Chapter XVI

4.5K 836 43
                                    

Chapter XVI: Dispute

Malamig ang simoy ng hangin sa malalim na bahagi ng bangin. Medyo madilim din ang paligid, at tila ba may nararamdaman silang kakila-kilabot na presensya sa kailaliman ng bangin. Ganoon man, marami pa rin ang nanatiling hindi apektado dahil ang ganitong klase ng pakikipagsapalaran ay hindi na bago sa mga kagaya nilang mandirigma na sumasabak sa mga labanan na nakataya ang kanilang buhay at kamatayan.

Tungkol sa mga propesyonal ng Creation Palace, karamihan sa kanila ay nakararamdam ng kaba dahil karamihan sa kanila ay hindi mandirigma at hindi sanay sa ganitong klase ng pakikipagsapalaran. Marahil matataas ang kanilang ranggo, nakaabot sila ng Chaos Rank, subalit inabot lang nila ang ranggong ito gamit ang mga pambihirang kayamanan upang magawa nilang makatagal sa paglikha ng mga produkto ng kanilang propesyon na napili.

Mabuti na lang dahil nariyan ang mga palace knight upang siguraduhin na ligtas sila. Dahil kung wala ang mga ito, hindi sila mangangahas na bumaba para makipagsapalaran. Palalampasin na lang nila ang pagkakataon na ito dahil alam nila sa sarili nila na sa napakaraming puwersang naroroon, siguradong mapapabilang lang sila sa masasawi dahil sa agawan ng mga kayamanan.

Samantala...

Hindi nagtagal, narating na rin nina Finn ang kailaliman ng bangin. Makapanindig-balahibo na ang simoy ng hangin doon. Mayroon pang nanginginig sa lamig kaya agad na kumain ang mga ito ng iba't ibang produkto ng alchemy na kayang labanan ang napakababang temperatura sa paligid. Mayroon ding nagsuot ng makapal na baluti para hindi sila maapektuhan ng kalamigan.

Medyo madilim pa rin ang kapaligiran, pero hindi na ganoon kadilim kagaya noong bumababa pa lang sila dahil nagkalat na sa lupa ang mga mahiwagang kristal na nagbibigay ng liwanag sa paligid.

Nananatiling alerto ang karamihan kahit na hindi pa lumilitaw ang halimaw. Tungkol sa iba, lalo na ang mga Demigod Rank, hindi sila makikitaan ng pangamba dahil kumpyansa sila sa kanilang lakas. Hindi sila natatakot sa sinasabi ng iba na makapangyarihang halimaw, sila ay mga Demigod Rank at wala na silang halos kinatatakutan. Kinokonsidera na sila bilang nasa tuktok ng Land of Origins at mabibilang na lang sa mga daliri sa kamay ang kinatatakutan nila.

Habang humahakbang patungo sa kinaroroonan ng sinasabing pasukan ng libingan, hindi inaalis ni Finn ang pakikiramdam sa paligid. Alerto siya bago pa man sila bumaba sa bangin, at sa totoo lang, hindi lang sa halimaw nakatuon ang pansin niya dahil sinisigurado niya rin na walang iregularidad na nangyayari sa kaniyang paligid.

Handa siya sa mga biglaang pag-atake. Hindi niya sigurado kung sino ang kaniyang pagkakatiwalaan sa mga ito dahil sa kasalukuyan, tanging ang mga Creation King at Queen lang ang kaniyang itinuturing na kakampi rito.

“Ang halimaw ay bigla na lamang daw lilitaw mula sa kawalan. Mahirap mangapa kung hindi natin alam kung saan magmumula ang kalaban,” sambit ni Finn habang kalmado siyang sumusulyap sa paligid.

“Hayaan mong ang mga puwersang nagboluntaryo ang kumalaban sa halimaw. Sila ang may responsibilidad na makipaglaban habang ang responsibilidad lang natin ay alamin kung may paraan para makapasok sa libingan,” marahang tugon ni Iseranni. “Kayo ni Haring Adlaros at ng mga mahuhusay na formation master ang kikilos kapag talaga ngang formation ang dahilan kung bakit hindi mabuksan ang pasukan. Tatabi kami at manonood na lamang sa inyong gagawin, subalit kapag kailangan ninyo ang tulong namin, tutulungan namin kayo sa abot ng aming makakaya.”

Bahagyang tumango si Finn kay Iseranni, subalit hindi na siya nagwika pa. Naiintindihan niya na responsibilidad ng mga nagboluntaryo na labanan ang halimaw, subalit hindi siya mapakali dahil iba ang nararamdaman niya sa bangin na ito. Kalmado lang siya sa panlabas, pero sa loob-loob niya, nangangamba siya dahil pakiramdam niya ay mayroong mangyayaring hindi maganda sa kanila rito. Kung kanina noong nasa taas pa sila ay kampante siya, ngayon ay hindi na.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now