Chapter CXXVI

4.5K 798 50
                                    

Chapter CXXVI: At the Point Of

“Talaga bang mangyayari ang sinasabi ninyong huling hamon? Kailangan ko pa ba talagang mapagtagumpayan iyon?” magkasunod na tanong ni Zelruer sa dalawa niyang kaharap. “Hindi na ako makapaghintay na bumalik sa divine realm. Handa na ngayon ang hukbong ito para makipag-agawan ng trono sa divine realm, at sa pagkakataong ito, sa tulong ninyo, nasisiguro ko na makukuha ko na ang tronong matagal ko nang hinahangad.”

“Ako ang magiging pinakamalakas at wala nang sinoman ang hahamak sa akin dahil ako ay mula sa pangkaraniwang lahi lamang,” dagdag niya at para bang bumakas ang nag-aapoy na determinasyon sa kaniyang mga mata.

Sa kasalukuyan, nakasakay si Zelruer, ang ilan sa kaniyang mga tauhan, at ang dalawang pinuno ng kaniyang mga nakalap na kakampi sa isang air ship. May iba pa silang air ship na kasunod, at ang mga ito ang sinasakyan ng mga tauhan ng dalawang pangkat na sumumpa ng katapatan sa kaniya. Wala silang destinasyon sa isinasagawa nilang paglalakbay dahil nililibot nila ang Land of Origins habang hinihintay ang pagsisimula ng huling hamon.

Ang isa sa dalawang pinuno ay isang babaeng may mahabang napakaitim na buhok at pares ng madilim na lilang mga mata. Ang kaniyang kasuotan ay may mga itim na balahibo't pakpak, at kapansin-pansin din ang ginintuang circlet sa kaniyang noo.

Ang babaeng ito ang pinuno ng mga ravenian sa Land of Origins--si Usua Ravena, isang Demigod Rank.

Tungkol sa isa, isa itong lalaking hubad-baro at nagtataglay ito ng patpating pangangatawan. Hindi siya mukhang malakas, at animo'y sakitin siya dahil talagang napakapayat niya at patuloy sa panginginig ang kaniyang katawan. Ganoon man--kagaya ni Usua--isa rin siyang Demigod Rank.

Siya si Raja Delmare, ang pinuno ng mga merman at mermaid sa Land of Origins. Pero ngayon, siya, si Usua, at ang kanilang mga tauhan ay naglilingkod na kay Zelruer. Sumumpa na sila ng katapatan dahil hangad na nilang makalaya mula sa kanilang mundong sinilangan.

“Ang mga ravenian ay naniniwalang makakamit mo ang hinahangad mo. Buo ang suporta ng aming hukbo sa pakikipag-agawan mo ng trono sa inyong mundo,” walang emosyong sambit ni Usua.

“Gayundin kami...” komenti ni Raja habang patuloy sa mahinang panginginig ang katawan niya. “Pero, hindi pa rin tayo dapat makampante... si Finn Silva at ang kaniyang hukbo ay naghahangad ding maging pinakamalakas na puwersa sa inyong mundo. Ikaw ang pinili naming paglingkuran dahil hindi namin gusto ang layunin niyang pagtuunan ng pansin ang mga diyablo, gayunman, dapat pa rin natin siyang paghandaan dahil sa potensyal na taglay niya.”

“Mahina pa sila... pero kapag nabigyan sila ng sapat na panahon, magiging makapangyarihan pa sila lalo na't mayroon silang mga propesyonal sa kanilang panig...” mahinang dagdag niya.

Sa halip na magalit dahil mayroong pinupuring iba si Raja bukod sa kaniya, umarko pa ang mga labi ni Zelruer at pumorma ito sa isang makahulugang ngiti.

“Siya ang nag-iisa kong karibal kaya natural lang na maging mahigpit ko siyang kaagaw sa pagiging pinakamakapangyarihan. Hindi na ako makapaghintay na mas lumakas pa siya... gusto ko siyang maging malakas at hahamunin ko siya sa isang laban para makabawi ako sa ginawa niyang pagtalo sa akin sa isinagawang kompetisyon ng mga warwolf,” nananabik na sabi niya. Umismid siya at pumihit. Tumingin siya sa taas at pabulong na sinabing, “Si Finn Silva ang pinili nina Auberon, Filvendor, at Vishan na paglingkuran. Ako ang naunang nag-alok sa kanila. Nagpakumbaba rin ako at siniguro ko sa kanila noon na bibigyan ko sila ng mataas na posisyon kapag tinanggap nila ang aking inaalok, pero sila... kusa silang lumapit kay Finn Silva para manumpa ng katapatan.”

“Noong una ay hindi ko maintindihan kung bakit pinili ni Auberon si Finn Silva kaysa sa akin. Pero matapos ang aming laban, at matapos kong malaman kung ano ang kanilang layunin, agad ko ring nantindihan.” Sandali siyang huminto sa pagsasalita. Inalala niya kung ano ang nangyari sa kanilang laban. Hindi niya agad natanggap ang kaniyang pagkatalo noon, mahirap para sa kaniya na tanggapin na natalo siya ng isang hindi emperador o imperatris. Napakalaki ng tingin niya sa kaniyang sarili dahil kumpara sa iba, mas naging mabilis ang pag-angat ng kaniyang antas at ranggo.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon