggo. Labis niya ring ipinagtataka ang katibayan ni Eon. Masyado itong matatag at kahit na mas marami siyang atakeng napatama rito, para bang mas maayos pa ang kondisyon nito kaysa sa kaniya.

BANG!!!

Bumangga ang kaniyang katawan sa lupa. Nagkaroon ng mga bitak ang kaniyang pinagbaunan at mas lalo niya pang naramdaman ang pagkakabali-bali ng mga buto niya sa kaniyang katawan. Namilipit siya sa sobrang sakit. Walang tigil siyang umatungal, pero hindi niya pa rin kinaligtaan na bumawi dahil alam niyang kapag nagtagal pa siya sa pagkakahilata sa lupa, siguradong makatatanggap muli siya ng mapaminsalang atake mula kay Eon.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now