Chapter CXIII

5.4K 801 45
                                    

Chapter CXIII: The Last Struggle

Nang mapagtanto ni Faino na walang balak si Finn na gumawa ng unang hakbang, napagdesisyunan niya nang magkusa. Inihinto niya ang paglalabas ng mabigat na aura. Pinakalma niya ang kaniyang sarili at seryoso niyang tiningnan ang kaniyang katunggali. Pagkatapos, marahan siyang humakbang patungo sa direksyon kung saan ito nakatayo habang kinakaladkad niya ang kaniyang espada.

Paisa-isa lang ang kaniyang hakbang. Hindi siya nagmamadali dahil sa kasalukuyan, pinag-aaralan at pinakikiramdaman niya si Finn. Sinusuri niya kung mayroon itong pinaplano, pinakikiramdaman niya rin kung mayroong pagbabago sa daloy ng enerhiya nito upang hindi siya malagay sa dehadong sitwasyon kapag sinugod niya na ito.

Ganoon man, kahit anong pakikiramdam niya ay wala siyang napapansing kakaiba rito. Kalmado lang si Finn ganoon din ang enerhiya nito. Dahil dito, nasiguro niya na wala itong pinaplanong surpresang atake laban sa kaniya. Subalit, hindi pa rin siya nagpakampante. Natuto na siya ng leksyon at malinaw na malinaw na sa kaniya na hindi niya dapat maliitin ang kakayahan nito dahil kahit sa mga huling sandali ay nakagagawa pa rin ito ng kamangha-manghang bagay.

Lumakad lang siya nang lumakad hanggang sa limang metro na lang ang layo niya kay Finn. Inayos niya ang kaniyang porma, at sinigurado niyang handa siya sa anomang atake na ibabato nito sa kaniya.

Napakalapit na nila sa isa't isa kaya kung magpapabaya ang sinoman sa kanila, siguradong hindi magiging maganda ang kalalabasan at maaari pang maging ugat iyon ng pagkatalo nang sinoman sa kanilang dalawa.

Samantala, wala pa ring kibo si Finn habang pinakikiramdaman niya si Faino. Nakalapit na ito sa kaniya. Pagkakataon niya na para atakihin ito, subalit nag-aalinlangan siya dahil wala siyang ideya kung mayroon ba itong binabalak laban sa kaniya.

Hindi niya itinatangging sa buong buhay niya, isa na ito sa pinakamahirap na kalabang kinaharap niya. Nag-aalinlangan siyang sumugod at masyado siyang nag-iisip, pero hindi siya masisisi dahil ang kalaban niya ay isang guardian spirit, hindi isang adventurer.

Dahil sa pagiging guardian spirit nito, at dahil sa pagtataglay nito ng iba't ibang kapangyarihan, nahihirapan siyang basahin kung ano ang magiging susunod nitong hakbang.

Pero, wala siyang mapapala kung paiiralin niya ang kaniyang pangamba. Kailangan niyang sumugal dahil pagkakataon niya na ngayong umatake habang napakalapit pa nito sa kaniya.

Ibinuka niya ang kaniyang bibig at sinimulan niya na ang paggamit sa unique skill ng Art of Lightning God.

[Art of Lightning God's Unique Skill: Lightning Domain!]

Sa pagbuka pa lang ng bibig ni Finn, agad nang naalerto si Faino. Pumadyak siya sa lupa at sumugod siya patungo rito upang pigilan ang binabalak nito, ganoon man, masyado itong naging mabilis at naramdaman niya na lang na may napakalakas na kidlat ang bumagsak sa kaniyang katawan.

BANG!!!

Nangisay siya at namuti ang kaniyang mga mata dahil sa tindi ng pangunguryente ng kidlat. Nuot sa buto ang pinsala nito at tila ba namanhid ang katawan niya dahil sa atakeng ito ni Finn. Subalit hindi iyon nagtagal at nakagawa agad siya ng paraan para dumepensa.

Binalutan niya ang kaniyang sarili ng hindi nakikitang barrier, at noong bumagsak ang ikalawang kidlat, tila ba hindi nito napuruhan ang harang na pumoprotekta sa kaniya.

Umayos siya ng tayo at kaagad siyang umatras para dumistansya. Pinahid niya ang dugong tumutulo sa gilid ng kaniyang mga labi, at binigyan niya ng nagmamalaking tingin si Finn.

Sa kabilang banda, binagsakan pa ni Finn ng isa pang kidlat si Faino dahil kasalukuyan pa rin itong nasa loob ng kaniyang Lightning Domain. Nakita niyang wala man lang itong epekto at para bang inaabsorb lang ng harang ang kaniyang ibinabagsak na kidlat. Dahil dito, itinigil niya na ang pagbabagsak ng kidlat at ang ginawa niya ay agad siyang nagpalit ng kapangyarihan dahil mayroon siyang napagtanto.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now