Chapter LXXIX

4.7K 853 64
                                    

Chapter LXXIX: Overwhelmed (Part 3)

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang ekspresyon ni Eaton at ng mga kasama niyang water celestial habang inililibot nila ang kanilang paningin sa isang madilim, subalit napakalawak na lugar. Pinakiramdaman nila ang paligid at manghang-mangha sila sa taas ng kalidad ng natural na enerhiya roon. Higit na mas mataas ang kalidad ng natural na enerhiya rito kaysa sa Land of Origins, at doon napagtanto niyang talaga ngang nasa loob sila ng isang divine artifact na may anyong mundo.

Nagsimula na rin silang maglakad-lakad upang hindi nila maharangan ang mga lumalabas sa lagusan, at habang naglilibot sila, naging alerto sila nang makaramdam sila ng malakas na aura. Agad na humanda si Eaton at mabilis niyang hinanap kung saan nagmumula ang aura. Natagpuan niya agad ito sa pamamagitan ng pagbakas sa presensya nito, at nang makita niya kung nasaan ito, taimtim siyang nagwika.

“Isang Demigod Rank. Kung gayon, hindi lang pala ako at si Orwell ang kauna-unahang Demigod Rank sa panig ni Panginoong Finn,” ani Eaton. “Magpakilala ka,” lahad niya.

Lumapit si Firuzeh kay Eaton at sa mga water celestial. Mababakas ang makahulugang ngiti sa kaniyang mukha habang siya ay naglalakad at para bang hindi siya gaanong nangangamba kahit na dalawang Demigod Rank at sandamakmak na Saint Rank at Immortal Rank ang kahaharapin niya.

“Kabastusan iyan,” kalmadong sabi ni Firuzeh. “Kayo ay bagong pasok pa lamang, subalit ako ang kailangang magpakilala sa inyo? Naipaalam na ni Finn sa akin ang tungkol sa inyo, at kitang-kita ko naman na kayo ay malakas--marahil mas malakas pa kaysa sa akin kung pagiging mandirigma ang pag-uusapan. Gayunman, dapat pa rin ninyong ingatan ang pag-uugali ninyo rito. Iwasan ninyong maging bastos upang hindi tayo magkaroon ng problema sa pagsasama natin dito.”

Nakaramdam ng matinding inis ang mga water celestial. Hindi natakot ang mga ito na bigyan ng nakamamatay na tingin si Firuzeh, at nagawa pa ni Kaimbe na umabante para sana tumugon, subalit hinarangan siya ng kamay ni Eaton.

“Ayokong magalit sa atin ang ating panginoon. Base sa kaniyang paraan ng pagtawag kay Panginoong Finn, siguradong ang taong ito ay malapit sa kaniya,” taimtim na sambit ni Eaton. “Ako si Eaton, at sila ang aking mga kasama sa Water Celestial Tribe bago kami manumpa ng katapatan kay Panginoong Finn. Kontento ka na ba roon?” sarkastikong tanong niya kay Firuzeh.

“Makabuluhan akong nilalang kaya hindi ko na palalakihin pa ang tensyon. Kagaya ninyo, ayoko ring mamroblema pa si Finn dahil ang hangad ko lamang ay matulungan siya sa kaniyang mga hangarin. Paraan ko lang ito para maging maayos ang lahat kaya huwag ninyo sanang masamain kung ganito ang aking pagsalubong sa inyo,” sambit ni Firuzeh. “Ako si Firuzeh, at ako, katulong ang aking kaibigang guardian spirit ang mangangasiwa sa inyo habang kayo ay naririto. Ako ang pinakiusapan ni Finn na bantayan kayong lahat kaya ako ang magpapaliwanag sa inyo ng lahat ng mga puwede at hindi puwede rito,” dagdag niya.

Bahagyang tumango si Eaton. Muli niyang inilibot ang kaniyang paningin at kalmado siyang nagtanong, “Nasaan tayo ngayon? Ito na ba ang mundo ni Panginoong Finn?”

Mas lalong lumapad ang ngiti ni Firuzeh. Tumawa pa siya at sinabing, “Nasa mundo nga kayo ni Finn, ng Myriad World Mirror. Pero sa kasalukuyan, nasa unang palapag kayo ng isa pa niyang divine artifact--ang Tower of Ascension. Sa toreng ito, mabagal ang takbo ng oras kaya rito ninyo isasagawa ang inyong mga pagsasanay.”

Nabigla si Eaton at ang mga water celestial. Buong akala nila ay isa lamang ang divine artifact ng kanilang panginoon, pero matapos ibunyag sa kanila ni Firuzeh ang katotohanan, napagtanto nila na ang toreng tinutukoy ni Finn na kanilang lugar na pagsasanayan ay isa ring divine artifact.

Ibig sabihin, dalawa ang pag-aaring divine artifact ng kanilang panginoon, at pareho itong kapaki-pakinabang kung pagbuo ng puwersa ang pag-uusapan.

Ang isa ay mundong nagtataglay ng napakalawak na espasyo at mataas na kalidad ng natural na enerhiya habang ang isa ay mahiwagang tore na may kakayahang pabagalin ang oras.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon