Chapter CXII

5K 773 18
                                    

Chapter CXII: Taking Advantage of Each Other

Humiwalay sina Finn at Faino sa isa't isa matapos ang walang hinto nilang paghahampasan ng kani-kanilang sandata. Pareho na silang nakararamdam ng bahagyang pagod. Namamanhid na rin ang kanilang mga braso dahil bibihira silang magpahinga sa pakikipagpalitan ng mga atake. Nagtamo sila ng mga pinsala sa iba't ibang bahagi ng kanilang katawan, pero hindi ito gaanong malala at mabilis itong naghihilom dahil sa kakayahan ng kanilang katawan na pagalingin agad ang mga sugat at galos na tinamo nila mula sa kanilang pakikipagtunggalian.

Huminga ng malalim si Finn at sinubukan niyang magpahinga habang mayroong distansya sa pagitan nilang dalawa ni Faino. Sinimulan niya ring pagsama-samahin ang kaniyang mga napansin sa kanilang isinagawang tunggalian, at bukod sa kakayahan nito sa pakikipaglaban, isa niya pang napansin ay ang kaibahan ng sandatang ginagamit nito.

‘Siguradong ang kalawanging espada niya ay hindi pangkaraniwan. Wala iyong pinagkaiba sa isang unique armament, at para bang walang hangganan ang puwersa na kaya noong pakawalan,’ sa isip ni Finn habang tinititigan niya ang malapad na espada ni Faino. Bahagyang umarko ang kaniyang mga labi at pumorma ito sa isang makahulugang ngiti. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at marahan siyang nagwika. “Mukhang magandang klase ng sandata iyan? Sabihin mo, isa ba iyang pambihirang kayamanan sa inyong mundo?” tanong niya.

Umismid si Faino at muling bumakas ang pagmamalaki sa kaniyang ekspresyon. Ipinatong niya sa kaniyang balikat ang kaniyang espada at nanghahamak na sinabing, “Tama ka. Ang sandatang ito ay isang pambihirang kayamanan sa mundo naming mga guardian spirit. Gayunman, hindi ko sasabihin sa iyo kung ano talaga ito maliban na lang kung matatalo mo ako. Kaya kung gusto mong malaman kung ano ang sandatang ito, talunin mo muna ako.”

Humalakhak si Finn at pinaglaho niya sa kaniyang mga kamay ang dalawang niyang espada. Inilabas niya ang unique armament niyang malapad na espada at pagkatapos, umayos siya ng porma. Binigyan niya ng makahulugang ngiti si Faino at malumanay na sinabing, “Mas lalo mo lang akong binigyan ng dahilan para talunin ka. Mas lalo akong ginaganahan na ilampaso ka kaya humanda ka.”

Pagkatapos niyang sambitin ang mga katagang ito, hindi niya na hinintay pa ang tugon ni Faino. Hinigpitan niya ang pagkakahawak niya sa kaniyang espada at sumugod na kaagad siya. Wala siyang mapapala sa pakikipagtalo rito kaya gagamitin niya na lang ang kaniyang lakas para kalabanin ito.

Suminghal si Faino at sinabing, “Hmph! Isa kang tunay na hangal.”

Muli siyang umayos ng porma. Hindi niya sinabayan ang pagsugod ni Finn, bagkus, hinintay niya itong makalapit sa kaniya at sa pagkakataong ito, mas seseryosohin niya na ang laban nilang dalawa dahil mayroon siyang napagtanto.

May ideya na siya kung ano ang binabalak ni Finn. Napansin niyang hanggang ngayon ay hindi pa rin ito gumagamit ng kapangyarihan o skill sa pag-atake. Noong una, akala niya ay karaniwan lang ito dahil sinusukat pa rin nito ang kaniyang kakayahan, pero habang tumatagal ang kanilang paglalaban, napagtanto niyang gusto lang siya nitong utakan.

Sa hula niya, hindi ito gumagamit ng kapangyarihan para hindi rin siya gumamit ng kaniyang kapangyarihan. Nagkaroon siya ng ideya na nangangamba ito sa kaniyang mga taglay na kapangyarihan, at dahil dito, mas lalo pang tumaas ang kaniyang kumpyansa.

‘Gusto mo akong pagurin at pigilan na gumamit ng kapangyarihan? Hindi ako hangal para umayon sa pamamaraan mo. Kung iyan ang binabalak mo, sisirain ko ang diskarte mo at ipaparanas ko sa iyo ang mga kakayahang taglay ko,’ sa isip ni Faino..

Lumitaw na si Finn sa kaniyang harapan, subalit hindi pa rin siya kumikilos para salagin o iwasan ang atake nito. Nanatili lang siyang kalmado, at noong napakalapit na sa kaniya ng talim ng espada nito, makahulugan siyang ngumiti at sa kaniyang pagngiti, tatlong pigura na kamukhang-kamukha niya ang lumitaw sa paligid ni Finn at ang bawat isa rito ay nakaporma na para umatake.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz