Chapter LIII

4.5K 902 82
                                    

Chapter LIII: How..?

Siyempre, naguluhan si Finn kung bakit kilala siya ng mga axvian. Ipinagtataka niya kung bakit mismong ang mga ito pa ang naghahanap sa kanilang dalawa ni Kiden. Pero, habang nag-iisip ng mabuti, napagtanto niyang marahil may alam na ang mga ito tungkol kay Kiden. Ganoon man, hindi pa rin malinaw sa kaniya ang nangyayari at hindi niya maisip kung paano nakarating sa mga axvian ang tungkol sa bagay na iyon. Maingat sila sa kanilang bawat kilos at mga sinasabi. Sa mga minokawa niya lang din sinabi ang tungkol sa kakayahan ni Kiden.

Pero hindi kalaunan, natigilan si Finn matapos may sumagi sa kaniyang isipan.

‘Maaari kayang ang mga warwolf ang nakapagsabi sa kanila..? Posible kayang nakadaupang-palad sila nina Keanu, at nasabi ng mga warwolf ang tungkol sa kakayahan ni Kapitan Kiden? Posible... pero, posible ring iba ang nakapagsabi sa mga axvian dahil kumalat na rin sa iba ang tungkol sa ginawang mahimalang bagay ni Kapitan Kiden sa paligsahan sa angkan ng mga warwolf,’ sa isip ni Finn habang naguguluhan pa rin ang kaniyang ekspresyon.

Hindi niya alam ang eksaktong nangyayari, ganoon man, alam niyang kapag kinompronta niya ang dalawang axvian, siguradong maliliwanagan din siya kung aalamin niya ang totoong sadya ng mga ito sa kanila. Hindi pa siya sigurado kung maganda ang hangarin ng mga ito. Wala siyang ideya kung ano si Kiden sa mga ito kaya kailangan niya pa ring mag-ingat at siguruhin na hindi sila mapapahamak.

Matapos makabawi, huminga siya ng malalim at seryosong nagwika, “Ako si Finn Doria, pero ang aking totoong ngalan ay Finn Silva.”

Huminto siya sa pagsasalita. Pinakiramdaman niya munang mabuti ang intensyon ng mga ito, at nang maramdaman niyang hindi masama ang kanilang hangarin, nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Tamang-tama lang ang pagdating ninyo dahil sa totoo lang, patungo na sana kami nina Kapitan Kiden sa inyong teritoryo kasama sina Elder Horus, Elder Vireo, at Elder Nesta. Gano'n man, maaari ko bang malaman kung ano ang sadya ninyo sa amin?”

Umabante ang babaeng axvian. Nilapitan niya si Finn at kapansin-pansin ang kaniyang matalim na tingin. “Sabihin mo sa amin kung nasaan si Kiden Sylveria. Siya ang aming totoong kailangan at hinahanap ka lang namin dahil mayroong nakapagsabi na kasama mo siya,” aniya.

Nakaramdam ng tensyon si Finn dahil sa babaeng axvian. Bigla ring bumigat ang paligid dahil naging matalim na rin ang tingin ng kasama nitong lalaki sa kaniya at bukod pa roon, kasalukuyan siyang pinagtutulungan ng aura ng dalawang Demigod Rank.

Tama, ang babae at lalaking axvian ay parehong nasa Demigod Rank. At dahil dalawa na ang nagbibigay ng mabigat na tensyon sa kaniya, nahihirapan na siyang tumayo ng tuwid at pinagpapawisan na siya.

“Huwag ninyong apihin ang aming kaibigan sa aking teritoryo!” Galit na sigaw ni Muriel at inilabas niya rin ang kaniyang mabigat na aura para labanan ang aura ng dalawang axvian. “Ang una ay ang inyong panghihimasok habang kami ay nagsasagawa ng mahalagang pagpupulong tapos ngayon ay ang inyong paghahari-harian habang nasa harapan ninyo ako?! Ano'ng ibig sabihin nito?!” tanong niya pa habang nanlilisik ang kaniyang mga mata at nagliliyab ang kaniyang buhok.

Doon na natauhan ang dalawang axvian. Lumayo ang babae kay Finn at magkasabay nilang binawi ang kanilang aura. Naalerto sila dahil sa galit ni Muriel, pero mas nangibabaw ang pagtataka sa kanilang ekspresyon.

“Kaibigan?” hindi makapaniwalang ng lalaki. “Hindi kailanman kumilala ng kaibigan ang inyong tribo. Kahit kami ay inyong tinatanggihan kaya paanong tatanggapin ninyo bilang kaibigan ang isang ito?”

“Hmph! Iyon ay pribadong bagay sa aming tribo. Hindi ko kailangang sagutin ang tanong mo, Ikiryu,” nakasimangot na tugon ni Muriel. “Ngayon, kung nais ninyong maisakatuparan ang hangarin ninyo sa inyong pagparito, ayusin ninyo ang asta ninyo dahil nakatapak pa rin kayo sa aming teritoryo. Ang kausap ninyo ay ang aming kaibigan kaya huwag ninyo siyang apihin sa harapan ko dahil kung iisiping mabuti, kahiya-hiya rin kung pagtutulungan ng dalawang Demigod Rank ang isang 9th Level Heavenly Supreme Rank,” wala siyang pasintabi kung magsalita.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon