Chapter LXVIII

5.1K 863 50
                                    

Chapter LXVIII: Twin Celestial Generals

Nagsalubong ang kilay ni Maya habang mas lalong lumapad ang ngiti ni Mira dahil sa kasalukuyang reaksyon ni Finn. Para kay Mira, matinding pangamba ang nakikita niya sa ekspresyon nito habang para kay Maya, naguguluhan ito at kita niya sa mga mata nito ang pagtatanong.

“Nakakalibang ang ipinapakita mong reaksyon. Gayunman, hindi mo kailangang mangamba dahil kung magiging matalino ka sa iyong desisyon, walang masamang mangyayari sa iyo,” tila ba nagnabantang saad ni Mira. Tumawa pa siya at nagpatuloy. ”May ideya ka na sa aming rason kung bakit ka namin gustong makaharap? Alam mo na ba kung bakit kaming dalawang heneral ng Celestial Sea Empress ay naglaan ng panahon para lang mahanap ka?”

Nakabawi si Finn matapos niyang marinig ang mga naging pahayag ni Mira. Malinaw niyang naiintindihan ang mga sinabi nito, at sa tono ng pananalita nito, bigla siyang may napagtanto.

Kaagad na napawi ang pangambang nararamdaman niya kanina. Makahulugan niyang nginitian ang dalawa, pero hindi kaagad siya tumugon sa mga itinatanong sa kaniya ni Mira. Nanahimik lang siya habang iniisip ang isang bagay.

‘Kung gano'n, mukhang sikreto nga talaga ang pag-iral ko. Halatang wala pang alam tungkol sa akin ang dalawang ito. Sila ay mga heneral ng aking totoong ina--pinakamalalapit na tauhan, subalit hindi nila alam na ako ay anak ng kanilang pinaglilingkuran,’ sa isip na lang ni Finn habang pinagmamasdan niya pa rin ang dalawa.

‘Pero, balak ba nila akong guluhin at kalabanin? Kagaya lang din ba sila ng iba na binabalak akong gawing tauhan? Isa pa... alam kaya ni ina na pinupuntirya ng dalawa niyang heneral ang kaniyang anak? At bakit walang kasamang mga tauhan ang dalawang ito?’

Hindi mapigilan ni Finn na mapatanong sa kaniyang sarili kung ano ang totoong sadya sa kaniya nina Maya at Mira. Sigurado siyang nakaabot na sa divine realm ang mga impormasyon patungkol sa kaniya. Malaki ang posibilidad na alam na ng kaniyang ina na naririto siya, at ang gusto niyang malaman ay kung sinasadya ba ng kaniyang ina ang nangyayaring ito para papuntahin siya sa divine realm.

Naguguluhan siya, subalit hindi niya iyon ipinakita sa dalawa. Nagkunwari siyang hindi tensyonado, subalit sa loob-loob niya, napakarami niya nang gustong itanong kina Maya at Mira patungkol sa kaniyang ina.

Nagsilapitan na sina Auberon, Eon, Poll, Meiyin, ang mga Marren, ang mga kapitan, at ang mga bise kapitan ng Divisions of Imperial Armies. Sumama na rin si Ceerae at pumalibot silang lahat kina Finn, Maya, at Mira.

Bumuo ng matinding tensyon ang kaganapang ito, at dahil sa ginawang pagpalibot ng malalakas na miyembro ng New Order, tila ba nakaramdam sina Maya at Mira ng pangamba. Nararamdaman nila ang matinding panganib kaya napasimangot na lang silang dalawa habang sinusulyapan ng tingin ang mga nakapalibot sa kanila.

‘Sina Auberon at Ceerae... talaga ngang bahagi sila ng puwersang pinamumunuan ni Finn Silva! Pareho silang ayaw maglingkod kahit na kanino man, pero ngayon, pareho na silang naglilingkod kay Finn Silva,’ sa isip ni Maya. Binigyan niya ng tingin ang iba pang naroroon at naningkit ang kaniyang mga mata nang maramdaman niya ang aura ng mga Saint Rank. ‘Kasumpa-sumpa talaga ang restriksyon ng mundong ito! Kung hindi lang sana nalilimitahan ang aming totoong antas at ranggo, madali na sana naming magagawa ang sadya namin kay Finn Silva! Gayunman, hindi magandang hakbang kung gagawa kami ng gulo rito. Maghuhukay lang kami ng aming libingan kapag kumilos kami nang hindi naaayon sa kanilang panlasa.’

“Sabihin n'yo na kung ano ang sadya ninyong dalawa sa akin. Masyado na tayong gumagawa ng eksena, at naaabala n'yo na rin kami sa aming pagpila,” lahad ni Finn. Makahulugan siyang ngumiti sa dalawa at malumanay na sinabing, “Kung ang sadya ninyo ay hindi maganda, pinapayuhan ko kayong huwag nang tumuloy. Hindi ako natatakot sabihin na ayoko kayong makalaban. Ayokong umabot sa punto na kailangan ko kayong kalabanin dahil labag iyon sa loob ko.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Where stories live. Discover now