Chapter XXIV

5.8K 886 76
                                    

Chapter XXIV: Acknowledged

Ngayong tuluyan nang nagbukas ang pasukan patungo sa libingan ng pinaghihinalaang diyos, ang lahat ay nanabik at karamihan sa kanila ay para bang naubusan na ng pasensya. Tumindi ang tensyon sa paligid at nagsimula nang magpakiramdaman ang bawat isa. Ang kaninang payapang bangin at kalmadong mga adventurer ay nagpapakita na ng karahasan. Para silang mga uhaw na uhaw na lobo na gustong-gusto nang sumugod sa lagusan, at tila ba namumula ang kanilang mga mata habang dahan-dahan silang humahakbang papalapit sa lagusan.

Siyempre, napansin ni Finn ang malaking pagbabago sa paligid. Naging alerto siya at inatasan niya sina Reden na maging handa sa maaaring kaguluhan. Nasa harapan sila ng lagusan at kung talagang babalakin ng iba't ibang pangkat na sumugod para una silang makapasok sa libingan, hindi malabong maipit sila at malagay sa kapahamakan-lalo na siya at si Auberon na kasalukuyang nagtataglay lamang ng mababang antas at ranggo.

At noong mas lalo pang tumitindi ang tensyon, isang galit na galit na atungal ang umalingawngaw sa bangin kasabay ng pagkalat ng kakila-kilabot na aura.

ROAR!!!

Pinuntirya ng kakila-kilabot na aura na ito ang mga indibidwal at pangkat na nagpapakita ng intensyon ng pagsugod, at dahil sa aura, natauhan ang mga ito at bahagyang napaatras.

Ang umatungal ay walang iba kung hindi si Exvious. Mararamdaman sa kaniyang aura ang matinding galit at pagkahayok sa dugo. Tila ba anumang sandali ay handa siyang kumitil at magsimula ng gulo. Nanlilisik din ang kaniyang mga mata habang nakatingin siya sa mga adventurer na nagbabalak pumasok sa lagusan.

"Isang hakbang. Subukan ninyong humakbang kahit isang beses lamang, sisiguraduhin ko na ang bangin na ito ang inyong magiging huling hantungan," malamig na sambit ni Exvious.

Agad na nagtungo sa kaniyang tabi sina Tesora at Ivos habang ang mga miyembro ng Draconian Tribe ay nanlilisik na mga matang nakabantay sa sinumang mangangahas na umabante.

Mas lalong tumindi ang tensyon dahil sa pagsabog ng galit ni Exvious. Wala halos gustong gumalaw dahil alam nilang kapag kumilos sila, malaki ang posibilidad na magsimula ang isang madugong digmaan.

Tungkol sa ibang puwersa na mayroong Demigod Rank, hindi sila kasing-hayok ng iba. Kahit papaano ay napanatili nila ang kanilang pagiging kalmado. Hindi rin sila nangamba sa pagbabanta ni Exvious, ganoon man, mas pinili nilang hindi ito salungatin sa ngayon dahil isang malaking kalokohan kung ngayon pa sila magsisimula ng digmaan.

Hindi sila hangal o ignorante. Mayaman na sila sa karanasan at hindi na bago sa kanila ang mga ganitong pangyayari. Ngayong napawalang-bisa na nila ang Abyssal Gate Formation, ibig sabihin ay malapit na nilang matuklasan kung ano ang nasa libingan. Kung makikipagbakbakan sila, siguradong may mga pupuslit at mauuna sa kanila. Gagamitin ng iba ang kaguluhan bilang oportunidad na mauna sa libingan, at ito ang hindi nais na mangyari ng iba't ibang makapangyarihang puwersa.

"Exvious, Exvious, Exvious," sambit ni Lime, isang Demigod Rank na mula sa lahi ng mga citrusian. "Hmph! Haharangan n'yo ba ang lagusan? Binabalak n'yo bang pasukin ang libingan nang kayo lamang?" Tanong niya.

"Baka nakakalimutan mong ngayong ang Abyssal Gate Formation ay naipawalang-bisa na, at ang pasukan patungo sa libingan ay bukas na, ang kasunduan ay rito na nagwawakas. Wala na ang pansamantalang alyansa at ngayon, lahat tayong naririto ay magkakompetensiya na. At kung pinaplano mong sarilihin ang libingan, haharapin ninyo ang napakaraming pangkat kasama na kaming mga citrusian," dagdag niya pa.

"Hindi ako hangal para sarilihin ang libingan. Hmph! Sa rami ng naririto, imposible namin iyong magawa kahit pa kami ang pinakamalakas na puwersang naririto," pasinghal na tugon ni Exvious. "Pero, binabalak ninyong mauna kaysa sa amin? Hindi namin iyong mapapayagan. Walang sinoman sa inyo ang maaaring pumasok hangga't hindi nakakapasok ang aking tribo, ang Draconian Tribe. Kami ang may pinakamalaking kontribusyon sa pansamantalang alyansa at hindi ko hahayaan na may mas mauna pang makinabang kaysa sa amin," aniya pa.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now