Chapter LXXIV

5.4K 845 37
                                    

Chapter LXXIV: Departure and the Next Plan (Part 1)

“Kumusta na kaya sina Guro at Kapitan Kiden? Sana lang ay maayos ang takbo ng sitwasyon sa tribo ng mga axvian. Masyado na silang nagtatagal doon at hindi ko na mapigilang mag-alala nang sobra lalo na't wala man lang akong ka-ide-ideya kung ano na ang lagay nila. Walang nagaganap na mga pagsabog. Wala rin akong nararamdamang pagkalat ng kakila-kilabot na aura kaya siguro naman ay maayos lang ang kanilang kalagayan sa tribo ng mga axvian,” pabulong na sabi ni Poll habang nakatulala siya sa direksyon kung saan matatagpuan ang tribo ng mga axvian. Huminga siya ng malalim. Mapait siyang ngumiti at nagpatuloy sa pagsasalita, “Hindi naman maganda kung magtutungo tayo roon para alamin kung ano na ang nangyayari. Nararamdaman ko pa rin ang presensya ng mga axvian na nagmamasid sa atin. Hindi sila umaalis at nananatili lang sila sa kagubatan habang nakabantay sa ating mga kilos.”

Bumaling sa kaniya si Meiyin na kasalukuyang nakaupo sa tabi niya. Mababakasan din ito ng pag-aalala at makailang saglit pa, nagbigay rin siya ng komento.

“Ako rin ay labis na ang pag-aalala kina kuya at Kapitan Kiden. Ano kaya kung gumamit na tayo ng Conveying Sound Inscription para makipagkomunikasyon kay kuya? Isa lang naman ang magagamit natin... at para naman iyon sa ikapapanatag nating lahat,” mungkahi ni Meiyin.

Bumaling din si Poll kay Meiyin. Sandali siyang nag-isip, at makaraan ang ilang sandali, tumango siya at sasang-ayon na sana siya sa sinabi ni Meiyin, subalit bigla niyang narinig ang tinig ni Auberon.

“Hindi na kailangang gumamit ng Conveying Sound Inscription. Ngayon din mismo ay nararamdaman ko na ang presensya ng batang panginoon at ni Kiden. Pabalik na sila rito kaya wala na kayong dapat ipag-alala,” mahinahong sabi ni Auberon habang ang kaniyang tingin ay nakatuon sa himpapawid.

Bumakas ang masayang ekspresyon sa mukha nina Poll at Meiyin matapos nilang malaman na pabalik na sina Finn at Kiden sa kanilang kinaroroonan. Hindi pa nila nakukumpirma na malapit na ang presensya ng dalawa dahil hindi kasing talas ng kanilang pandama ang pandama ni Auberon, ganoon man, naniniwala sila rito kaya napanatag na sila.

Isa pang senyales na pabalik na nga talaga ang dalawa ay ang biglaang paglapit ni Eon kung nasaan sina Meiyin at Poll. Tumingin din ito sa direksyon kung saan nakatingin si Auberon kaya sigurado sila na nararamdaman na rin nito ang presensya nina Finn at Kiden.

Makaraan ang ilang sandali, naramdaman na rin nina Poll at Meiyin na paparating na sina Finn at Kiden. Malinaw na nilang nararamdaman ang presensya ng dalawa, at hindi kalaunan, natanaw na rin nila ang mga ito na kasalukuyang lumilipad sa himpapawid.

Sa paglitaw ng dalawa, ang Divisions of Imperial Armies ng New Order ay umayos na ng pagkakahanay. Ang mga pangkaraniwang miyembro ay humanay sa dibisyon kung saan sila nabibilang habang ang mga kapitan at bise kapitan ganoon din ang mga espesyal na miyembro kagaya nina Poll, Meiyin, Eon, at ang iba pa ay tumayo malapit kay Auberon.

Samantala, habang nasa himpapawid, malumanay na nagwika si Finn para paalalahanan si Kiden.

“Huwag mo munang ipapaalam sa kanila ang tungkol sa Circlet of Rage God. Wala munang dapat makaalam na nagtataglay ka ng divine artifact dahil masyadong mapanganib hindi lang para sa iyo kung hindi para sa ating lahat na rin, Kapitan Kiden,” ani Finn.

“Masusunod, Pinunong Finn,” agad na tugon ni Kiden. Nanatiling seryoso ang kaniyang ekspresyon. Bahagya siyang tumango at kalmadong nagpatuloy, “Hindi ko ipapalaam kahit kanino ang tungkol sa Circlet of Rage God. Nauunawaan kong hindi pa ito ang tamang panahon, at huwag kang mag-alala dahil hindi ako gagawa ng ikapapahamak ng New Order, lalong-lalo na ng ikapapahamak mo. Umasa kang hindi kita bibigyan ng problema dahil alam ko kung ano ang dapat gawin sa ganitong klase ng sitwasyon.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now