Chapter CXVI

4.3K 817 50
                                    

Chapter CXVI: The Confrontation; Creating his Own World

Taimtim na nagninilay-nilay si Kailani sa isang pribadong silid. Sinusubukan niyang pakiramdaman ang kaniyang celestial power, pero hanggang ngayon ay hindi niya pa rin ito ito maramdaman na para bang tuluyan na nitong nilisan ang kaniyang katawan. Hindi niya alam kung tuluyan na siyang naging pangkaraniwang adventurer dahil kahit katiting na celestial power ay hindi siya makaramdam sa kaniyang katawan. Ang mga bituin sa kaniyang soulforce coil ay nawalan na rin ng kinang, at kahit na napakatagal niya nang sinusubukan na bumuo ng koneksyon sa mga ito, hanggang ngayon ay wala pa ring nagiging tugon sa kaniya ang mga ito.

Matagal niya nang sinusubukan na gamitin ang kaniyang celestial power. Magmula noong isuko niya ang pagiging Water Celestial Queen niya para tuluyan nang maging Water Celestial King si Finn, ginawa niya ang iba't ibang paraan para palabasin ang kaniyang celestial power, pero ang lahat ng pagsusumikap niya ay napunta lang sa wala.

Hindi niya iyon matanggap. Ang pinakamalakas niyang kapangyarihan ay nawala sa kaniya at dahil dito, sumagi sa isip niya na sa lahat ng kasalukuyang emperador at imperatris, marahil siya na ang pinakamahina. Wala na siyang espesyal na kapangyarihan at ang maipagmamalaki niya na lang ay ang kaniyang kahusayan sa paggamit ng kapangyarihan ng tubig.

Makaraan ang ilang sandali, nawala siya sa konsentrasyon at agad na nanlamig ang kaniyang ekspresyon matapos siyang makaramdam ng pamilyar na presensya. Mayroong nanghimasok sa kaniyang teritoryo, at kilalang-kilala niya ito kaya agad siyang kumilos upang harapin ito.

Naglaho ang kaniyang pigura sa pribadong silid at mabilis siyang lumitaw sa labas ng kaniyang kastilyo. Naglalabas ng kakila-kilabot na aura ang kaniyang katawan at tumalim ang kaniyang tingin matapos niyang makaharap ang isa sa kaniyang mga karibal.

“Ang lakas din naman ng loob mo na manghimasok sa aking teritoryo. Hindi ka ba natatakot na baka ito na ang iyong maging huling hantungan, Dayang?” malamig na tanong ni Kailani.

Agad na lumitaw ang apat na heneral ni Kailani ganoon din ang makakapangyarihan niyang tauhan. Pumalibot ang mga ito sa kanilang dalawa ni Dayang, at kahit na napapalibutan na siya, hindi mababakasan ng pangamba ang Enchanted Empress.

Sa halip na matakot, ngumiti pa si Dayang kay Kailani at kahit na hindi bumubuka ang kaniyang bibig, isang nakabibighaning tinig ang narinig ng mga naroroon.

“Hindi ako naparito para makipag-away sa iyo, Kailani. Katatapos ko lang sa aking pagninilay-nilay, at naisipan ko lang na bisitahin ka dahil nararamdaman kong malapit nang maganap ang inaasahan kong pangyayari,” tugon ni Dayang. “Hindi pa rin pinapayagan ang karahasan dahil kasalukuyan pa ring nagaganap ang pakikipagsapalaran ng iba't ibang adventurer sa Land of Origins kaya kung ako sa iyo, pipigilan ko ang sarili ko upang pareho tayong hindi mapahamak.”

“Alam mo naman siguro ang nangyari sa pagitan ng Demonic Sword Emperor at War Emperor, hindi ba? Hindi nila sinunod ang sinabi ng tinig kaya nalagasan sila ng malalakas na tauhan,” dagdag niya pa.

Mas lalong nanlamig ang ekspresyon ni Kailani. Hindi siya kaagad na tumugon, ganoon man, makaraan ang ilang sandali ay sinenyasan niya na rin ang kaniyang mga heneral at tauhan na umalis sa lugar na kanilang kinaroroonan. Inutusan niya ang mga ito na huwag nang makialam sa kanilang pag-uusapan.

“Sabihin mo na ang sadya mo dahil wala akong panahon na gustong sayangin sa iyo. Kung hindi lang ipinagbabawal ang karahasan, hinamon na sana kita sa isang laban dahil sa iyong kapangahasan. Nanghimasok ka sa aking teritoryo, at malaking kabastusan iyon sa akin,” mariing sambit ni Kailani.

Ngumiti muli si Dayang. Binalutan niya ng Sound Concealing Skill ang kanilang kinaroroonan at pagkatapos, muli siyang nagsalita.

“Alam ko ang sikreto mo, Kailani. Hindi na ikaw ang Water Celestial Queen sa kasalukuyan.” 

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang