Chapter LXXXVI

4.9K 908 63
                                    

Chapter LXXXVI: The Island of Soul Chefs (Part 1)

Ang Heavenly Gourmet Island. Ang islang ito ay kilala bilang pinakaligtas na lugar sa buong Land of Origins. Protektado ang lugar na ito ng makakapangyarihang indibidwal, mga Demigod Rank man o malalakas na Saint Rank. Misteryoso rin ang organisasyong namamahala sa islang ito at hanggang ngayon, nananatili pa ring misteryo kung sino nga ba ang pinaka pinuno rito.

Bukod sa pagkakakilanlan nito bilang pinakaligtas na lugar sa Land of Origins, ang lugar na ito ay kilala rin sa bansag na isla ng mga soul chef dahil halos lahat ng mahuhusay na soul chef sa buong Land of Origins ay naririto. Ito ay paraiso para sa kanila dahil bukod sa malaya't ligtas silang nakapagluluto rito, ang benepisyong ibinibigay sa kanila ng organisasyong nasa likod ng islang ito ganoon din ng mga mahahalagang panauhin dito ay napakalaki.

Libre nilang nakukuha ang mga pambihirang sangkap sa pagluluto. Kahit na mabababa lang ang antas at ranggo nila, nasusubukan nila ang mga sangkap na may napakatataas na kalidad. Hindi na nila kailangang personal na kumilos o ilagay sa kapahamakan ang kanilang buhay dahil maraming makakapangyarihang adventurer ang boluntaryong sumusuong sa panganib para lamang maipagluto sila ng masasarap na pagkain at maipagtimpla sila ng mga pambihirang inumin.

Totoong ang pagkain o pag-inom ay hindi na kailangan ng mga adventurer. Mabubuhay sila kahit hindi sila kumain dahil ang kailangan lang nilang gawin ay i-absorb ang natural na enerhiya sa paligid para ito ang magsilbing sustansya sa kanilang katawan. Sa kabila nito, marami pa ring adventurer ang ginagawang libangan ang pagkain at pag-inom. Mahalagang bahagi na iyon ng kanilang buhay na hindi nila kayang alisin. Ito ang nagbibigay-kontento sa kanila kaya malaki pa rin ang pagpapahalaga nila sa pagkain at pag-inom ng kung anu-anong putahe at inumin.

--

“Sa wakas, narating din natin ang islang ito,” sambit ni Finn matapos niyang makababa sa lupa.

Agad niyang inilibot ang kaniyang paningin, at napangiti na lang siya nang masaksihan niya ang pagbaba ng mga kasabayan nila. Hindi lang sila ang bisita rito, napakarami nila at napansin niya na hindi lang puro mga naninirahan sa Land of Origins ang mga ito, mayroon ding mga tagalabas na kagaya nila.

Habang pinag-aaralan ang paligid, mas lalo pang nagliwanag ang ekspresyon sa mukha ni Finn matapos niyang makita ang kagandahan ng kapaligiran. Wala pa sila sa pinakasentro ng isla kung saan matatagpuan ang mga gusali, tindahan, at parke, subalit namamangha na agad siya dahil sa napakagandang tanawin.

“Mahigpit na ipinagbabawal ang paglipad sa ibabaw ng isla. Iisa lang din ang pasukan at labasan ng mga panauhin kaya roon tayo dadaan para makapunta sa pinakasentro,” ani Finn at sinulyapan niya ang tatlo niyang kasama. “Magpakabait kayong tatlo. Sundin n'yo lang ang napag-usapan natin para hindi tayo magkaroon ng problema. Huwag na rin kayong makihalubilo sa iba kung hindi naman kinakailangan, at kung hindi ninyo kayang maging magalang sa mga soul chef o miyembro ng organisasyon dito, huwag na lang kayong magsalita para makaiwas sa hindi pagkakaunawaan.”

“Masusunod, Guro. Susubukan din naming umiwas sa gulo kung sakaling gulo na ang lumalapit sa amin,” agad na tugon ni Poll.

Tumango-tango si Meiyin at matamis siyang gumiti kay Finn habang si Eon ay nakatingin sa ibang direksyon na para bang hindi siya nakikinig sa usapan.

“Eon,” tawag ni Finn kay Eon upang kuhanin ang atensyon nito.

“Nangangako akong magtitimpi ako, Master,” ani Eon at muli siyang tumingin sa ibang direksyon habang pasipol-sipol.

Napabuntong-hininga na lang si Finn dahil hindi pa rin siya panatag. Marahan siyang umiling-iling at malumanay na sinabing, “Bukod sa ipinangako ko kina Faino at Astra na sasamahan ko sila rito, nagpunta rin tayo rito para maglibang. Pare-pareho tayong wala pang gaanong pahinga dahil sa mga isinagawa nating misyon. Ito na lang ang ulit ang pagkakataon natin para makapagpahinga kaya sa halip na pumasok tayo sa gulo, mas mabuti kung maglilibang na lang tayo rito.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now