Chapter CXXXV

4.6K 860 58
                                    

Chapter CXXXV: Too Strong!

[Seven Heavy Sword Art, Fifth Skill: Ultimate Heavy Strikes!]

Iwinasiwas ni Finn ng tatlong beses ang kaniyang espada, at kumawala mula rito ang matatalim na enerhiya. Direktang tumama ang kaniyang mga atake sa mukha ng Evil Jinn, subalit hindi man lang ito natinag. Hindi nagdulot ng kahit anong pinsala ang kaniyang pinakawalang atake. Ni hindi siya pinansin nito dahil sa kasalukuyan, abala ito sa paghuli sa mga Demigod Rank na direktang umaatake sa kaniya.

Sa kabila ng hindi pagtalab ng kaniyang mga atake at hindi pagpansin sa kaniya ng Evil Jinn, hindi siya pinanghinaan ng loob. Nanatili siyang nananabik at hindi pa rin nawawala sa kaniya ang matinding determinasyon na mapagtagumpayan ang huling hamon.

Hinawakan ni Finn ng mahigpit ang kaniyang espada. Unti-unting nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang anyo, at sa isang iglap, agad na naging aktibo ang ikalawang antas ng kaniyang pinag-isang kapangyarihan. Kailangan niya pa ng karagdagang lakas dahil wala talagang nagiging epekto sa Evil Jinn ang kaniyang mga atake. Hindi rin siya pinapansin nito, at hindi siya nasisiyahan sa ganito dahil para bang minamaliit siya ng kalaban.

Hindi niya pa natutuklasan kung ano ang kahinaan ng Evil Jinn, ganoon man, hindi niya na muna pinasakit ang ulo niya tungkol dito. Nakisabay na lang siya sa iba dahil umaasa siya na hindi kalaunan ay malalaman din niya kung ano ang paraan para matalo ito nang tuluyan.

Basta masiguro niyang hindi siya mapapagod at mauubusan ng enerhiya, ang sitwasyon ay mananatiling kontrolado niya pa.

Naghanda na siya para sumugod. Napagtanto niyang mas mainam kung malapitan niyang aatakihin ang Evil Jinn dahil kung magpapatuloy siya sa malayuang pag-atake, mabilis na makokonsumo ang kaniyang enerhiya. Kung makakalapit siya rito, maaari siyang magpakawala ng mga pangkaraniwang atake lamang kagaya ng simpleng pagwasiwas. Mas mapanganib ang binabalak niyang ito dahil malaki ang posibilidad na makuha niya ang atensyon ng Evil Jinn. Hindi rin malabo na mataaman siya ng mga atakeng pinakakawalan nito kaya kailangan niyang mag-ingat dahil malaking problema kapag malubha siyang napuruhan.

Kahit na suportado siya ng kapangyarihan nina Auberon at Kamila, napakalayo niya pa rin sa aktuwal na lakas ng isang Demigod Rank. Matibay lang ang kaniyang katawan, pero ang lakas ng kaniyang kapangyarihan ay kulang na kulang pa.

Mayroong paraan para mapunan ang kakulangan niya sa lakas, pero balak niya iyong itabi muna. Kapag wala na talaga siyang pagpipilian o kapag desperado na siyang manalo, doon niya ilalabas ang lahat ng mayroon siya para magawa niyang matapatan ang lakas ng isang Demigod Rank.

Sa ngayon, itinuon niya muna ang kaniyang atensyon sa paglipad sa palibot ng Evil Jinn. Nagtungo siya sa likuran nito. Ibinaling niya ang kaniyang paningin sa leeg nito, at kaagad siyang bumulusok para puntiryahin ito.

CLANG!!!

Direktang tumama ang talim ng espada ni Finn sa leeg ng Evil Jinn. Nanginig ang kaniyang kabuoan dahil para bang ang hinampas niya ay isang napakatigas na bagay. Para bang siya pa ang naapektuhan ng kaniyang ginawa. Hindi man lamang nagdulot ng maliit na galos ang kaniyang atake, pero hindi siya tumigil at itinuloy niya lang ang kaniyang paghampas.

Palakas nang palakas ang kaniyang mga paghampas. Pinanggigilan niya ang leeg ng Evil Jinn, subalit kahit na gaano pa katindi at karami ang kaniyang mga pinakakawalang atake, wala pa rin itong nagagawang pinsala. Tinuloy-tuloy niya lang ang kaniyang ginagawa hanggang sa mayroong biglang tumubong braso at kamay sa bahagi ng leeg na kaniyang inaatake. Pinigilan ng kamay ang talim ng kaniyang espada. Sinubukan niyang itulak ito, pero kahit na anong pilit niya, hindi niya maitulak ang espada niya dahil masyadong malakas ang braso at kamay.

Mayroon ding kamay at braso na pumulupot sa kaniyang mga paa. Nagpumiglas siya, subalit hindi siya makaalis. Nakaramdam na rin siya ng sobrang hapdi dahil pilit na dinudurog ng mga kamay ang kaniyang binti. Ganoon man, kaagad siyang nakaisip ng paraan upang makawala siya mula sa mga tumubong kamay at braso sa leeg ng Evil Jinn.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now