Chapter CV

4.6K 828 31
                                    

Chapter CV: The Difference

Nahawi ang makapal na usok at alikabok, at isang malaking hukay ang lumantad sa paningin ng mga naroroon. Kaagad na lumapit ang mga water celestial upang tingnan ang pinsalang nagawa ng Heavenly Celestial Spear ni Finn, at nang mahagip ng kanilang paningin ang nasa pinakagitna ng hukay, napahinga na lang sila ng malalim dahil kitang-kita nila ang kalunos-lunos na sinapit ni Kaimbe.

Duguan ang buong katawan nito at halos hindi na ito makilala dahil animo'y burado na ang mukha nito. Kaliwa't kanan din ang mga butas sa iba't ibang bahagi ng katawan nito. Bali-bali ang mga braso't binti nito, at habang pinagmamasdan nila ito, naramdaman nilang hindi na ito humihinga.

Patay na si Kaimbe. Hindi lang ito basta nagtamo ng malubhang pinsala, bagkus, namatay ito matapos direktang saluhin ang atake ni Finn.

Sa kabila nito, hindi makikitaan ng pangamba o pag-aalala si Eaton o ang ibang water celestial sa nangyari kay Kaimbe. Hindi malaking bagay sa kanila na mamatay ito dahil alam nilang maya-maya lang ay babangon itong muli mula sa sandaling kamatayan.

Nasaksihan na nila ang kamangha-manghang kakayahan ng tore na kanilang pinagsasanayan. Saksi sila kung paano muling nabuhay ang isang namatay sa loob ng tore kaya balewala lang sa kanila ang nangyaring ito kay Kaimbe.

Sa ngayon, ang mas inaalala nila ay ang atakeng pinakawalan ni Finn. Bakas ang pananabik sa bawat isa sa kanila. Nasaksihan nila kung gaano katindi ang lakas ng sibat, at ramdam na ramdam nila na hindi iyon basta-bastang atake lang dahil nag-uumapaw iyon sa celestial power kaya isa sa katangian noon ay ang pagtagos sa kaloob-loob ng katawan ng biktima. Bukod pa roon, para bang walang takas sa sibat na iyon dahil mayroon din iyong katangian na animo'y nanghihigop. Sa paglapit ng sibat ay nalimitahan ang pagkilos ni Kaimbe kaya kahit na gustuhin pa nitong umiwas sa huling sandali, hindi niya na magagawa dahil huli na ang lahat.

Dahil sa mga natuklasan nilang ito kaya mas lalo silang nanabik na matutunan ang water celestial skill ng kanilang Water Celestial King.

Ilang sandali pa, bumaba si Finn mula sa itaas at dumeretso siya sa kinaroroonan ni Kaimbe. Lumapag siya sa tabi ng bangkay nito at tahimik siyang naghintay hanggang sa muli itong magkaroon ng buhay.

Mabilis na naghihilom ang mga pinsala ni Kaimbe. Nawala agad ang mga bali at butas sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan. Maliban sa kaniyang suot, muli siyang bumalik sa ayos. Nagkaroon na rin siya ng pulso at mararamdaman na muli ang paghinga sa kaniya.

Matapos ang ilang sandali, napahinga siya ng malalim na animo'y nauubusan siya ng hininga. Nanlaki rin ang kaniyang mga mata at napabalikwas na lamang siya. Agad siyang lumingon-lingon sa kaniyang paligid. Nahagip ng kaniyang mga mata ang pares ng mga binti kaya napatingala siya para tingnan kung sino ang nagmamay-ari sa mga ito.

Nang makita niya si Finn, bumakas ang takot sa kaniyang ekspresyon. Kitang-kita ang pangamba sa kaniyang mga mata dahil naaalala niya ang nangyari bago siya malagutan ng hininga. Ganoon man, sandali lang ito dahil kaagad niya ring pinakalma ang kaniyang sarili. Pinigilan niya ang takot na nararamdaman niya dahil ayaw niyang makita siya ng iba sa kaawa-awang sitwasyon.

“Kumusta ang karanasan mo? Naramdaman mo ba ang kapangyarihan ng Heavenly Celestial Spear?” mahinahong tanong ni Finn kay Kaimbe.

Napatulala sa kawalan si Kaimbe at muli niyang inalala ang mga pangyayari bago siya bawian ng buhay. Inalala niya ang pakiramdam, at bigla na lamang siyang pinanlamigan dahil sariwang-sariwa pa sa isip niya ang sandaling paghihirap na dinanas niya dahil sa Heavenly Celestial Spear ni Finn.

Sinuportahan niya ang kaniyang sarili para tumayo. Naramdaman niya rin ang pagdating ng iba niya pang mga kasama kaya nilingon niya ang mga ito at sandaling sinulyapan. Pagkatapos, muli niyang hinarap si Finn at seryoso siyang nagwika, “Isa iyong makapangyarihang skill, Panginoong Finn. Akala ko ay magagawa kong mabuhay pagkatapos kong saluhin ang atake mo, subalit nagkamali ako dahil mas mapaminsala pa pala iyon kaysa sa inaasahan ko.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon